Emperador Kalid
"Giovanni, inaatasan ka ni amang magtungo sa Timog-Silangan kasama ni Pinunong Saryo upang maging lihim na espiya. Hindi mo kailangang mag-ulat kay ama hangga't nariyan si Pinunong Saryo kaya't inaasahan nitong magtatagumpay ka sa pagpasok sa Timog-Silangan."
Narito ako ngayon sa silid ni amang hari upang magbantay. Walang misyon si ama para sa akin sapagkat kababalik ko lamang galing Timog-Kanluran upang samahan ang isang mataas na kawal sa pagkolekta ng mga gintong handog ng mga ito para kay ama.
"Kung mamarapatin ninyo ama ang aking pagtatanong, gusto ko lamang malaman kung bakit kailangan kong daluhan si Pinunong Saryo sa Timog-Silangan? Hindi ba kayo nasisiyahan sa kaniyang mga ulat?" mungkahi ni Giovanni kay ama na siyang ikinapagtataka ko rin.
Tatlong buwan na ang nakalipas matapos akong maging bahagi ng Himlayanan. Iyon ang tawag sa lihim na samahang pinamumunuan ng isang misteryosong hari na si Haring Himlayan. Siya ang gumagamit ng simbolismo ng mga Kanluranin na isang itim na uwak.
Matapos niyang masakop ang Hilaga mula kay Haring Himalaya at ang aming kaharian na Hilagang-Kanluran mula kay Haring Pilatos ay naging mabagal ang sunod nitong pagkilos. Halos lahat ng sugatan sa labanan ay muling nagpahinga upang manumbalik ang mga lakas kasabay ng pagdakip ng mga batang gaya ko upang gawing mga susunod na kawal ng Kanluran.
"Hindi ko pinaghihinalaan ang aking anak na si Saryo subalit nais kong matiyak na kailanman ay hindi siya tatalikod sa akin bilang kaniyang ama lalo na't may isang impormasyon ang nakarating sa akin na ang kapatid ng kaniyang dating minamahal na si Beatrice ay nasa Timog-Silangan."
Agad na nakuha ng aking atensyon ang isinaad ng hari. Hindi nito alam ang aking relasyon kay Beatrice kaya't sigurado akong hindi ito maghihinala sa akin. Ngayong alam ko na kung nasaan siya'y maaari na akong pumuslit o di kaya'y makisama sa mga misyong may inalaman sa Timog-Silangan.
"Maraming salamat sa pagsagot, ama. Malugod kong tinatanggap ang inyong utos na daluhan si Pinunong Saryo sa Timog-Silangan. Bukas na bukas rin ay agad akong magtutungo roon upang makapag-isip ng estratehiya kung paano makakapasok sa kanilang kaharian."
Lumuhod ito bago lumisan sa silid ni ama. Nagdaan ang pag-alis nito, halos mag-iisang taon na mula ng utusan ni ama si Giovanni na magtungo ngunit gaya ng sinabi ni ama ay wala ni isang balita ang nanggaling kay Giovanni.
"Mahal na hari, hangad niyo bang alamin ang kapakanan nina Pinunong Saryo at Giovanni? Pansin ko'y madalang na ang kanilang ulat," kumbinsi ko kay ama na siyang matagal niyang pinag-isipan.
"Ama," Lumingon ako nang marinig ang boses ni Pinunong Saryo. Kumuyom ang aking mga palad sapagkat inaasahan kong may pagkakataon na akong masilayan ang kalagayan ni Beatrice sa Timog-Silangan.
"Mabuti't nagbalik ka, may mahalagang impormasyon ka bang kailangang i-ulat upang daluhan mo pa ako mula Timog-Silangan hanggang Hilaga?"
Bakas ang giliw sa mga mata ni Haring Himlayan, tuwing napaparito ang kaniyang anak ay labis ang kasiyahan nito na siyang ikipinagtataka ko. Bakit kailangan niyang isakripisyo ang kaniyang anak para sa kaniyang mithiin?
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...