Part 4: Ang Sanggol ng Dilim

2.3K 67 1
                                    

Baguio

AM I dying?

Nasa isip na lang ni Ruth ang tanong. Bagsak na siya. Gustong gumapang ni Ruth pero mas masusugatan siya ng matatalim na halaman. Hindi rin niya alam ang naghihintay sa kanya sa unahan. Napakadilim. Wala siyang maaninag na kahit anong pinagmumulan ng liwanag. Wala rin siyang ideya kung nasaan siya. Isa lang ang pamilyar—kadiliman. Hindi unang beses niyang nakita iyon. Hindi rin unang beses na bumabagsak siya sa parehong lugar. Lagi siyang hinahatak ng takot at ng kagustuhang tumakas sa lugar na iyon.

Panganib. Panganib ang tinatakasan ni Ruth pero hindi kaligtasan ang naghihintay sa kanya—dilim. Walang hanggang kadiliman na para bang hinahatak siya. At sa lugar na iyon, sa lugar na katahimikan na lang ang kasama niya, sa lugar na iyon na wala na ang ungol ng mga halimaw na lagi siyang sinusundan, pakiramdam ni Ruth ay tamang naroon siya. Na sa gitna ng dilim na iyon ay hindi siya masusundan ng mga halimaw. Na sa gitna ng dilim na iyon...

Ligtas siya.

Napapitlag si Ruth nang may sumigaw. Boses babae. Parang pumitlag ang puso niya. Pinilit bumangon ni Ruth. Ramdam niya ang hapdi sa iba't ibang bahagi ng katawan, na hindi man niya nakikita, ramdam ni Ruth na may mga sugat. Kailangan niyang kumilos. Mali ang naisip niyang ligtas ang madilim na lugar na iyon. Nasa paligid pa rin ang mga halimaw. Mga halimaw na nararamdaman niya sa paligid ang pagkilos, na alam niyang may hinahanap at hinahabol. Hindi iyon ang unang beses na engkuwentro niya sa mga halimaw. May unang dalawang beses na. Sa mismong minutong bumagsak siya at nalugmok sa lupa sa madilim na lugar na iyon, nakakawala siya sa parang sumpang kadiliman.

Pero hindi sa pagkakataong iyon. Mas marahas ang naging pagbagsak ni Ruth pero hindi naputol ang kadiliman. Nanatili siyang naroon. At ramdam niya ang muling paglapit ng mga halimaw sabay ng boses ng babaeng sumisigaw at humingi ng tulong.

"Aaah!" hindi napigilang hiyaw ni Ruth—na halos kasabay ng pagsigaw rin ng babaeng naririnig niya. Naghabol si Ruth ng paghinga. May gumuhit na kirot sa tagiliran niya. Parang kalmot ng matatalim na kuko!

Gumapang si Ruth nang ilang sentimetro, pinilit ibangon ang sarili. Hindi na pantay ang paghinga ng dalawa nang kapain niya ang tagiliran. Masidhi ang kirot pero wala siyang nakapang dugo o sugat. Maayos ang bahaging iyon ng katawan niya. Pero bakit sobrang sakit?

"Aah! Ahhh! Aaahh!" papalakas na hiyaw ni Ruth, lalo siyang naghabol ng hininga. Pakiramdam niya ay inaatake siya ng marahas na kaaway. Sa likod, sa dibdib at sa kanang balikat niya naramdaman ang parang marahas na kalmot. Agad agad na kinapa ni Ruth ang bahagi ng katawan niyang masakit at kumikirot—wala na naman siyang anumang nahawakan. Walang dugo. Walang sugat.

Ano 'to? Ano'ng nangyarari? God...

Naghabol uli si Ruth ng hininga at pinigilan ang sariling umungol nang malakas. Sa likod at mga binti na niya gumuguhit ang kirot. Parang hinahatak ang katawan niya sa lupa at sinusugatan siya ng kung anong matatalim.

Sabay sabay na ang sakit na nararamdaman ni Ruth. Hindi na rin niya mapigilan ang panghihina.

May parang marahas na kamay na umatake sa leeg ni Ruth sabay lang ng narinig niyang malakas na pagsigaw ng babae mula sa kung saan. Mga ingay ng halimaw na ang narinig ni Ruth sabay ng parang marahas na kamay nasa leeg niya. Hindi lang basta sumasakal, parang bumabaon sa leeg niya ang matatalim na kuko. Pero nang ilapat niya sa leeg ang palad, walang kamay na naroon. Walang nananakal sa kanya pero nauubusan na siya ng hininga!

Isang marahas na atake ang naramdaman ni Ruth sa leeg—parang bumaon na sa laman niya ang matatalim na kuko. Huling atake para tapusin ang buhay niya. Ramdam ni Ruth na hindi na niya kayang lumaban. Hindi na siya makasagap ng hangin. Nananakop na rin ang sakit sa buong katawan niya. Mga nagpaparusang kirot. Pagod na siya. Mas gusto ni Ruth na sumuko na lang para matapos na.

Para tumigil na ang sakit.

Hindi na niya pinansin ang nakakapasong lamig na naramdaman niya sa noo. Lahat ng bahagi ng katawan niya ay manhid na sa sakit. Gusto niyang tumigil na lang ang lahat. Nagpilit siyang dumilat. Sabay ng nakakapasong lamig, ramdam niyang umiikot sa buong katawan niya ang usok. Sinasakop siya, pinaliligiran. Parang halimaw na gusto siyang hatakin at dagitin.

Tama na, please, pakiusap ni Ruth sa kung sinumang nananakit sa kanya. Hindi ko na kaya. Tama na. Tama na...

Hirap na hirap na siyang huminga.

Suko na si Ruth.

Hindi na niya kayang labanan pa ang pinagsama-samang sakit sa buong katawan. Nanginginig na rin siya at nanghihina. Wala na siyang maramdamang hangin. Hinarang na ng itim na usok...

Bigla, may nasagap siyang kakaibang bango. Bango na parang galing sa malayo at lumapit nang lumapit hanggang amoy na amoy na niya. May hangin na! May tumatama nang hangin sa katawan niya. Naramdaman rin ni Ruth na parang binuhat siya ng mga braso. Pero pagod na siya para intindihin pa ang nangyayari. Gusto na lang niyang matapos ang sakit.

Gusto na lang niyang magpahinga.

I'm sorry, Ma...

Mamamatay siyang hindi nagtagumpay na makuha ang portrait ng ina.


Club Red 7: Aldrei (At All Times)  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon