Prinsipe Narsis
Matapos naming maghiwalay ng landas ni Prinsipe Rafhael ay agad akong nagtungo sa tulay kung saan nakakabit ang dulo nito sa Gitnang Kaharian patungo sa Kanluran.
Hindi na ako maaaring mag-aksaya pa ng panahon upang magduda sa pagdaang muli rito sapagkat ang kaligtasan ni Beatrice ang siyang magiging kapalit kung sakaling mahuli ako ng pagdating sa Kanluran.
Ilang araw na lumipas ang paglubog ng araw at gabi nang sa wakas ay nakita ko na ang matayog na kaharian ng Gitna.
Itinigil ko muna ang aking kabayo bago bumaba hindi kalayuan sa dulo ng tulay. Magmamatiyag muna ako upang tingnan kung may mga nakapalibot na mga kawal sa kapaligiran.
Madaling araw na kaya't ang mga kuliglig na lamang ang aking naririnig sa ngayon. Tanging ang kaliwang bahagi at ang hilaga lamang ang natatanaw ko mula sa aking kinatatayuan.
Kakaunti ang kawal sa bandang kaliwa ng kaharian kung saan naroon ang silid ng mga prinsipe at prinsesa habang nasa hilaga ang mga hari at reyna.
May mga nag-iikot na mga kawal ngunit ang aking ikinababahala ay ang mga bantay sa tulay kaya't hindi ako maaaring magmadali sa pagkilos sapagkat hindi magiging maganda ang kalalabasan ng aking pagpuslit gayong hindi na ako ganap na isang prinsipe.
Dahil sa ang Gitnang Kaharian ang sentro ng bansa ay walong tulay ang nakadugtong dito na siyang dinaraanan lamang ng mga dugong bughaw. Ang tulay na ito ang siyang dinadaanan ng unang hari ng bansa patungo sa kaharian ng kaniyang mga anak kaya't itinuturing na sagrado ang daanang ito.
Ngunit kahit na banal ang turing sa daang ito'y maituturing rin na delikado ang tulay na ito sapagkat marami ang mga nagkakainteres na nakawin ang mga ginto at kayamanang tinatago ng mga maharlika sa kahariang ito.
Kaya naman tuwing takip-silim ay mas doble ang pagbabantay ng mga kawal pati na rin sa mga silid ng mga dugong bughaw upang mapanatili ang kaligtasan ng kaharian.
Ngayong narito ako hindi kalayuan sa dulo ng tulay ay hinihintay ko lamang ang pagkapal ng mga hamog upang mapadali ang aking pagtakas.
Lumapit ako sa kinatatayuan ng tatlong kawal na siyang nagbabantay sa Silangang bahagi.
"Panatilihin ninyo ang pagbabantay sapagkat hindi ninyo masasabi kung mayroong balak pumislit ng kaharian upang-"
Napatigil ang pagsasalita ng isa sa kanila kaya't agad akong napatigil sa paglalakad.
Narinig ko ang matinding katahimikan mula sa kinatatayuan nila kaya't agad akong naalerto sapagkat tiyak kong naramdaman na nila ang aking presensya.
Agad akong umayat sa gilid ng tulay upang tingnan kung mayroon akong mapagtataguan kahit sa maikling panahon lamang.
"Huwag ninyong patatakasin ang sinumang nagtangkang tumapak sa Gitnang kaharian ng walang paalam."
Sa narinig ay agad akong bumaba sa kabilang bahagi ng tulay kung saan isang maling galaw at babagsak ako sa pinakamalalim na ilog sa buong kaharian. Ito'y nag-uugnay sa tubig dagat kaya't maaaring hindi na makita pang muli ang aking katawan kung sakaling mahulog ako mula dito.
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Ficción histórica[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...