Kwento ng isang Mang Jose
Ito naman kay Daddy (Tito namin, tatay nila Ate Lei). Dati syang sekyu. Dito kami nashock nong nakikwento rin sya.
Halos 20 years na nagsecurity si Daddy. Kung saan saan sya napunta dahil sa trabaho nya. Sabi ni Daddy, hindi talaga maiiwasan na maka encounter ng paranormal, lalo pag gabi ang duty nya. Nandoon yong may maririnig silang umiiyak. Patay sinding ilaw sa hallway, babaeng hindi uso ang gupit tas lumulutang, mga typical horror stuff. Pero ito yong kwento nyang naging dahilan para magpa assign sya sa iba. Hindi nya pinangalanan kung saan ito nangyari, pero facility ito na may koneksyon sa kuryente. Pov nya gagamitin ko.
Nagsimula lahat, isang gabi, umuulan, gumuguhit ang kidlat sa kalangitan. Nasa pantry ako para magtimpla ng kape, para inumin ko habang nagrarounds. Paglabas ko ng pantry, nakita ko si Sir Don, nakatunganga sa harap ng cr. Nag good evening ako, pero hindi man lang nya ko nilingon, hinayaan ko na lang, sabagay may naging problema sa turbine kanina baka pagod lang.
Paakyat ako ng hagdan tangan ko sa isang kamay ang flashlight slash batuta, sa isang kamay naman ay ang lalagyan ko ng kape. Nang makita kong may umaakyat din, nauuna sya sakin ng ilang baitang. Sinundan ko, pero sa hindi malamang kadahilanan, hindi ko sya maabutan.
Nang makarating ako, may mangilan ngilang empleyado ang paroo't parito, mga night shift sila. Sa paglalakad ko nang mapadako ako sa may malaking bintana, muntik ko ng mabitawan ang hawak ko, si Sir Don, paano syang napunta agad dito? At nang makita ko ang suot nya ng kumidlat, napa antada ako ng wala sa oras. Sya yong nakita kong umaakyat, pero paano?
""Sadik, hindi ka ba nagsasawang mabuhay?""
Nagulat ako nang bigla nya kong kinausap, hindi naman sya lumilingon, malalam ang ilaw dito sa kinaroroonan namin.
""Po sir?""
Lumingon sya, nahigit ko ang hininga ko nang makita ko ang mga mata nya, walang emosyon, nakakakilabot.
""Ang mabuhay, ang paulit ulit, routine. Gigising ka, kakain, papasok sa trabaho, uuwi, kakain, gigising. Hindi ka ba nagsasawa?""
Nakanganga lang ako sa tanong nya. ""Ako kasi sawa na"" At hindi man lang ako nakasigaw nang buksan nya ang bintana at walang kaabog abog na tumalon. Sya namang pagtunog ng radyo ko.
""Esprikitik, pakidaanan naman si Nurse Joy sa clinic, punta kayo dito sa office ni Sir Don""
Wala sa sarili na sumagot ako. Saka tumingin sa bukas na bintana, akala ko namamalikmata lang ako. Pero nang mabasa ako ng ulan at maramdaman ang malamig na hangin, sumampal sakin ang katotohanan, totoo ang mga nakita ko, pero bakit?
Wala ako sa sarili ng mga sumunod na araw. Kahit nung day off ko at umuwi ako sa amin, nahalata yon ng nanay ko. Hindi ko masabi sa kanya, na nakasaksi ako ng paranormal na pangyayari. Sa twing nakakaramdam o nakakakita kasi sila dito sa bahay, dalawa kami ni Eyah (Mama ko) na pinagtatawanan sila. Hindi ko rin maharap ang limang anak ko, paulit ulit na nagple play sa utak ko ang nangyari ng gabing yon. Ang pagtalon ni Sir Don, ang nakita kong walang malay na katawan nya sa opisina nya. Ang tanong sa isip ko, sino sa kanila ang totoo?
Sa pagbalik ko sa facility, kung dati masaya ako sa trabaho ko, ngayon takot na ko. Hindi ko na rin matignan sa mata si Sir Don, natatakot ako.
Nakipagpalitan pa ako ng shift sa kasama ko, nagdahilan na hindi maganda ang pakiramdam ko. Pero kahit pala tirik ang araw, kung nais nila, mangyayari.Nasa labas ako non, habang ang ilan ay abala sa pagpapalit ng turbine na matagal ng nirequest na palitan. Walang kuryente sa ilang panig ng probinsya dahil doon. Nang may lumapit saking babae, si Rica. Bata pa at ayaw magpatawag ng maam.
""Kuya Sadik, pwedeng samahan mo ako sa staff house?""
""Bakit?""
""Natatakot kasi akong mag-isa, please sige na?""
Niradyohan ko muna ang kasama kong nasa kabilang panig ng facility at nagpaalam ako, hinintay ko munang dumating sya bago ko sinamahan si Rica. Marami rin ang stay in na empleyado. Dalawa ang staff house, isa para sa mga empleyado, isa para sa amin at sa mga utility.
Nakarating kami ng maayos doon. Nagpahintay sya sakin at sandali lang daw sya. Maya-maya ay dumating si Alva, kasamahan ko at natumba ako sa pag atras nang makita kung sino ang kasama nya, si Rica. Saka sya umiyak ng umiyak, alam na pala nya na may gumagaya sa kanya.
""Ilang beses na kuya. Ilang beses na. Naalala nyo yong takang taka ako kasi bakit sobra sahod ko?""
Tumango kami, nilibre nya kaming lahat ng nakaduty ng pagkain dahil don.
""Nakita ko sa record na ilan beses ang ot ko pati pag off ko na hindi naman ako pumapasok pero may time-in ako""
Tanghali pa ang shift ko ng sumunod na linggo, nasa may malapit akong tindahan sa facility, naninigarilyo nang matanaw ko ng papalapit si Rica. Namumutla at patingin tingin sa likod nya. Nang makalapit ay agad na hinila ako sa kwelyo.
""Kuya! Bakit mo naman ako iniwan! Kuya naman!""
Ha lang ang nasabi ko. Halos sumabog na ang ulo ko sa mga sumunod na sinabi nya.
""Narinig ko kayo ni Kuya Alva na nag uusap, pati yong.... kamukha ko. Kuya ako yong totoo! Maniwala ka kuya! Ako!""
Pilit ko syang inilalayo. Ang tindera ay lumabas na para awatin sya sa pagwawala. Nang mahinahon na sya ay saka ko ako nagpaalam. Sa pagduty ko, nagulat ako nang makita si Rica pero iba sya, nakangiti, hindi katulad ng Rica sa tindahan kanina.
""Hi Kuya Sadik!""
Ngumiti lang ako, sunod kong nakita si Sir Don, nginitian nya rin ako.
Maya-maya ay nagkagulo sa loob. Nang lumabas ang isa sa mga janitor ay nagtanong ako.""Si Maam Rica, nakita sa cr, walang malay""
Gusto ko ng umuwi nung araw na yon. Kalalabas lang ni Rica, sino nga ba sa kanila ang totoo.
Kinagabihan, nanonood kami ng tv ni Ferrer, kasamahan ko at kasama sa kwarto nang may sabihin sya.
""Buddy, naniniwala kaba sa multo?""
""Bakit?""
Huminga sya ng malalim. ""Natatandaan mo yong gabing nagcollapse si Sir Don?""
Tumango ako, paano ko makakalimutan ang gabing yon.
""Nandito ako nong gabing yon buddy, nanonood. Tas may kumatok, si Sir Don, nagpasama sya sa kinalalagyan ng turbine buddy, tas may tinanong sya""
""Ano?""
""Hindi kaba nagsasawang mabuhay Ferrer?"" Tumawa sya pero halata ang takot. ""Tas may nilabas syang baril buddy sabay putok sa bunganga nya""
Sinabi ko na rin ang naranasan ko. Pinakita nya rin sakin ang baril ni Sir Don, alam naming may ganon sya. Napagkasunduan namin, kinabukasan na ibabalik namin yon kay Sir at sasabihin namin ang nangyayari. Pero hindi na yon nangyari, kinabukasan nalaman na lang namin na nagresign na si Sir Don.
Napagdesisyunan ko na ring magpalipat na lang sa agency ko. Marahil alam na rin ni Sir ang nangyayari, hindi na rin siguro nya kinakaya. Si Rica, ang huling balita ko kay Ferrer, nagresign na din.
Minsan nagkita ulit si Daddy at Ferrer, binyag ng anak ng kasamahan din nila dati sa facility. Nasabi ni Ferrer na may mga pagkakataon na may ginagaya pa rin ang mga elementong nasa facility.
Para sakin, hindi multo o doppelganger ang mga yon. Para sakin, sa hinuha ko, demonyo ang mga yon, nang aakit ng mga tao na kitilin ang sariling buhay. Kayo ba, gaano kayo ka sigurado na ang taong kasama mo ngayon ay totoo at hindi isang tila hunyango na nanggagaya lang ng itsura? Gaano mga bes?
Hunter
BINABASA MO ANG
Kevin Eleven And Others
Horrorcompilation of Kevin Eleven, Hunter, and Nasaanmamamue?, Ravenofdeath, ICE, and other's stories. hope you enjoy! (©®Sigaw and Spookify)