Yamada-kun and the Seven Witches (Part 4)
Pagkadilat ko, wala na yung dalawang impakto. Ewan. Di ko alam. Balik sa katahimikan yung lugar. Umalis ako at dala dala yung gaan sa pakiramdam. Pero di pa rin nagbabago ang realidad na ganoon ang kalagayan namin lalo na si Au at Karla.
Nagulat na lang kami isang araw, umuwi sa bahay si Ate Rowena. Pero yung pag-asang akala ko makikita ko dapat sa kaniya e wala. Ang payat ni Ate. Kinukulam na rin pala siya. Hindi tumupad sa usapan si Maira. Sinabi niya kay ate ang lahat nung nasa poder si ate ng asawa niya. Kung di ko nabanggit, may limitasyon ang kakayahan ni ate rowena. Kailangan kilala niya ang tao o alam niya sa personal ang mukha para umepekto ang krus sa dila. Kaya hindi siya nakaganti noon sa pagkamatay ng anak niya dahil wala siyang idea kung sino. Kaya nung nalaman niya agad kay Maira, dali dali siyang gumanti. Pinilit niyang pasukahin ng pako si Auntie Amy. Pero nung sasambitin na niya ang pangalan nito, umuurong ang dila niya. Nung nagpasya siyang bawiin ang parusa niya, bigla na lang siyang sumuka ng pako. Nung mga oras na iyon di ko na talaga kaya. Nagkulong na lang ako sa kwarto para magsayang ng oras kakaisip ng solusyon. Pero wala e. Wala na talaga. Pigang piga na. Ayokong isugal ang kakayahan ni Pring, lalo na't ganon ang kinahinatnan ni Ate.
Nakasilip ako sa bintana. Alas dose na ata nun nang biglang may lumipad na paru-parong itim sa harap ko. Sobrang laki. Nakakatakot. Kasing laki ng plato. Di ko alam kung goliath birdwing yun o ano. Tapos yung pakpak niya may figure na parang bungo. Ewan ko lang. Pero parang bigla may nag udyok sa akin na hawakan yun. Pagkahawak ko, tumayo lahat ng balahibo ko. Nagbukas ang third eye ko at nakakapagtaka e napunta ako sa ibang bahay. Grotesque yung itsura nung bahay. Dim lights. Tapos nakarinig ako ng pamilyar na boses. Boses ni Auntie Amy. Sinundan ko base sa lakas ng boses niyang nakakainis. Tumatawa na parang may kausap. Nakarating ako sa parang hallway na part ng first floor. Yung pinakadulong kwarto nakabukas. At may babaeng nakatayo. Nakatalikod man sa akin ang matandang hukluban, kompirmado si Auntie Amy yun. Akma siyang lilingon noon sa labas ng pinto sa hallway kung nasaan ako. Sinubukan kong umurong at bumalik para magtago, pero wala, hallway yun mga pre. Kaya nafreeze na lang ako sa kinatatayuan ko. Pero nung lumingon siya parang hindi niya ko nakita at bumalik-tingin sa direksyon ng kausap niya. Nakakapagtaka.
Lumapit ako. Lumalangitngit ang bawat hakbang ko pero wala, parang walang nakakapansin sa akin. Naisip ko tuloy ang kakayahan ni Maira. Nakalapit ako sa kaniya. Sapat na mapansin ako. Sinubukan kong hawakan ang damit ni Auntie Amy pero hindi niya pa rin ako nakikita. P*ch*. Nung mga oras na iyon gusto ko na siyang patayin. Kung kaya ko lang. Kung meron din ako nung gaya sa mga kapatid ko. Gagawin ko siyang kuneho o manok na pwede ulamin o ipakain sa sigbin ni Karla. Napansin ko yung kausap niya. Pulang parang anino. Naisip kong ito yung sinabi niya noon. Yung figure kahawig ni Tim. Kung dwende man yon. Di ko alam. Noon ko lang yon nakita. Nagtatawanan silang dalawa. Pero parang echo yung mga salita nila. Unti unting gumalaw ang kaliwang kamay ko. Hinawakan ko ang buhok ni Auntie Amy. Pumilas ako ng ilang piraso. Pagkabunot na pagkabunot ko, luminaw ang usapan nila. ""May nakasilip sa atin ah"" Bigkas ni Auntie. Takbo ako palabas ng kwarto pero habang tumatakbo ako sa hallway e parang humahaba yung daanan. Di ako makarating sa dulo. Yung pawis ko tagaktak na, tapos bigla akong nakarinig ng sigaw. Pagbalik ko sa ulirat ko nasa kwarto na ulit ako. Tinignan ko yung paru-paro na hawak ko pero wala na. Pero yung ilang pirasong buhok mula kay Auntie hawak ko. Oo. Hawak hawak ko.
Biglang nagkaroon na naman ng kumosyon sa ibaba. Si ate Rowena sumusuka na naman ng pako. Pero ang hindi ko kinaya e yung pako na bumabakat sa kaliwang braso niya. Iyak siya ng iyak. ""Tama na! Tama na! Di ko na kaya Auntie!!"" Paulit ulit na sigaw ni ate Rowena. Ang dami niyang pako na sinuka, puro pa may kalawang yun. Wala na kong choice nung mga oras na iyon. Gaganti talaga ako. Pero kinaumagahan tinext pa kami ni Auntie Rem na kung ano man ang desisyon namin e pag isipan namin. Hindi madaling kalaban si Auntie Amy, baka daw pwedeng pag-usapan kahit paano. Nadamay pa rin pala yung ampon niya. Uurong na sana ako sa desisyon ko kagabi pero nung umaga ding yun, si Era hindi na makatayo. Hindi niya maramdaman ang mga binti niya. Para na kong kinakain ng demonyo, desidido na talaga ako sa gagawin ko kahit na wala akong ideya. Katabi ko noon si ate Rowena habang inaarrange ko ang utak ko. Lupaypay siya. Buti na lang pala binilin ko na wag iwan sa bahay ang panganay niya at isama muna pabalik ng asawa niya. Kung sakali baka madamay rin. Umiiyak siya. Naiisip ko noon na hindi ko alam ang gagawin pag may nawala pa sa pamilya. Habang nakasandal sa balikat ko si ate Rowena napabulong siya, bulong na sapat para marinig ko. ""Sana bumalik na si Pring""
BINABASA MO ANG
Kevin Eleven And Others
Horrorcompilation of Kevin Eleven, Hunter, and Nasaanmamamue?, Ravenofdeath, ICE, and other's stories. hope you enjoy! (©®Sigaw and Spookify)