Part 12: Masamang Panaginip

1.3K 49 4
                                    

MGA ingay ang naririnig niya galing sa ibaba. Babaeng umiiyak at nakikiusap. Sumasabay ang ingay na iyon sa tunog ng mga nababasag.

Troy, gumising ka! Gumising ka, please? Pakinggan mo ako. Hindi mo gustong gawin to! Mahal mo ako! Mahal mo ako. Please, makinig ka. Bitiwan mo 'yan. Bitiwan mo 'yan! Troy, gumising ka. Maawa ka sa anak natin. Maiiwan siyang mag-isa! Troy!—"

May malakas na pumutok.

Napapitlag siya. Nagsimulang manginig sa takot. Bakit ang ang dilim? Bakit umiiyak ang Mama niya? Nag-aaway ba ito at ang Papa niya? Umiyak na rin siya, nangapa sa dilim. Papalakas ang iyak niya habang kinakapa ang lampshade.

Nang magliwanag, bumaba siya sa kama. Mabagal lang ang mga unang hakbang niya, na bumilis nang bumilis hanggang tumatakbo na siya pababa ng hagdan. Ang tunog lang ng pag-iyak niya ang naririnig sa paligid at ang mga yabag niya pababa. Wala na ang boses ng kanyang ina. Tahimik na tahimik na rin sa ibaba nang makarating siya.

"Mama?" napansin niyang nakaawang ang pinto. Marahan niyang itinulak iyon. Dilim ang nakita niya. Pumasok siya. Kailangan niyang makita ang Mama at Papa niya. Bakit umiiyak ang Mama niya? Bakit nag-aaway ang mga ito?

May malamlam na liwanag na siyang nakita. Sa kabilang bahagi ng kama nagmula ang liwanag. Naroon ang Papa niya, nakatayo. Halos mahubad na ang suot na jacket. Magulo ang buhok at parang nakatulala. Ang kamay ay may hawak na...

Baril!

Baril na nakatutok sa gitna ng noo ng Mama niyang nakasandal sa dingding at nakapikit. May may dugo sa gitna ng dibdib!

"Mama!!"

Pumutok ang baril. Magkasunod—sa gitna ng noo ng Mama niya at sa sentido ng ama. Sabay lang halos na bumagsak sa sahig ang katawan ng dalawa. Nakita niya ang paggapang ng dugo na parang may buhay—palapit sa may paanan niya.

Nagsisigaw siya hanggang sa bumagsak rin sa sahig. Sa pagtingala niya sa dingding, nakita niya sa malamlam na ilaw ang portrait ng ina. Muli siyang nagsisigaw hanggang namaos...

Bumalikwas ng bangon si Ruth. Ang lakas ng tibok ng puso niya at hindi pantay ang paghinga. Umangat ang kamay niya at lumapat sa dibdib. Humagod ng paulit-ulit at mariin. Sunod sunod rin ang paghugot-buga niya ng hangin.

Ano'ng panaginip iyon?

Mariin siyang pumikit. Parang sasabog ang ulo niya. Napahawak si Ruth sa ulo, ikinuyom niya ang kamay na nasa buhok, naramdamam niya ang sakit sa paghila niya sa sariling buhok pero walang epekto sa parang riot sa utak niya.

Tama ba ang nakita niya?

Parehong eksena sa panaginip niya noong bata pa pero mas buo. Nakita na n Ruth ang pinagmulan ng dugo sa sahig na nakikita niya bago siya nagigising. Dugo galing sa babae at lalaki sa panaginip niya na tinatawag niyang...

Mama at Papa?

Malakas na napaungol si Ruth. Dalawang kamay na ang nakasapo sa ulo niya. Parang lumalalim ang kirot. Kailangan niyang sumigaw o baka sumabog na lang siya. Hindi namalayan ng dalaga kung kailan siya nagsimulang umiyak.

Nang mga sumunod na sandali, nakahiga na siya sa gitna ng kama. Parang bagong silang na sanggol na tahimik na umiiyak at nanginginig.


Club Red 7: Aldrei (At All Times)  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon