Part 19

1.3K 48 6
                                    

NATAPOS rin sa wakas ang isang linggo. Makukuha na rin ni Ruth ang kapalit ng pitong araw na pagtitiis niya kay Aldrei Gucelli. Kung puwede lang hilahin ang oras, nasa twelve midnight na sa Baguio kanina pa. Hindi na sana siya nagpipigil ng antok. Kung hindi ba naman mautak pa sa matalinong matsing ang guwapong taong grasa, sinadya talagang pagurin siya. Sunod-sunod ang utos—maglinis sa buong bahay, magdilig ng lahat ng halaman sa paligid, mag-trim ng damo at magluto. Gusto ni Ruth ang huling utos—ang magluto ng paborito niyang dinner gamit ang mga ingredients na available sa kusina. Ang mga niluto niyang pagkain, nasa mesa na ng eleven thirty PM at dapat ay mainit pa. Nag-adjust na naman ng oras si Ruth para umabot sa eksaktong oras. Ang sarap talaga hilahin ang buhok ng artist. Mag-uutos na lang, ang dami pang arte. Pagkatapos magluto, pagod na talaga si Ruth. Naghahanap na ng kama ang likod niya. Nasa mesa na siya kaharap ang mga pagkain, pinipilit pa rin ni Ruth na idilat ang pumipikit nang mga mata dahil sa antok. Sa mismong moment na bumabagsak na ang ulo niya, saka naman narinig ni Ruth ang boses ni Aldrei—inutusan lang naman siyang kainin ang niluto niya!

Nag-dinner si Ruth. Sayang naman ang niluto niya kung hindi kakainin. May problema na nga lang siya pagkatapos ng dinner—nadoble na ang antok niya. May kutob si Ruth na sinadya ni Aldrei na punuin ng utos ang araw na iyon. Kung pagod nga naman siya, ang bilis lang makatulog. At kapag nakatulog siya bago ang twelve midnight, mababalewala na naman ang isang linggong pagod niya. Mawawalan siya ng chance na magtanong sa artist. Masasayang ang dalawang tanong na dapat na sana nitong nasagot.

Pinilit ni Ruth gisingin ang sarili—kinurot niya ang sariling braso, tinampal ang noo, sinabunutan ang sarili, kumanta, mag-stretch—pero walang nangyari. Nakatulog pa rin siya. Nakatulog nang hindi niya namamalayan.

At nagising siyang maliwanag na.

Dumaan ang twelve midnight na ang himbing ng tulog niya!

Ang lakas ng tili ni Ruth kinabukasan. Ginulo na lang niya ang buhok sa frustration. Nagmartsa siya palabas ng kuwarto—si Aldrei ang nabungaran niya sa labas. Kalalabas din lang nito galing sa studio. Hindi mukhang bagong gising ang lalaki. Walang bigat at tamlay sa kilos. Parang nahigop na nito ang lahat ng enerhiya na wala siya.

Nagtama ang mga mata nila. Blangko pa rin ang mukha nito pero obvious ang pagtaas ng sulok ng bibig. Hula ni Ruth, lihim siyang pinagtatawanan. Nasayang lang naman ang buong linggong pinaghirapan niya!

Tumili na naman si Ruth sa frustration. Inaasahan na niya ang singhal ng artist na pikon na pikon sa ingay. Pero walang reaksiyon mula rito. Balewalang tinalikuran lang siya. Mas naasar si Ruth na hindi ito affected sa ingay gaya dati. Sa pagkasira na lang kasi ng iniingatan nitong katahimikan sa bahay nakakaganti si Ruth.

Madulas ka sana!

Hindi siya dating nagwi-wish na makasakit ng kapwa pero nang sandaling iyon, sigurado si Ruth na ang makitang gumulong sa hagdan ang artist ang magbibigay ng satisfaction sa kanya.

Nadulas nga si Aldrei. Hindi naman gumulong, napaupo lang sa steps. Mabilis na nakahawak sa handrail kaya hindi nagpagulong-gulong pababa.

May tunog ang tawa ni Ruth, na sinadya niyang hindi itago. At tama siya, makita lang niyang bumagsak ang artist, kahit nga alam niyang hindi man gaanong nasaktan, magaan na sa pakiramdam. At ang sayang nagka-chance siyang pagtawanan ito.

Deadma naman si Aldrei parang walang nangyaring itinuloy ang mga hakbang pababa.


Club Red 7: Aldrei (At All Times)  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon