Prinsesa Beatrice
Butil na butil na pawis ang tumatagaktak mula sa noo ko pababa sa aking leeg. Hindi ko alam kung bakit dumalaw sa aking panaginip ang nangyari noong labing dalawang taong gulang lamang ako. Ang bawat pangyayari'y parang nasa harap ko lamang at katulad ng nakaraan ay wala na naman akong nagawa upang iligtas ang kaharian, si ama at ina kasabay ng pagkamatay ni Manuel, ang siyang taong nasa tabi ko hanggang sa malagutan siya ng hininga.
Tila tumakbo ako ng ilang metro dahil sa pawis na inilabas ng aking katawan. Hanggang loob ng suot kong bestida ay ramdam ko ang lagkit at butil butil nito. Nagpasiya akong magpalit ng damit ng makita kong muli ang litrato ng aking mga magulang sa tabi ng aking kama. Hindi ko mapigilang magbalik tanaw kung saan tuluyang naubos ang pag asa kong mabuhay.
"Tulungan ninyo ako." aking pagsusumamo sa isang maliit na bayan kung saan ako napadpad. Hindi ko na alam kung saan napunta ang mga sundalong sumusunod sa akin dahil sa aking pagkataranta. Ang tanging nasa isip ko na lamang ay ang makaalis sa impyernong kinalulunggaan ng isang demonyo.
"T-Tulong... pakiusap." Tila walang naririnig ang mga tao kahit na alam ko namang nakikita nila kung anong kalagayan ko ngayon. Bakas ang takot at pagtataka sa kanilang mga mukha dahil sa isang kataka-takang mukhang napadpad sa kanilang maliit na bayan.
"T-Tulong." unti - unting bumigat ang aking talukap dahil na rin sa pagtakbo ng walang katapusan at ang isang daplis ng pana sa aking hita. Bago ko tuluyang maipikit ang aking mata'y may maramdaman akong isang mga bisig na sumalo sa akin bago pa man ako bumagsak.
"Dalhin siya sa ating maliit na klinika. Kahit na isa siyang panibagong mukha'y hindi na'tin basta basta pwedeng pabayaan ang isang binibini." saad nito kaya't pinilit kong buksan ang aking mga labi upang makapagpasalamat ngunit sadyang hindi na kinaya nang aking katawan ang bigat na nararamdaman nito.
Hindi ko alam kung ilang oras o araw na ba akong nakahiga sa kamang kinalalagyan ko ngunit isa lamang ang nasa isip ko ngayon. 'Ligtas na ako.' saad ko bago walang sawang nagpasalamat sa Maykapal na binigyan ako ng lakas ng loob upang hindi sumuko. Alam kong ito ang patunay na may kailangan pa akong gawin. May kailangan pa akong ipaghiganti.
"Doktor, gising na po ang binibining pasyente." narinig ko ang isang tinig na nagmumula sa pinto kaya't sinubukan kong umupo upang makausap sila at makapagpasalamat.
"Huwag ka munang gumalaw binibini. Hangga't maari ay mahiga ka muna upang manumbalik ang iyong lakas." dali daling lumapit sa akin ang nars na katulong ng isang hindi kilalang lalaki na bumungad sa pinto.
"Maari mo na kaming iwan, Maria. Maraming salamat sa tulong mo." tugon nito sa nars bago siya tinanguan nito at sabay umalis ng silid kagaya ng kahilingan ng lalaking doktor. May suot itong magkaternong puting pantalon at damit na may nakatahing pangalan nito sa kaliwang bahagi ng kaniyang damit. Malalaman mo agad na siya ang namumuno sa maliit na klinikang ito.
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...