46. Ibubulong na lang sa kawalan

344 9 5
                                    

46. Ibubulong na lang sa kawalan

Mula sa hindi kalayuan
Ika’y lihim kong pinagmamasdan
Kita ko ang bawat galaw ng iyong labi
Habang matamis kang nakangiti.

Noong ika’y biglang tumawa
Tila ito’y musika sa aking mga tenga
Kita ko ang pagsingkit ng iyong mga mata
Habang ang pisngi mo’y halos mamula mula na.

Mabilis akong napaiwas ng tingin
Nang biglang ang tingin mo’y bumaling sa akin
Rinig ko ang paglaho ng tawa mo
Dahilan para kabahan ako.

At makalipas lang ng ilang minuto
Rinig ko muli ang mga tawa niyo
Nagkakasiyahan kayo
Masaya ka na siya ang kasama mo.

Hindi naman kasi kita pwedeng tanggihan
Dahil bilang isang kaibigan
Dapat kitang suportahan
Sa babaeng iyong nagugustuhan.

Pinakiusapan mo kasi ako
Na kung pwede, ako ang maging tulay niyo
Wala akong nagawa kundi ang umu-oo
Kaya heto, magkasama kayo.

Muli ko kayong nilingon
Na sana hindi ko na lang pala ginawa iyon
Dahil naabutan kong niyakap mo siya
At sa kung paano mo hamplusin ang buhok niya.

Nakaramdam ako ng inis bigla
Dahil sa akin mo lang iyon ginagawa
Sa kung paano mo haplusin ang buhok ko
Habang nakakulong ako sa mga braso mo.

Parang gusto kong ilayo ka sa kanya
Dahil pakiramdam ko, aagawin ka niya sa akin
Bumagal ang paghinga, tila akong na-estatwa
Sa kung paano ka pumikit habang magkayakap kayong dalawa.

Agad akong natauhan
Noong nagdilat ka’t tayo‘y nagkatinginan
Bumilis ang pintig ng puso ko
Hindi sa saya kundi dahil sa pagkadurog nito.

Pagkat kita ko ang kinang sa mga mata mo
Na tila’y masaya ka sa mga oras na ito
Masaya kang yakap-yakap siya
Habang ako, unti unting nadudurog na.

Puso ko’y nagsusumigaw
Sabi nito, nasasaktan ako
Isip ko’y may hinihiyaw
Aniya, pigilan ko ang nararamdaman ko.

Tama, magkaibigan tayong dalawa
Hindi na ako maghahangad ng higit pa
Ano ‘pang saysay kapag sinabi kong gusto kita
Ngayong kitang kita ko kung gaano ka kasaya
-habang yakap-yakap siya.

"Ako dapat ang yakap-yakap mo"
bulong ko.

SPOKEN WORD POETRY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon