NASA tapat na si Ruth ng rest house ng artist na si Andrei Gucelli. Hindi siya na-inform na sa tuktok pala ng bundok ang address na ipinasa sa kanya ni Juan Ibarra. Ang taas ng gate! Rooftop lang ng rest house ang natatanaw sa labas. Base sa nakikita niyang distansiya ng rooftop sa gate, parang ang lawak ng space sa loob bago ang mismong bahay. Hindi lang yata parking area ang bakuran. Puwede pa yata maglaro ng golf!
Ang malikot na imahinasyon ni Ruth, bumuo agad ng images. Mga elderly people talaga yata ang subject ni Juan Ibarra. Malamang ang artist na si Aldrei Gucelli, mga ka-age na rin ni Professor M. Hindi na magugulat si Ruth kung uugod-ugod na senior citizen ang makausap niya. Baka bigotilyo, balbas sarado at mukhang ermitanyong foreigner. Hindi kasi tunog Pilipino ang last name. Wala man lang siyang clue dahil pati Google, hindi kilala ang artist. Wala ni isang available na photo. Mga paintings ang nakita ni Ruth. Paintings na gray at itim ang dominanteng kulay. Hindi alam ni Ruth kung bakit dalawa lang ang naisip niya pagkakita sa mga paintings: Sadness and death.
Naisip ni Ruth, baka sobrang lungkot ng matandang artist. Inabandona na siguro ng pamilya at mag-isa na lang. Sa painting inilalabas ni Aldrei Gucelli ang lungkot. O baka may tama na sa utak sa tagal na nag-iisa. Ang mga paintings na itim at wala siyang maintindihan, paraan nito para labanan ang depression.
Kinabahan si Ruth nang mawala na sa paningin niya ang taxi na naghatid sa kanya sa lugar. Lampas alas dos siya umalis ng guest house. Mga isang oras ang naging biyahe niya. Hindi pamilyar ang driver sa daan kaya gumamit pa ng waze at siya naman, Google map. Hindi niya inaasahan ang layo sa city proper. Kung hindi makakausap ni Ruth ang artist, ang laking problema niya. Masasayang na ang oras, ang laki pa ng malalagas sa kanya sa transportation expense!
Kaya ba thirty thousand ang 'contract price'?
"Sana hindi umulan," lumapit na si Ruth sa gate at naghanap ng button na pipindutin. Bakit wala? Naghanap siya uli—left and right part, top pati bottom na nga, inisa-isa niya pero wala talaga!
Grabe! Galit ba siya sa mga tao? Parang ayaw ng bisita, ah? Walang door bell?
Salamat na lang talaga, gloomy ang weather. Kung nagkataon na mainit, kahit malamig ang hangin, sapul na sapul siya ng araw.
Kumatok na si Ruth sa gate. "Tao po! Tao po!"
Mga ten minutes siyang hindi tumigil sa kaka-tao po pero walang response galing sa loob. Unang naisip ni Ruth, tulog ang artist. Nag-siesta. Mahina na ang pandinig kasi nga matanda na—kaya hindi narinig ang pagtawag galing sa labas.
Kumatok uli siya nang paulit-ulit. Fifteen minutes na at medyo malakas na. "Hello? May tao po ba diyan? Magparamdam naman kayo, Sir! Tao po! Tao po! Tao poooo!" at frustrated na sumandal na siya sa gate.
Hindi pa rin gustong sumuko ni Ruth. Wala siyang pakialam kung para siyang taong grasa na nagkampo sa side ng gate. Umupo siya sa malilim na parte at naghintay. Bawat thirty minutes, kumakatok siya at tumatawag pero walang sumasagot.
Baka wala talagang tao?
Four PM, pagod na si Ruth kakatawag. Four thirty, mas makumlimlim na ang panahon. Kung hindi siya aalis, aabutan na siya ng pagbagsak ng ulan. Kung hindi sa nagbabantang ulan, hindi pa sana siya susuko. Hindi niya gustong mamamatay sa lamig nang hindi pa man lang niya nasisimulan ang trabahong ipinunta niya ng Baguio.
Nag-text na si Ruth kay Kuya Efren. Ten minutes muna bago nag-reply ang driver. Kakababa lang daw ng pasahero nito. Nakahinga siya nang maluwag nang mag-confirm si Kuya Efren na pupuntahan siya.
Kung luma at punit punit ang damit niya, mukha nang kawawang pulubi si Ruth. Nakasalampak siya ng upo, nakasandal sa side ng gate at bagsak ang mga balikat. Bakit ba ang mga taong ang hirap hagilapin ang gustong-gustong pinapa-interview ni Juan Ibarra?
Napahagod na lang si Ruth sa buhok. Hindi kaya three months ang deadline kasi mas malalang magtago kay Professor M si Aldrei Gucelli? Hindi kaya thirty thousand ang promised amount kasi malalagasan siya ng bongga sa expenses?
Sunod-sunod na lang ang pag-exhale ni Ruth. Salamat na lang talaga at gloomy ang weather, wala siyang problema sa init ng araw. Naka-jacket at jeans din siya kaya hindi niya gaanong ramdam ang lamig. Ilang minuto pa, nagsawa na rin siyang tulala lang. Inilabas ni Ruth ang notebook na baon. Pumunit ng ilang pages, nilinis ang pinunit na parte at nagsulat.
Good day, Mr. Gucelli!
I'm Ruth Romero, freelance researcher from Manila. Can you spare me a few minutes, please? I won't take much of your precious time, Sir. And this is gonna be my last chance. I might lose my job.
I'll be here again tomorrow as early as seven AM.
Thank you.
Nagsulat si Ruth sa limang papel at isa isa niyang ginawang eroplanong papel—at magkakasunod na pinalipad papasok sa gate. Sa isip, nagwi-wish si Ruth na kahit isa man lang sa mga eroplanong papel, pag-aksayahang pulutin ni Aldrei Gucelli at basahin.
Dumating ang taxi na sundo ni Ruth bago mag-alas sais ng gabi...
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
VampireClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.