"Im miezi?"
Pinutol ng boses ang eksenang pinapanood ni Irama sa isip. Marahang nagmulat siya ng mga mata at nilingon ang tumawag—si Alzbeta, anak ng isa sa tapat niyang tagasunod. Isa lang ito sa mga Livin na nasa ilalim ng pagtuturo niya para maging ganap na mesei sa tamang panahon.
Hawak ni Alzbeta sa braso ang isang batang lalaki na may hawak na ji 'ehria. Bumaba ang tingin ni Irama sa bata. Nag-angat rin ito ng tingin para salubungin ang titig niya.
"Inutos ni ina na ihatid siya, Maestra," si Alzbeta sa lengguwahe nila. Binitiwan na nito ang braso ng bata. Tumango si Irama at inutusan ang kanyang estudyante na bumalik sa lugar ng mga Livin na nagsasanay.
"Magandang araw, batang Zeran," pagbati niya sa batang nakatingala pa rin sa kanya. Ang nasa mga mata ay pagtataka at mga tanong.
"Magandang araw din sa 'yo, pinuno ng mga Livin," pormal na sagot ng bata na hindi rin binabawi ang tingin. Sa mga batang Zeran na nakakasalamuha niya tuwing lumuluwas sa sentro, iilan lang ang may lakas ng loob na tumingin ng tuwid sa kanyang mga mata. Alam maging ng mga batang Zeran ang kakayahan ng mga Livin na manakit sa pamamagitan lang ng pagtitig. Ilag sa mga Livin ang karamihan sa mga Fedeo.
Bilang na bilang ni Irama ang mga batang Zeran na may lakas ng loob tumingin nang tuwid sa kanyang mga mata—ang mga apo ng Orihinal.
Ang batang nasa harap niya ngayon ay Zeran na hindi kadugo ng mga Orihinal pero taglay ang tapang at tatag ng mga batang natatangi ang dugo. Gustong ngumiti ni Irama. Kilala siya ng bata bilang pinuno ng mga Livin pero wala siyang mabakas na takot mula rito. Hindi rin kumukurap sa pagtitig ng tuwid sa kanya.
"Isa akong Ogor, hindi Zeran."
"Ganoon ba?"
Naaliw si Irama. Ilag rin sa mga Livin ang mga batang Ogor. Iba ang batang nasa harap niya ngayon.
Hindi siya nagkamali ng batang sinubaybayan at pinili.
"Ano'ng masasabi mo sa bulaklak, batang Ogor?"
"Maganda. Gaya ninyong mga Livin."
Hindi na napigilan ni Irama ang pagngiti. Ibinaba niya ang sarili para magpantay sila ng bata. Gusto niyang mas titigan ang mga mata nito.
"Sino'ng nagbigay ng pahintulot sa 'yo na pumitas ng bulaklak?"
"Wala. Napakaganda ng mga bulaklak. Gusto kong mag-uwi ng isa."
"Pinitas mo nang hindi nagpapaalam?"
"Napakarami ang dilaw na bulaklak sa hardin ninyo. Bakit ipagkakait sa isang bata ang isa lang namang bulaklak?" balik sa kanya ng bata. "Isa pa, sinundo ako ng isang Livin para ipakita ang hardin."
Mas inilapit ni Irama ang sarili. Hinawakan sa balikat ang batang Ogor. "Ano'ng pangalan mo at ilang taon ka na, batang Ogor?"
"Henrik ang pangalan ko. Walong taong gulang."
"At ang pangalan ng iyong ama?"
"Pietro, mandirigma ng Ogoda."
"At ang pangalan ng iyong lolo?"
"Adelmo, tapat na tagapayo ng bagong hari."
Adelmo, isang halimaw sa hinaharap...
"Henrik," umangat ang kamay ni Irama ay dinama ang pisngi ng bata. Nanatili naman ang titig nito sa mga mata niya. "Ang hardin ay sagradong lugar ng mga Livin. Ang mga bulaklak ay iningatan namin at pinangangalagaan. Ang pagpitas ng walang pahintulot ay ipinagbabawal at may katapat na parusa."
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
VampireClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.