KUMABOG bigla ang puso ni Ruth nang magtama ang mga mata nila ng bisita ni Aldrei. Nakangiti pa si Ruth nang bumaba kanina mga lampas alas diyes ng umaga. Kulang man sa tulog, ang gaan ng mood niya. Si Aldrei agad ang hinanap ng mga mata niya pagdating sa living room. Sinilip niya ang artist sa studio nito bago siya bumaba, walang tao sa loob.
"Aldrei-" hindi na nabuo ni Ruth ang pagtawag sana. Nakita na niya ang lalaki, kasunod ang matangkad na babaeng pang Miss Venezuela candidate sa Miss Universe pageant ang dating-itim na itim ang buhok na tuwid na tuwid, walang make up pero naghuhumiyaw ang ganda ng perpektong mukha. At ang sukat ng dibdib at balakang...
Nakanganga na lang si Ruth. Mas binigyang diin ng black skinny jeans, black fitted blouse sa ilalim ng pale brown na jacket. Kakulay ng jacket ang boots nitong three inches yata ang heels.
Pero hindi ang pang Miss Universe na dating ng babae ang nagpakabog ng puso ni Ruth-ang gray na mga mata nito na katulad na katulad ng mata ng babae sa alaala niya!
"Hi!" ang babae sa kanya. Naka all smile ito pero iba ang naramdaman ni Ruth sa titig. Parang ang lalim. Parang may current na tumawid sa kanya. Naglahad ng kamay ang babae. "Rish."
"Ruth." Tinanggap niya ang kamay nito. "Hi-" napatigil si Ruth. Parang hinampas siya ng hangin bigla. Inilipad ang mga hair strand sa mukha niya. Feeling tuloy ni Ruth, may nagsalpukang energy source at natapon sa kanya ang enerhiyang kumalat.
Ang tagal bago binitiwan ni Rish ang kamay niya. Titig na titig rin ito sa kanya na may creepy feels na naramdaman si Ruth. Parang iisang mga mata talaga ang nakita niya...
"Nagkita na ba tayo somewhere?" hindi siya lakwatsera, piling pili ang mga kaibigan at hindi rin siya mahilig mag-party. Iilan lang ang nakita niyang gray eyed, kaya kung nagkita na nga sila ng bisita ni Aldrei, baka ito nga ang nakita niyang kasama sa mga nagbabalik niyang alaala.
"Sa 'taas kita hintayin, Rish." Si Aldrei na seryoso at pormal ang anyo. Wala nang bakas ang lalaking hanggang umaga niyang kasama sa gallery at sa kuwarto nito. Hindi nga lang sila magkatabing natulog. Inihatid siya nito sa guest room mga alas singko ng umaga.
Ten thirty na ngayon, at parang ibang tao-hindi, bampira pala-ang nakaharap niya. Hindi nga siya tinapunan ng tingin. Ayaw ba nitong makita ni Rish na may something sa kanila? Ang cold, ah!
Sinundan na lang ni Ruth ang pag-akyat ni Rish sa stairs. Ang sexy ng galaw ng babae pati sa paghakbang. Kung itatabi nga naman sa kanya, walang dudang kay Rish tututok ang mga mata ng lahat.
Marami man ang nagsasabing kamukha niya si Kristine Hermosa, kinulang naman siya ng sapat na height at tamang curves. Slim siya oo, medyo kulang nga lang sa ilang bagay-sa 'future' at sa balakang siya mas affected. Hindi naman siya mukhang lapis pero hindi rin siya sexy. Kung katawan versus mukha, mas pipiliin ni Ruth ang mukha.
Hello, Kristine Hermosa look a like, bes! Wish lang niya, naging ala Jennifer Lopez ang katawan niya. Hanggang wish lang talaga.
Bumalik ang tingin ni Ruth sa itaas.
Ano kayang pinag-uusapan ng dalawa?
At si Rish, sino kaya 'yon? Ex ni Aldrei? May something in common ang dalawa, ramdam ni Ruth. Kung ang obvious na banyagang dugo o may iba pa, hindi niya sigurado. Lumabas na lang si Ruth para magdilig ng mga halaman-na dapat sana, kaninang hindi pa mataas ang araw. Magdilig na lang para hindi siya mag-isip ng kung ano ano. Magdilig na lang para may magawa. Magti-trim din siya ng mga halaman sa paligid, magtatanggal ng alikabok at magwawalis sa living room hanggang sa kusina. Magluluto na rin ng breakfast or lunch or sabay na lang. Gusto lang niyang busy siya habang busy rin si Aldrei at ang magandang babae sa itaas.
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
VampireClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.