XIII: CHAPTER 13

87 7 1
                                    

CHAPTER 13

"Salamat," ani Elyse matapos siyang bigyan ng tubig ni Jeremiah.

Umupo sa kabilang swing sa tabi niya ang binata. Binuksan niya ang hawak niyang tubig at ininom 'yon. Nang matapos uminom ay nilingon niya si Jeremiah nang mapansin niyang nakatitig lang ito sa kanya. Hindi pa rin nito itinatanggal ang pagkakatitig sa kanya.

"B-bakit?"

Hindi niya maitatanggi ang kalungkutan sa mga mata nito. Matagal pa muna bago ito sumagot sa mahinang boses.

"Sorry."

Nagtaka siya sa sinabi nito. "Bakit ka naman nagsosorry?"

Napayuko ito. "Kasi nga 'di ba, alam ko naman noong una pa lang na sila ni Carla ang makakasama mo ro'n sa party pero hinayaan pa rin kitang pumunta ro'n nang mag-isa. Kaya, sorry ulit."

Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Isa pa, kasalanan din naman talaga niya kasi siya talaga ang nagkusang pumunta roon at wala naman talagang kasalanan doon si Jeremiah.

"You don't have to say sorry. Nagkusa akong pumunta ro'n kaya 'wag mong sisihin ang sarili mo."

Umiling ito. "Kahit na, hindi pa rin kita sinamahan. Isa pa, late na rin ako nang dumating."

Natahimik sila nang ilang sandali dahil hindi na siya sumagot dito.

"Bakit ka pa rin pala... pumunta?"

Tiningnan siya nito sa kanyang mga mata. May kung ano siyang nakikita doon na hindi niya maipaliwanag. Parang ganoon na lang kasi makatitig sa kanya si Jeremiah, isang rason din kung bakit parang hindi niya matakasan 'yon.

"Nagkakutob kasi ako na baka... may mangyari sa 'yong masama kaya ayon, hindi nga ako nagkamali."

Napayuko siya at saka napabuntong-hininga.

"Paano na 'yan ngayon?" Napaangat siya ng tingin sa binata nang magsalita ulit ito. "Alam na ng lahat. Alam na ng karamihan lalo na ni Carla na—"

"May sakit ako?" pagputol niya sa sinabi nito.

Hindi makapaniwalang umiling si Jeremiah sa kanya. "Wala kang sakit, Elyse."

Paulit-ulit din siyang umiling. "I'm sick, Jeremiah. Tama ang sinabi ni Carla, itong takot na 'to ay sakit ko."

Nanatili itong tahimik.

"Kung hindi lang siguro nawala si mom, h-hindi mangyayari sa akin 'to..." pinipigilang bumuhos ang emosyon na sabi pa niya. Hindi niya alam sa sarili kung bakit niya ito ngayon sinasabi sa binata kahit alam naman niya sa sariling sensitibo para sa kanya ang usaping 'yon.

Pansin niya ang gulat sa mukha nito.

"S-sorry..."

"It's okay, matagal na 'yon."

"Kaya pala... hindi ko siya nakikita na kasama mo o sa b-bahay niyo..."

Umayos ito ng upo at hinawakan siya sa kanyang mga kamay.

"Makinig ka, wala kang sakit. 'Di ba nga, nalagpasan mo na 'yan?"

Maluha-luha niyang tiningnan sa mga mata ang binata. "Eh, kanina? Muntik na akong himatayin doon sa gitna."

"K-kasi... malakas ang tugtog! Baka... nabigla ka lang. Saka, 'wag kang mag-alala, tutulungan naman kita, eh. Nakuha mo ngang kumanta na, eh. Uunti-untiin natin, ma-o-overcome mo rin 'yang takot mo."

Mahina siyang tumango kaya napangiti naman si Jeremiah at inayos ang bangs niya.

"'Wag ka nang umiyak. Para ka nang bata niyan, eh."

Voice and HeartbeatsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon