Part 6: Si Ruth

2.2K 57 1
                                    

Tatlong buwan na ang nakakaraan...

MALAKAS na alulong ng aso ang narinig ni Ruth. Bigla siyang bumangon kahit nakapikit pa. Nangapa agad ang isang kamay niya. Malambot na unan ang naabot ng kamay, na agad niyang kinuha para pabagsak na isubsob ang mukha. Umalulong uli ang aso. Bumalikwas na naman si Ruth at umungol nang malakas.

"Ah! Bakit ba ang bilis ng oras?" reklamo niya sa kawalan at pilit na ginising ang sarili. Five thirty naka-set ang alarm clock niya-na kapag tumunog, paulit ulit niyang papatayin para umidlip uli. Ang problema ni Ruth sa paggising ng maaga ang dahilan kaya sinadya niyang ang umaalulong na aso ang i-set na alarm tone. Mula sa unang araw na 'umalulong' ang aso sa umaga, lagi na siyang napapabalikwas agad agad. At kapag na-realize niyang tunog lang ng alarm at wala talaga siya sa 'gabi ng lagim' scene, ibabagsak niya uli sa kama ang sarili-para mapabangon lang uli sa gulat kapag umalulong na naman ang aso. Ang laging ending ni Ruth, matatawa na lang habang pinipilit hilahin ang sarili papuntang banyo.

"Good morning!" nag-stretch siya para magising nang tuluyan. "Hello, new work!" at tumingin sa blinds na hinaharangan ang paparating pa lang na liwanag ng araw. Nakaharap sa silangan ang bintana sa tapat ng kuwarto kaya sapul siya sa liwanag kapag nakaligtaan niyang ibaba ang blinds.

Two weeks nang walang regular job si Ruth. HR assistant ang iniwan niyang trabaho. Hindi niya natagalan ang politika at inggitan. Hindi makapaniwala ang dalaga na inabot siya ng isang taon na walang naging kaibigan sa opisina. Hindi iyon dahil hindi siya friendly o walang may gustong maging kaibigan niya. Wala siyang kaibigan dahil walang nagtatagal na tao. Papalit palit lang. May aalis, tatanggap ng bago, may aalis na naman, papalitan uli-paulit ulit lang. Hindi na niya nalaman ang dahilan ng pag-alis ng mga empleyado. Ang sigurado lang ni Ruth, ang dahilan ng pag-alis niya.

Hindi niya kaya ang ka-negahan ng mga kasama. May politika na, may inggitan at plastikan pa. Hindi niya kinaya ang mga patalikod na atake sa mga kasama para magpabango sa branch manager. Hindi niya gusto ng working environment na puno ng negative energy ang paligid. Nag-resign na si Ruth bago pa kumapit sa kanya ang negative energy. Hindi rin naman siya magugutom. Maganda ang takbo ng two months old kikay online store nila ng college classmate na si Fatima o Fatty. Hindi chubby ang kaibigan, mas sexy pa nga sa kanya. Fatty lang talaga ang nickname nito mula college. Ang kaibigan ang magaling sa fashion accessories. Puhunan at effort lang ang share niya. Kasama siya sa lahat ng lakad ni Fatty na may kinalaman sa business nila. Liban sa online business, may isa pang raket si Ruth, 'ghost writer' siya-kung iyon man ang tamang term-ng isang sikat pero tamad na food blogger. Hindi alam ni Ruth kung bakit ang daming followers ng 'boss' niya sa raket. Hindi sa nagyayabang, mas magaling talaga siya magsulat kaysa sa blogger. Pero kahit 'sigh' lang ang i-post na status nito, libo libo agad ang likes!

Ang conclusion niya, sumikat ang blogger na friend ng friend ng kinakapatid ng kaibigan ni Fatty dahil guwapo. Artistahin nga si Flix Herrero pero actor na matagal nang patay ang kamukha-si Rico Yan.

Si Ruth ang nagre-research at nagsusulat ng content ng blog na pino-post ni Flix. Ang blogger rin ang nag-recommend sa kanya sa isang bagong project-ang bago niyang trabaho na nagsimula seven days ago.

Researcher siya ng isang faceless writer. Wala siyang ideya kung sino ito. Ang alam lang ni Ruth, kilala ito ni Flix dahil ang blogger ang binanggit ng writer na nag-recommend sa kanya. Hindi rin nag-aksaya ng panahon ang writer na i-meet siya. Sa email lang ang communication nila. Ibarra Trese ang sender ng email na natanggap ni Ruth. Humingi ang writer ng brief resume niya at pictures. Ang sumunod na mga minuto ay 'interview' na-palitan sila ng email. Hindi nga makapaniwala si Ruth na tatlong tanong lang ay hired na agad siya.

Bukal sa loob ba at walang impluwesniya ninuman ang pagtanggap mo sa trabaho? Ikaw ba ay mapagkakatiwalaan? Taglay mo ba ang determinasyong kailangan sa bawat tatapusing proyekto?

Club Red 7: Aldrei (At All Times)  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon