Part 28

1.2K 46 2
                                    

"Eh, bakit gray at black lang ang colors sa mga art work mo?" pahabol na tanong ni Ruth. Nasa tapat na ng pinto ng studio si Aldrei. "Nasaan ang ibang kulay na sinasabi mong may halaga?"

Hindi nito itinuloy ang pagtulak sa pinto pero hindi siya nilingon.

"Gabi ang imahe," mahinang sinabi nito. "Ano'ng kulay ang posible mong makita sa dilim?"

Lumapat na ang pinto, hindi pa rin tuminag si Ruth.

Oo nga naman. Hindi makikita maging ang pinakamagandang kulay sa dilim.

Dilim... nakita na lang ni Ruth ang sarili na bumalik sa direksiyon ng kuwarto niya pero hindi pumasok ang dalaga. Nanatili siya sa labas at tumanaw sa ibaba—sa mga painting sa dingding nagtagal ang mga mata niya. Ano nga ba ang malinaw na images sa mga art work? Na-realize ni Ruth, hindi pala talaga niya tinitigan talaga ang bawat painting. Gray at itim lang ang napansin niya dahil iyon ang dominanteng kulay.

Bumalik si Ruth sa living room. Gusto niyang tutukan isa isa ang tatlong art work na naroon.

Wala siyang naintindihan sa isa—pinaghalo halong itim, gray, at puti lang. Piniling maghanap ni Ruth ng clear image pero wala siyang nahanap. Sa katapat na painting sa kabilang dingding may malinaw na image: Buwan na natatakpan ng gray clouds, puno na hinahangin at nalalaglag ang mga dahon. Sa tabi ng ugat ng puno, may maliit na kislap—galing sa talim ng dagger.

Ang huling painting—ang nakaharap sa front door, itim at puti lang na parang nagsasalpukan. Walang naintindihan si Ruth sa unang tingin pero nang titigan niya ng matagal ang gitna, nililito lang pala image ang mga mata niya para hind maging visible agad ang nasa gitna na sinasabugan ng parang naglalabang kulay.

Paper airplane?

Mas lumapit si Ruth sa painting. Nag-tiptoe pa siya para mas makita kung tama ang nakikita niya. Paper airplane nga...

At bumaba ang tingin niya sa mga text na visible. Simpleng "A" lang na nakakabit sa infinity symbol ang sign ng artist. Walang date. Ang pangalan ng artwork: Wish

Naglakad si Ruth pabalik sa guest room na nag-iisip pa rin. Sa studio kaya ni Aldrei, ano'ng mga images ang nasa bawat tapos nang art work?

Na-curious na talaga si Ruth. Naka-lock kaya lagi ang studio? Puwede naman siguro mag-sneak minsan. Mag-iingat na lang siya para hindi mahuli. Nilingon ni Ruth ang nakasarang pinto. Tama kaya ang iniisip niyang may sekreto si Aldrei Gucelli? Na may kuwento sa likod ng gloomy nitong mga paintings?

May naisip siyang gawin.

Na aaraw-arawin niya mula bukas.

Ibinagsak ni Ruth ang sarili sa kama. Nag-vibrate ang cell phone niya. Text message galing sa unregistered number.

Break na kami, sis. Save my number.

Napabangon si Ruth. "Fatty?"

Tinawagan niya agad ang number—si Fatty nga. Nasa taxi na pala ang kaibigan. Temporarily closed daw ang online store nila. Magpapalamig daw ang kaibigan sa Japan. Nasa Japan ang mommy nito at half brother. Mga isa o dalawang buwan. Naisip pala nitong sumunod sa kanya pero hindi raw sapat ang Baguio lang para makalimot. Mas malayong lugar ang kailangan. Magkausap sila ng kaibigan hanggang magliwanag. Pinakinggan lang ni Ruth ang paglalabas nito ng sama ng loob. Sa mga unang minuto, hindi halos huminga si Fatty sa sunod-sunod na pagsasalita. Si Mar pala ang nakabasag sa cell phone nito—ibinato nang mag-away na naman ang dalawa. Asar na asar si Fatty kay Mar, pero sa bandang huli, nabasag ang boses ng kaibigan at umiyak na. Nakinig na lang si Ruth. Ramdam niyang mas kailangan nito ng kaibigang makikinig lang.

Tinapos lang ni Fatty ang tawag nang nasa airport na. Inabot na lang ni Ruth ang unan at mahigpit na niyakap. Hindi na niya namalayang nakatulog siya.

At nagising ng lampas ten AM na gutom na gutom na.


Club Red 7: Aldrei (At All Times)  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon