PINATAY agad ni Ruth ang engine at nagmadaling lumabas—para manlaki lang ang mga mata nang makita ang gasgas sa side ng sasakyan. Sinagi siya ng bagong dating na maroon car. Hindi yata natantiya nang tama ng driver ang distansiya nila.
Nilapitan ni Ruth ang bagong dating na sasakyan para ipaalam ang damage sa kotse. Bumukas naman agad ang tinted na salamin. Matandang hinahagod ang dibdib ang nakaupo sa driver seat. Parang kinakapos ng hininga? "Nasagi...nasagi ko yata ang kotse mo, hija," sabi nito sa pagitan ng paghahabol ng paghinga. "I'm sorry..." at mas hinagod ang dibdib, parang nahihirapan nang huminga. "Nagsikip bigla ang dibdib ko...ahh!"
Nanlaki ang mga mata ni Ruth. Inaatake yata sa puso ang matanda! Hindi nag-isip na binuksan niya ang driver side.
"Ospital, Lolo! 'Hatid ko na kayo sa ospital!" Tinanggalan na niya agad ito ng seat belt. "Lipat po kayo sa passenger seat. Ako na'ng magda-drive papuntang ospital—" pinigilan nito ang natatarantang pag-alalay niya.
"Calm down, hija," sabi ng matanda. "Hindi pa ako mamamatay. Mawawala rin ang sakit ng dibdib ko. Kailangan ko lang kumalma at sumagap ng hangin." Nangapa ang kamay nito para maiba ang tinted na salamin.
Napamaang naman si Ruth nang sumandal lang ito sa kinauupan, hindi tumitigil sa paghagod sa dibdib. "S-Sigurado po kayo?" Hindi niya gustong maka-witness ng inaatake sa puso. Lalong hindi niya gustong magdala ng pasyente at ma-dead on arrival lang. Hindi siya makakatulog sa mga susunod na gabi, sigurado si Ruth.
"Pakibalik ang seat belt ko."
"Okay po," at maingat niyang ibinalik ang pagkakabit ng seatbelt sa katawan nito. "Tubig, Lolo?"
"Sige, salamat..."
Isinara ni Ruth ang pinto ng kotse at dumeretso siya sa coffee shop para bumili ng tubig. Pagbalik niya, nakasandal pa rin ang matanda at nakapikit. Dumilat ito nang kumatok siya. Inabot niya ang binuksan na nang bottled water.
"Thank you," mahinang sabi ng matanda at uminom. "Ang kotse mo, hija?"
"Gasgas lang naman, 'Lo," sabi ni Ruth at ngumiti. "'Yaan n'yo na po." May ten thousand naman siya. Mga three thousand lang para sa damage, tatanggapin na ni Fatty kahit pa worth ten thousand ang halaga ng damage sa kotse. Hindi iyon ang unang beses na nagasgasan niya ang kotse nito. Sana lang talaga, makausap na niya si Professor M.
"Pero may gasgas ang kotse mo, hija."
"Kotse po ng friend ko 'yan, 'hiram lang, 'Lo," magaang sabi niya."Sagot ko na ang damage. Wish me luck na lang po. Na sana maging lucky day ko ang araw na 'to. Last day na kasi ng deadline ko. Ang professor na kailangan kong ma-interview, hindi pa rin ako pinapansin."
Tumingin lang sa mga mata niya ang matanda bago ngumiti. Napansin ni Ruth na payapa na ito. Hindi na naghahabol ng hininga.
"Okay na po kayo?"
Tumango ang matanda.
"Papasok po kayo sa coffee shop?"
"Na-miss ko lang ang paborito kong tinapay at magtsa-tsaa, hija."
"Sabay na tayo, Lolo. Magbe-breakfast din po ako bago sumugod sa laban—este trabaho pala."
Magkasabay nga silang pumasok sa coffee shop. Sa isang mesa din sila umupo. Nag-enjoy si Ruth na makinig sa mga kuwento ng matanda tungkol sa mga encounter daw nito sa iba't ibang uri ng tao. Hindi pala ang kotse niya ang unang 'na-damage' nito. Napagsalitaan ng masama, siningil ng sobra, sinabihang wala nang karapatang magmaneho kaya ikulong na lang ang sarili sa bahay, ilan lang daw iyon sa naranasan nito.
Siya lang daw ang nag-iisang hindi hindi nagalit, nag-alok pa ng tulong at hindi naniningil para sa damage.
"Mabait ako, Lolo, 'di lang halata!" biro niya at tumawa. Ngumiti rin ang matanda, parang naaliw sa kanya.
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
VampirClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.