Ang abnormal na buhay ng isang ordinaryong half half II
Hindi naman ako nahirapang makisama sa mga home boys at girls ni Boss Rudy. Yung iba kasi kasing taon ko lang din, may dalawa nga lang na atribida. Sa unang tatlong buwan, pinagpractice ako ni Bossing na magparoo't parito. Sabi nya pwede ko namang bisitahin si A-po, tutal naman hindi kalayuan ang lugar na pinuntahan namin. Tatlong buwan na akala ko puro ganun lang ang gagawin ko. Hanggang sa isang umaga, ginising ako ni Gino. Pinapasama raw ako ni Boss sa lakad nila, sa manila. Nang makarating kami sa cubao bigla akong nanghina. Kami nila Jane. Naiinis si Boss na binigyan kami ng see thru na bola na may parang may maliit na halaman sa loob. Pagkahawak ko nun, para akong nag-enervon. Binilinan nya akong manood sa gagawin nila Gino. Pumwesto kami sa malapit sa isang atm, may dalawang madre ang nandun. Nang aktong paalis na sila, hinarang sila nila Gino, Shali at Venice. May nilabas silang mga pamphlet. Noong umpisa ay ayaw nung dalawa. Pero sa isang kisapmata nagbago ang ihip ng hangin. Ngumiti na sila at magiliw na sumama kila Gino papunta sa sasakyan. Tapos, iniwanan namin silang tulala sa bangketa. Nakangisi si Boss habang binibiliang ni Shali yung pera.
"Budolbudol pala kayo boss masama yun"
Tinignan nya ko tapos hinila nya ko sa may batok. Akala ko hahalikan nya ko. "Barya lang 'to sa dami ng perang nahuhothot nila. Hindi naman mga madre yun na totoo eh".
Nung tumango si Gino tumigil na ko. Nakakatakot si Boss eh. Bumalik na rin kami sa lungga namin. After three hours, nakarating na kami sa baryo. May naghihintay samin sa may gate. Pagbaba namin kumapit agad yung babae kay boss. Kinukulam daw yung kapatid nya, lahat ng sugat sa katawan nilalabasan ng langaw. Sa tuwing pinupunta sa doktor wala namang langaw na lumalabas. Magbabayad daw sila kahit magkano gumaling lang kapatid nya. Pagkasabi nya ng kahit magkano, napa-uy sila Gino. Ni hindi kami nakapasok sa loob ng bahay, sumakay ulit kami sa van. Sabi nila Jane, minsan lang kumakagat sa ganitong raket si boss, hindi naman kasi talaga sya albularyo, aswang sya. Kaya lang ang nagpapunta sakanila kay Boss, yung tropa nya sa samahan. Pagdating namin sa bahay nila, napa-wow ako eh, ang laki ng bahay nila. Pero bago pa kami makapasok, napatakip kaming lahat sa ilong. Ang lansa. Pagpasok, sumunod kami run sa babae na pumanhik sa taas. Ang gara ng bahay, marmol ang sahig. Pagpasok namin sa kwartong pinasukan ng babae, halos maduwal ako sa lansa. Para ring andaming bubuyog. Ang lakas nung zzzzzzzzz zzzzzzzz.
"Boss" Kinalabit ni Owen si Boss.
"Alam ko hindi ako tanga" Napatingin ako sa tinitignan nya, nabunggo ako kay Shali nung napaatras ako. May parang itim na usok sa may tapat nung lalaking nakahiga sa may kama. Punong puno sya ng sugat kahit sa mukha. Tapos may napagtanto ako, yung zzzzz zzzzzz hindi bubuyog, at yung akala kong itim na usok, mga langaw pala at mukhang kami lang ang nakakakita. Inutusan ni Boss yung babae na paalisin lahat ng nakatira sa bahay at sila lang magkapatid at kami ang matitira. Nang makababa yung babae hinarap nya yung lalaki, dinutdot nya sa mukha.
"Hoy may nakaaway ka ba?" Umiling si Koya. "Yung totoo. Paano ko malalaman kung sinong may gawa nyan kung hindi mo sasabihin yung totoo?".
Umiling lang ulit yung lalaki. "Boss" Nakatingin si Kris sa may bintana na mejo nakaawang.
"Bakit?"
"Yung bangaw"
Pagkasabi nya nun, sinubukan nila Gino na hulihin yung bangaw. Pero mailap eh kaya nagulo na yung kwarto, hindi pa rin nila nahuli.
"Ana, sundan mo"
"Ako?"
"May iba pa bang Ana dito?"
"Bakit ako?"
Sinenyasan nya kong lumapit sakanya. Tapos bigla nya kong sinabunutan. "Kasi gusto ko ikaw. Dalian mo"
"Samahan ko sya boss" Hindi hinintay ni Gino na pumalag pa si Bossing, tinutulak nya ko habang palabas ng kwarto. Kaso hindi ko alam kung paano ko susundan yung bangaw. Tapos nagulat ako nung nabalik ako sa kwarto sa taas. Napakamot ng ulo si boss tapos sila Kris pinipigilang tumawa.
"Nakita mo yung bangaw?" Tumango ako. "Isipin mo yung itsura nya, dun mo gawin sa tabi ni Gino"
Nakailang balik ako sa kwarto sa taas. Yung huli, binato ako ni bossing nang susi ng van. Tapos nagawa ko na. Thank you susi. Pero sa unang pagkakataon, nakatapak ako sa bahay ng isang mambabarang at hindi mabangong experience yun. Mukhang malinis yung bahay, mukhang mabango, pero ang hindi nakikita ng mga ordinaryong mata eh ang mga langaw na tila design sa kulay cream na pader tapos ang baho, sobra. Lumabas ako at naglakad. Hindi ito nalalayo sa mga bahay, may tindahan sa harap, may karinderya sa magkabilaan tapos.......nasa palengke. Sino nga bang mag-iisip na mambabarang yung nakatira sa bahay na yun. Tapos nakalimutan ko pala si Gino hehehehe. Pagbalik ko nasa baba na rin sila boss. Nahuli na nila yung bangaw.
"Nasaan bahay nun?"
"Sa may palengke boss"
"Sa palengke tayo"
Kaswal na nagtao po si boss. Bumukas ng konti yung pintuan tapos biglang tinaas ni boss yung garapon, andun yung bangaw. "Subukan mo. Sama-sama tayo sa impyerno"
Biglang may sumulpot sa harap ng pinto. Matandang babae. Biglang itinago ni Boss yung garapon.
"Ano yun?"
Nagsitakbuhan sila Gino, pero hindi sila pinansin ni Boss. Nakipagusap sya run sa matanda habang ako takang-taka sa mga ganap. Saglit pa pinapasok na kami nung matanda sa loob. Saka nya inutusang umalis. Bilib na bilib ako kay boss pag ginagawa nya yun.
"Bakit mo pinaalis boss?"
"Hindi ko sya kailangan"
"Bakit?"
"Yung hinabol nila Gino yung kailangan ko"
"Hindi yung matanda yung mambabarang?"
"Hindi nga. Hindi sya amoy basura eh"
Aaaahhhh. Hindi naman kami naghintay ng matagal, pero shookt na shookt ako nung makita kung sino yung mambabarang, babae, tingin ko kasing taon ko lang. Tinanong sya ni boss kung anong dahilan bakit nya yun ginawa.
"Niloko ka nya. Okay. Tigilan mo na"
"Ayoko. Lahat binigay ko sakanya tapos lolokohin nya lang ako? Buong buo kong binigay sarili ko sakanya tapos pagpapalit nya lang ako sa iba? Ayoko. Patayin mo ko kung gusto mo pero hindi ko babawiin yung barang"
"Ayoko sayo. Yung nanay mo ang papatayin ko"
Sumugod sya kay boss. Pero walanghiya talaga sya minsan kasi sinipa nya lang, talsik si ati. "Tatanggalin mo o papatayin ko nanay mo. Mamili ka"
Pagkatapos ng isang linggo, yung ate nung binarang, pumunta ng bahay, nagbayad. Magaling na raw kapatid nya. Pero gabi nun ginising ako nila Gino. Tinanong nila kung close ko ba si Aaliyah. Nung sinabi kong mejo, inaya nila akong pumunta run. Nag ambag ambag sila nila Jane sa pangbayad sa gamot na pinakiusap nilang gawin ni Aaliyah. Pagbalik sa bahay, malapit ng magbukang-liwayway. Hiniram nila kay boss yung van. May plano kasi ako na dadalawin ko si A-po kila Lou, kakain kami sa matdo tapos bibilhan ko syang baston tapos brief kaya hindi na ko sumama. Eto kasi yung unang beses na may maibibigay ako kay A-po. Pagbalik ko sa bahay kinagabihan, ang lawak ng ngiti ko. Tapos napalis din agad nung makita sila Gino na nagmumukmok sa silong ng puno ng bayabas.
"Uy bakit?"
"Patay na si Nadia"
"Sinong Nadia?"
"Yung mangbabarang" Napatingin ako kay boss na nagyoyosi habang nagduduyan. "Yung gamot na pinagawa nila kay Aaliyah hindi naman talaga eepekto. Hindi nya nagawa ng maayos yung pagbawi ng sumpa kaya bumalik sakanya yung ginawa nya"
"Bakit mo alam boss? Patay na yung mambabarang?"
"Pag matagal ka ng nabubuhay, natural marami ka ng alam. Pwera na lang kung tamad ka, hindi pa sya patay wag kang excited. Kamusta si A-po?"
Nakakainis madalas si Boss Rudy, pero may mga pagkakataon na nararamdaman ko mabuti syang tae. Pero marami pa rin yung pagkakataon na gusto ko syang ilibing ng buhay. Kung kaya ko lang huehuehue.
Nasaanmamamue?
BINABASA MO ANG
Kevin Eleven And Others
Horrorcompilation of Kevin Eleven, Hunter, and Nasaanmamamue?, Ravenofdeath, ICE, and other's stories. hope you enjoy! (©®Sigaw and Spookify)