Prinsesa Beatrice
Pamilyar sa akin ang kaganapang ito. Maraming mga tao ang naghihintay sa pagbukas ng tarangkahan upang masalubong ang pagdating ng mga dugong bughaw.
Hindi isang normal na pagtitipon-tipon ang hinihintay ng mga mamamayan sapagkat hindi na lamang purong Timog-Silanganin ang naghihintay sa pagbukas ng tarangkahan kung hindi iba't-ibang mamamayan mula sa iba't-ibang kaharian ang siyang inimbitahan ng aming hari.
"Mukhang hindi mo na mapigilan ang iyong pagngiti, Beatrice." Lumingon ako sa pinanggalingan ng pumuna sa akin.
Ngumiti akong sinalubong ang mag-asawang si Prinsesa Froilan at Prinsipe Rafhael. Nakapalibot ang braso ng prinsipe sa bewang ng prinsesa habang inaalalayan ito sa paglalakad.
"Hindi lamang ako makapaghintay sa pagdating nila ina." Tumawa ang mag-asawa sa aking tinuran bago ako tumingin kay Prinsesa Froilan.
"Araw-araw kitang nakikita sa palasyo ngunit hindi pa rin ako nagsasawang batiin ang magiging supling ninyo tuwing tayo'y nagkikita."
Nagalak ang mag-asawa sa aking tinuran bago binigyang daan ang kaniyang lumalaking tiyan sa akin. Wala akong nagawa kung hindi lumuhod at hawakan ang tiyan ni Prinsesa Froilan habang kinakausap ang munting nilalang sa loob nito.
"Darating na sila kaya't magmadali ka ng mag-ayos, Beatrice. Makikita mo pa kami kinabukasan kaya't saka mo na ulit hagkan ang aming magiging anak. Mauuna na kami sa hapag upang makapagpahinga ang aking prinsesa."
Tumayo ako upang makapagpaalam ng maayos. Bago pa man makaalis ang mga ito ay kumindat sa akin si Prinsipe Rafhael na siyang ikinatawa namin ni Prinsesa Froilan.
Hindi pa rin nagbabago ang prinsipeng ito.
Hindi pa rin maalis ang aking tingin sa mag-asawang papalayo sa akin.
Noon, tanging biro at kabulaklakang mga bibig lamang ang maririnig mo kay Prinsipe Rafhael ngunit sa pagdaan ng tatlong taon ay maayos na nitong napakikisamahan ang kaniyang asawa habang inaalagaan ang magiging unang supling nito.
Mula sa balkonahe ay muli kong sinilip ang mga mamamayan na naghihintay bago ako pumasok sa aking silid. Kailangan ko na lamang maghintay ng ilang minuto upang makita sina ina.
Narinig ko ang pagkatok ng sinuman sa aking pintuan kaya't agad akong tumungo doon upang pagbuksan ito.
"Magandang araw, aking prinsesa. Maaari bang sunduin ang isang magandang dilag na tulad mo upang salubingin ang isang espesyal na panauhin ng ating kaharian."
Matamis akong ngumiti sa sumalubong sa akin. Makikinita ang malaking pagbabago kay Prinsipe Jakob mula sa katayuan nito pati na rin ang ibang katangian niya ngunit tulad noon ay mukhang magkaugali pa rin sila ni Prinsipe Rafahel sa pagiging mabulaklak ang bibig.
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...