Prinsipe Charles
Sa wakas, dumating na rin sa daungan ng Hilaga ang barkong aming sinasakyan.
Mabilis kaming pinababa ng kawap kaya't agad kaming sumunod sa pila ng mga kababaihang nananatili sa labas ng kaharian.
"Sa pagdating muli ng prinsesa ng Hilaga na si Prinsesa Beatrice kasama ang ating pinuno na si Pinunong Saryo at Emperador Kalid ay agad ninyong bigyang daan ang mga ito patungo sa ating hari. Kayo muna ay maglalagi sa ilalim ng kaharian upang mailayo sa kapahamakan."
Narinig ko ang bulong-bulongan ng iba't-ibang tao na aking kasama. Ang lalaking nakilala ko kanina sa barko ay nawala na sa aking paningin kaya't nakisama muna ako sa mga mamamayan ng Himlayanan upang hindi mahalata ng ibang kawal.
Maya-maya lamang ay narinig ko na ang pagdating ng isang karwahe habang nasa unahan ng hukbo si Prinsipe Gabriel. Kumuyom ang aking kamay nang makitang nagbigay pugay ang lahat sa kanilang pagdating kaya't wala akong ibang nagawa kung hindi ang makisama.
Nagalak ang aking puso nang masilayan ang mukha ni Beatrice ngunit mahahalata sa mga mata nito ang pag-iyak.
Ano ang ginawa ng mga ito kay Beatrice?
Nagulat ako nang biglang tutukan ni Prinsipe Gabriel si Beatrice ng espada, hindi maririnig ang kanilang usapan kaya't laking pasalamat ko nang harangin ng emperador ang kaniyang katawan para kay Beatrice.
Dapat ay ako ang nakatayo sa iyong kinalalagyan, Emperador ngunit hindi pa ito ang tamang oras.
Nang makitang nakapasok na ang lahat sa palasyo ay agad na tumugon ang mga mamamayan sa utos ng kawal na dumiretso na sa ilalim ng kaharian.
Alam kong ang kapahamakan na kanilang tinutukoy ay sina ama kaya't kung may maitutulong ako sa kanila ay iyon ang paglikom ng impormasyon.
"Nasaan ba ang silid ng kanilang hari?"
Nasa loob ako ng palasyo ng Hilaga. Hindi ko alam kung nasaan ang mga kawal kaya't nang makita ang isang hukbo na papalayo sa isang silid kasama ang emperador ay agad akong nagtago.
Nang makaalis ang mga kawal ay nakita ko naman ang pagpasok ni Beatrice at Prinsipe Gabriel sa loob nito. Hinintay kong lumabas ang aking kapatid bago ko ito sinundan.
Siniguro ko ang distansya sa aming pagitan upang hindi nito matunton ang aking presensya. Patuloy lamang siya sa paglalakad hanggang sa makarating sa isang pinto na siyang hinihinala kong sa kanilang hari.
Nang pumasok doon si Prinsipe Gabriel ay wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang maghintay o di kaya naman ay gumawa ng aksyon.
Nakita ko ang dalawang kawal na nag-iikot habang may humihikab pa. "Mauuna na ako sa iyo, kailangan kong magpahinga para sa pagbabantay mamayang gabi."
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...