Part 18

1.4K 44 17
                                    

Note: ANG POV NI ALDREI AY NASA BOOK PO. Thank you.


NASA bakuran na si Ruth hindi pa man sumisikat ang araw. Naglilinis siya dapat sa paligid pero wala sa paglilinis ang isip niya. Pabalik balik sa utak niya ang panaginip—mga halimaw na naman. Ang nakaka-suffocate na usok. At ang pamilyar na amoy...

Ano kaya ang amoy na iyon? Gusto niyang isipin na scent ng perfume pero mas malapit ang scent sa bango ng bulaklak. Gagamit ba ng perfume na amoy rosas ang isang lalaki?

Hindi rin mawala sa isip niya ang pigura. Parang scene na naka-set sa repeat, paulit-ulit—ang lalaking naglakad palapit. Sigurado si Ruth na unang beses niyang nakita sa panaginip iyon pero bakit may ibang pakiramdam na hatid sa kanya? Ano'ng ibig sabihin ng reaksiyon na iyon ng puso niya?

Siya kaya ang forever ko?

Gustong batukan ni Ruth ang sarili. Binabangungot na siya't lahat, naisip pa niya ang 'ka-forever'? Pero iba talaga ang naramdaman niyang kabog sa dibdib. Mula bata pa, nananaginip na siya ng mga scene na hindi niya maintindihan—na ngayon ngayon pa lang niya nare-realize na ang mga scene na iyon ay bahagi pala ng nakaraang hindi niya maalala, pero ang kabog na iyon, iba sa takot, kaba at panic na pamilyar na pakiramdam sa mga bangungot niya.

Ano kaya ang nangyari kung hindi siya nagising? Makikita kaya niya ang mukha ng taong iyon?

Pumikit si Ruth. Nakita niya uli sa isip ang pigura. Mahaba man ang buhok, hindi iyon babae, sigurado si Ruth. Sa sinag ng liwanag, malinaw ang bulto ng pigurang palapit. Malapad ang mga balikat at matatag ang tindig.

Pero ang tanong talaga, bakit may lalaking faceless sa bangungot niya? Sa mga halimaw nagsimula ang panaginip, bakit nagtapos sa kakaibang scent na parang sinakop siya, at sa lalaking dumating na hindi alam ni Ruth kung bakit kasama sa kanyang panaginip.

Sino ang lalaking iyon?



NAKITA ni Irisha ang sarili sa dilim. May mga naririnig siyang ingay galing sa magkasalungat na direksiyon. Ramdam din niya ang magkalabang enerhiya—dilim at liwanag.

Ramdam ng Gabay ang magkasalungat na lakas. Para siyang hinihila sa magkabilang direksiyon.

Papalakas ang naririnig niyang ingay, tinatapatan ng lakas ng enerhiyang parang hinahatak siya at hinihigop. Sa isang direksiyon, hinihigop ang sarili niyang enerhiya—hatid sa kanya ay panghihina. Sa direksiyon iyon galing ang ingay ng mga nagsasayang halimaw.

Sa katapat na direksiyon, sa pinagmumulan ng mga bulong sa kalikasan, mga bulong na humihiling ng protesiyon at kapayapaan, ramdam ni Irisha ang enerhiyang ibinabangon siya mula sa panghihina. Hinahatak ang positibo niyang enerhiya para mas lumakas—iyon ang enerhiyang may positibong hatid sa kanya.

Pumikit si Irisha, pinilit hanapin sa isip ang pinagmumulan ng enerhiya. Naririnig niya ang sabay na sabay na bulong, ang mga hiling sa kalikasan, ngunit ang imahe ng grupong pinagmumulan ng enerhiya ay malabo.

Malakas na halakhak ang narinig ni Irisha. Kasabay ng kilabot, parang may tumarak na patalim sa puso niya. Nagsikip ang dibdib ng gabay. Nahirapan siyang huminga.

Hindi...

May isang inosenteng buhay na nawala. Mas lumakas ang negatibong enerhiya. Tumakbo si Irisha. Sinuong ang kadiliman. Kailangan niyang mahanap ang pinagmumulan ng negatibong enerhiya. Hindi na dapat maulit ang kalupitan. Walang inosenteng mortal ang dapat madamay. Kailangang masugpo ang dilim. Ang liwanag na isinusulong nila ang dapat manaig.

Liwanag.

May kislap ng liwanag na nahagip ng mga mata ni Irisha. Maliit na liwanag lang sa umpisa na naging nakakasilaw—nabulag siya ng liwanag.

At nagising ang Gabay.

Nang mga sumunod na segundo, nakalapat na ang kamay ni Irisha sa pahina ng Puting Anino.


Club Red 7: Aldrei (At All Times)  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon