Pagsasalaysay
"Gabriel, itigil mo na ito. Pakiusap, para sa anak ko." Nakaluhod ang mag-ina sa harap ni Prinsipe Gabriel.
Nang subukan ni Dioness na pagbantaan ang buhay ni Gabriel dahil sa nais nito sa kaniyang anak na si Beatrice ay wala rin siyang nagawa sapagkat agad na siniko ng prinsipe ang tiyan ng reyna upang makawala siya rito.
Dahil sa mas malakas ang lalaki kaysa sa kanilang dalawa ay wala silang nagawa kung hindi ang salagin ang ibinibigay na atake ni Gabriel.
Walang kahit anong armas si Beatrice at tanging ang punyal na ninakaw lamang niya kay Gabriel ang tanging magliligtas sa kanilang mag-ina.
"Bakit lagi niyo na lamang sinasabi na hindi ito ikasasaya ni Isabel? Ano ba ang alam ninyo sa nararamdaman niya kung kailan huli na ang lahat?"
Bumalik na naman ang mga mata ni Gabriel na tila wala sa sarili. Natakot ang mag-ina dahil sa ipinapakitang pag-uugali ng prinsipe habang may hawak itong matalim na armas.
Kung magkakaroon lamang ng pagkakataon si Beatrice na agawin ang espada nito ay tiyak na makakatakas sila sa prinsipe ngunit kung lalapit sila kay Gabriel ay siguradong mapapahamak ang kanilang buhay.
"Beatrice, ina," Lumingon ang lahat nang dumating ang tatlo pang kapatid ni Beatrice habang nasa likod nito si Haring Himalaya.
"Ama," Nagagalak ang lalaki sa nakita. Alam nitong hindi hahayaan ng kaniyang ama na makatas muli ang pamilya ng kaniyang kapatid nang hindi nito napapatay ang lahat ng lahi nito.
"Ito na ang pagkakataon natin, anak. Patayin mo na ang dalawang iyan. Si Beatrice ang siyang magiging sagabal sa lahat ng plano natin."
Natigilan ang lahat dahil sa winika nito. Hindi magawang makagalaw ni Prinsipe Lossier sapagkat nakatutok sa kanilang tatlo ang mahabang espada nito. Kahit pa makalayo ang isa sa kanila ay di hamak na wala silang magagawa kung wala silang kahit anong armas.
"Lossier, ingatan mo ang iyong mga kapatid."
Ito ang huling bilin ni Dioness sa anak bago ito sumugod kay Prinsipe Gabriel. Nangamba ang lahat habang patuloy ang pakikipaglaban ni Dioness sa pinuno ng Himlayanan.
Bumagsak ang reyna nang tumama ang kamao ni Gabriel sa tiyan nito.
"Ina." Halos sabay-sabay ang mga anak nito habang pinakatititigan si Gabriel nang hablutin ang buhok ni Dioness.
"Papipiliin kita, aming reyna," tumawa ito habang nakatutok ang mukha ni Gabriel kay Dioness. "Makikipaglaban ka kay Beatrice upang mailigtas ang tatlo mo pang mga anak o papatayin ni ama ang mga ito kapalit ni Beatrice?"
Ngumisi ang reyna bago ibinuga ang dumudugong laway nito sa mukha ni Gabriel. "Kahit kailan ay hindi ako mamimili sa aking mga anak. Kahit pa bawiin mo ang buhay ko ay paninindihan ko ang aking desisyon."
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...