Prinsipe Narsis
Tahimik ang kaharian. Kung titingnan ang kalangitan ay siguradong malapit na ang pagbagsak ng ulan sa aming kaharian. Hindi kagaya ng kaharian sa Timog na laging maaliwalas, dito sa Hilaga ay madalas ang pagbisita ng grasya mula sa itaas. Mayroong mga araw na maiinit ngunit mas madalas ang pagbuhos nito.
"Narsis, halika at hawakan mo ang bago nating prinsesa. Hindi ba kay amo ng kaniyang mukha?" Makikita ang galak sa mukha ni ina ng iharap niya sa akin ang bagong silang na si Beatrice.
Hindi ko napigilan ang pag-angat ng dalawang sulok ng aking labi ng makita ang pagkakahalintulad ng kaniyang mukha sa aming reyna. Ang mata nitong bilugan na umaayon sa kaniyang matangos na ilong at manipis na labi. Kayumanggi ang balat ni Beatrice na nakuha nito kay ama. Sa tingin ko'y iisang katangian lamang ni ama ang mayroon kay Beatrice.
"Sana'y makuha niya ang maalong buhok ng iyong ama. Sa tingin ko'y babago ito sa ating prinsesa," mutawi ni ina bago ako inalok kung makakaya kong hawakan ang si Beatrice.
"Gabayan ninyo ako ina sapagkat ito ang unang pagkakataon kong humawak ng sanggol." Natawa ang reyna sa aking tinuran.
Dahan-dahan niyang inilagay sa aking bisig si Beatrice. Nakatingin ito sa akin ng may pagtataka kaya't laking gulat ko ng may tumulong tubig sa pisngi nito. Hindi ko man lang namalayan na may luhang tumutulo sa aking mga mata.
"Bakit ka tumatangis, mahal ko?" Ibinilik kong muli si Beatrice sa bisig ni ina bago umiling dito.
"Natutuwa lamang akong makita ang kagandahan niya. Titiyakin kong nasa mabuting kalagayan palagi ang ating prinsesa." Natuwa si ina sa aking tinuran bago namin narinig ang malumanay na pagtawa ni Beatrice.
Nagkatingin kami ni ina bago tumawa. Iyon ang simula ng aking pagiging responsableng prinsipe sa kaharian. Nanibago si ama sapagkat madalas akong hindi sumusunod sa utos niya kaya't laking tuwa nito ng malamang ang susunod sa kaniyang trono ay natututo ng maging disiplinado.
"Beatrice huwag kang tumakbo." Sumunod ang aking mga paa sa tinatahak na daan ni Beatrice. Limang taong gulang na ito at nalalapit na ang kaniyang kaarawan.
"Kapatid ko, tingnan mo ang bulaklak na ito." Ipinakita niya sa akin ang pamilyar na bulaklak. Matagal ko ng napapansin ang kahiligan ni Beatrice sa amapola. Tila nabighani ito sa ganda ng pagkapula ng bulaklak.
"Halika at ilalagay ko ito sa iyong tainga." Lumapit ito sa akin kaya naman pinitas ko ang isang amapola bago dahan-dahang inilagay sa kaniyang tainga.
Kitang-kita ang ganda ng kaniyang mukha dahil sa amapolang nasa sa tainga nito. Kagaya ng sinabi ni ina ay nakuha nga nito ang maalong buhok ni ama na bumagay sa kutis at mukha nito.
Labis-labis ang kaniyang tuwa ng matapos ko itong ilagay sa kaniya bago tumakbo kay Prinsesa Isabela. Ang panganay na prinsesa sa lahat, pangatlo ito sa aming magkakapatid. Kasama niya si ama at ina na seryosong nakikipag-usap sa mga ito.
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...