Ang abnormal na buhay ng isang ordinaryong half half
Mula nung magkamuwang ako, alam ko na na hindi ko tunay na lolo si A-po, gawa ng mga tsismosa naming mga kapitbahay. Pero wala naman sakin yun, wala akong reklamo sa trato nya sakin. Tanda ko yung araw na nagpabago ng buhay ko. Birthday ko, pitong taon na ako. Nagsasalo kami ng mga kalaro kong uhugin at libagin sa pansit na niluto ni A-po, nung may marinig akong tumawag sa pangalan ko. Tinignan ko sila kung naririnig din ba nila, pero parang ako lang ata ang naantala sa pagkain, kaya pinagsawalang bahala ko muna. Nang makaalis na sila Tintin, narinig ko na naman ang boses. Parang nanggagaling sa likod. Busy si A-po sa pagliligpit ng mga kinainan, kaya hindi na ko nag-paalam.
Dun ko sya unang nakita. Babae na may itim na itim na buhok na hanggang bewang, naka kulay dilaw syang bestida na sa sobrang haba, hindi ko makita kung may paa ba sya.Yuviana.
Natigil ako sa paglapit sakanya. Hindi nya binuka ang bibig nya pero narinig ko sya, ewan ko kung bakit alam kong sya yung nagsalita.
Anak ko. Yuviana.
Bigla na lang syang nasa harap ko na. Nang dumaiti ang hintuturo nya sa pisngi ko, nakaamoy ako ng tila nasusunog. Ang kaninang makinis nyang kutis, nangulubot na. Pero nanatili pa ring ganun ang mukha nya. Ganda. Parang ako.
Sumama ka na sakin anak.
Hindi pa rin bumubuka ang bibig nya. Dapat natakot ako o nandiri kasi naman kulubot yung balat nya. Kaya lang ang naramdaman ko bigla, pangungulila. Gusto kong maramdaman kung paano magka nanay tsaka tatay. Tinawag nya akong anak, ang sarap pakinggan, pero sa puso ko parang may kulang. Pahawak na ako sa kamay nya ng marinig ko yung malutong na mura ni A-po. Tapos nagbato sya ng mga luya. Nung natamaan yung babae, yung parteng nabato, kitang kita ko umusok. Nabitawan nya ako. Ay takot sa luya si ati. Hinila ako ni A-po palayo sakanya.
Matapos nun, nagsimula na kaming magpalipat-lipat ng lugar, pero kahit kailan, hindi kami napuntang syudad. Hindi ako nagtanong kay A-po tungkol sa babae sa ilang taon dahil natakot ako sakanya. Dahil din sa paglipat lipat namin, nakilala ko ang mga kaibigan ni A-po, sakanila kami nakikitira. Pinakauna si Gregor, malaking lalaki na kalbo. Noong umpisa, natatakot ako sakanya, pero sya ang unang naging saksi sa unang bagay na hindi ordinaryo na nagawa ko.
Mula kasi ng magpakita ang babae, naging mahigpit na si A-po. Hindi na nya ako pinapayagang lumabas ng gabi para makipaglaro, ilang beses naman akong nakatakas pero hindi ako tumatagal sa laro ng isang oras dahil sinusundo na nya ako. Isang gabi, inis na inis ako, nakabantay kasi sya sa may pinto sa likod na syang dinaraanan ko sa pagtakas. Wala akong magawa kundi tumingin sa bintana ng kwarto, naiinggit ako sa mga kalaro ko. Naisip ko, kung kaya ko lang sana makalalabas ako, yung nasa may labas na ako agad ng bakod. Narinig ko ulit yung mga tawanan sa labas, napapikit ako. Sa muling pagmulat, natumba ako. Bumungad sakin si Gregor. Nagkagulatan kami. Akala ko isusumbong nya ako kay A-po, pero ng sabihin ko na hindi naman talaga ako tumakas basta naisip ko lang na nasa labas na ko ng bakod, ngumiti sya saka ako hinayaang tumakbo para makapaglaro. Takang-taka si A-po ng sunduin nya ako. Pero hindi sya nagtanong.
Araw ng linggo, laging umaalis si A-po para magtinda ng mga abubot sa harap ng simbahan. Ilang beses sumilip si Gregor sa may pintuan, tapos na akong kumain ng almusal nung ayain nya ako sa may poso. Sinabi nyang isipin ko yung malaking bato sa may ilog. Isipin ko raw na nandun ako at nakaupo. Nakailang beses bago ko makuha yung gusto nyang gawin ko. Napunta nga ako sa malaking bato. Muntik na kong malaglag sa tubig nung sumulpot sya bigla sa harap ko.
Nang malaman ni A-po yun, agad agad kaming nag alsa balutan. Pero sabi ni Gregor wag akong malungkot, kaya naman nya akong bisitahin, ganun din ako. Basta isipin ko lang at maniwala ako. Naniwala ako at nagawa ko. Pero hindi alam ni A-po.Sunod naming tinuluyan ay isang babae na nagtitinda ng mga herbal na gamot. Mukha syang dalaga pero si A-po pa yung nagpo-po sakanya. Sya si Aaliyah. Sa bahay ni Aaliyah kami pinaka nagtagal. Sakanya ako natuto ng mga herbal na gamot sa kung ano-anong sakit. Nung tumuntong akong disi sais nasa third year highschool na ko nung muling lumitaw yung babae. Hindi na mahabang bestida ang suot nya, hanggang tuhod na. Nasa may palengke kami ng mga kaibigan ko, binigyan kasi ako ni A-po ng pera para panglibre sakanila. Kumakain na kami nung mapansin ko syang nakatayo lang, hindi sya napapansin ng mga tao, nakatingin sya sakin. Umarte akong kaswal. Nakipagtawanan, inenjoy ang birthday ko. Nang mag-uwian na, nagkanya kanya na kaming sakay ng tricycle. Nagtaka ako nung yung katabi ko eh bumaba, pumalit sa pwesto nya yung babae. Nakaamoy ako ng maasim, parang datu puti, yung babae. Pumikit ako tapos napamulat ulit. Hinawakan nya ako sa braso.

BINABASA MO ANG
Kevin Eleven And Others
Horrorcompilation of Kevin Eleven, Hunter, and Nasaanmamamue?, Ravenofdeath, ICE, and other's stories. hope you enjoy! (©®Sigaw and Spookify)