Part 14: Muling Pagtanggap Sa Proyekto

1.4K 44 5
                                    

DALAWANG araw na tulog-tulala lang ang ginawa ni Ruth. Nagkulong lang siya sa kuwartong ino-occupy niya sa guest house. Nag-off siya ng phone at kinalimutan muna ang internet. Wala siyang ginawa kundi pilitin ang sariling kumain, matulog at tumitig sa dingding pagkagising. Bago siya nag-ala zombie sa kuwarto, nag-email muna siya kay Juan Ibarra. Nagpaalam siyang hindi na niya tatapusin ang project. Hindi na hinintay ni Ruth ang sagot ng writer, nag-'hiatus' na siya.

Bago rin niya in-off ang cell phone, nag-text siya kay Fatty. Nagpaalam siyang papatayin muna ang gadget para mag-focus sa trabaho. Hindi niya gustong dumagdag pa sa inaalala ng kaibigan. Kaya naman niya. At kakayanin niyang bumalik sa dating sarili. Sapat na oras lang siguro ang kailangan.

Gaya nang nagdaang araw, tumitig lang siya sa dingding hanggang lunch time. Bumaba siya at pinilit ang sariling kumain sa restaurant sa ibaba. Umakyat din agad si Ruth Pagkatapos mag-lunch. Bumalik siya sa pagkakahiga sa kama—sa kisame naman siya tumitig hanggang inantok at nakatulog.

Pagkagising, naisip niyang maglibot para malipat sa ibang bagay ang atensiyon. Hindi nga lang napilit ni Ruth ang sarili. Ang bigat ng pakiramdam niya. Gusto niyang nasa kama lang, matulog o kaya ay tumitig lang nang tagos sa kisame o sa dingding.

Lampas alas siete na nang gabi nang mahila niya ang sarili palabas ng kuwarto. Nag-taxi siya at nagpahatid sa malapit na steak house. Sinadya niyang pagpagutom para makakain nang marami. Na-realize niya, walang ibang hahatak sa kanya paalis sa sitwasyon kundi siya lang din. Kailangan niyang gawin iyon para sa sarili. Kailangan niyang umabante—hindi man makaahon agad agad, kailangan niyang humakbang palayo. Nangyari na ang nangyari at hindi na mababago. Parte na lang din iyon ng nakaraan na hindi na masisira ang kasalukuyan o ang kinubukasan kung hindi niya hahayaan. Pero kung ilulugmok niya ang sarili sa sakit at lungkot, siya lang din ang naglubog sa sarili sa sitwasyong dapat ay tapos na.

Kumain nang marami si Ruth. Bago bumalik sa kuwarto niya sa guest house, nag-ice cream din siyang desert. Dumaan rin siya sa bukas pang convenience store at bumili ng candies at chocolates. Magaan na ang pakiramdam niya nang pumasok sa kuwarto. Magkasunod niyang in-open ang cell phone at laptop.

Email ni Juan Ibarra ang sumalubong sa kanya nang mag-check si Ruth ng kanyang inbox.

Binibining Romero,

Nalulungkot ako ngunit hindi ko saklaw ang iyong mga desisyon. Kung iyon ang nais mo, wala akong karapatang pigilan ka na mas piliin ang sa tingin mo ay mas makabuluhang gawain kaysa sa proyekto natin.

Maraming salamat sa maikling mga pahinang natapos mo. Napakaganda rin ng mga larawan. Hayaan mong ibigay mo ang kalahati ng halagang napag-usapan. Napakalaking tulong ng impormasyong ipinasa mo para mapagdugtong-dugtong ko ang ilang detalye sa aking kuwento.

Nasa akin na rin ang Encantador. Ang obrang naging misteryo sa akin nang ilang taon, ngayon ay nahanap ko na ang mga sagot. Totoo ang nakalap mong impormasyon. Nawala na lahat ang mga orihinal na obra ni Tres. Ang Encantador ang nag-iisang naiwang orihinal. Natuklasan kong may dahilan kung bakit buhay ang huling obra ni Tres—dahil ikinubli ng obrang ito ang tagong mensahe ng ina sa kanyang mahal na anak.

Nakalulungkot na ang pamilyang ito ay biktima ng mga misteryong walang paliwanag.

Maraming salamat sa tulong mo.

Juan Ibarra.

Nakatatlong ulit na basa si Ruth. Tama talaga ang basa niya. May mas malalim na ibig sabihin si Juan Ibarra. Ano'ng mensahe ang sinasabi nito? May iniwang mensahe para sa kanya ang tunay niyang ina?

Mabilis na nag-reply si Ruth.

Ginoong Ibarra,

Sir, may hidden message po ang Encantador? Long story kung ikukuwento ko pa pero gusto ko pong malaman. Kailangan kong malaman ang sinasabi n'yong hidden message. Please, Sir, kung may request kayong gusto n'yong gawin mo kapalit ng impormasyon, I'd gladly do it.

Thank you.

Ilang minuto lang, may new email na uli galing kay Juan Ibarra.

Bibinibining Romero,

Gusto mo bang pag-isipan uli ang proyekto? Nasimulan mo na, hindi ba? Panatag akong ipagkatiwala sa 'yo ang proyekto hanggang sa huli. Kung hindi sapat ang kinakapitan kong pag-asa, ipapangako kong kapalit ang bagay na importante sa 'yo—ang mensaheng nakatago sa Encantador at ang mismong obra. Kung matatapos mo ang proyekto, ibibigay kong regalo bilang pasasalamat ang orihinal na obra ni Tres at ang tagong mensahe sa obra.

Umaasa,

Juan Ibarra.

Ang project kapalit ng dagdag na impormasyon tungkol sa tunay niyang pagkatao? Napapikit si Ruth, mariing hinagod ang batok. Kaya ba niya ang nahuhulaan na niyang katakot takot na pagdadaanan niya sa psycho yatang artist sa Baguio?

Nagbuga si Ruth ng hangin sa ere.

Kung susuko siya, wala siyang makukuha kay Juan Ibarra. Hindi siya interesado sa obra ng ama. Ang sinasabi ni Juan Ibarra na mensahe ng ina para sa anak ang gustong malaman ni Ruth. Ang mensahe para sa kanya...

Hindi nag-isip nang matagal si Ruth. Nag-type siya ng reply.

Tatapusin ko na ang project, Sir.

Nag-reply agad si Juan Ibarra.

Maraming salamat, Binibining Romero.


Club Red 7: Aldrei (At All Times)  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon