Prinsesa Beatrice
"Simulan na natin ang pagpupulong." saad ng hari ng makaupo sila sa harapan. Agad akong tumayo at ibinigay sa hari ang planong aking ginawa kagabi. Dadaan ito sa kamay ng tatlong namamahala bago ipatupad ang planong aking nais.
"Magaling ang iyong plano prinsesa. Hindi ko inaasahang ikaw pa ang makakaisip noon." saad ng panganay na si Prinsipe Gabriel na agad sinang ayunan ng mga obispo at kapwa niya prinsipe. Ang mga punong ministro'y sang-ayon rin sa aking plano base sa kanilang pagtango. Tanging ang mahal na hari na lamang ang wala pang sinasaad na salita patungkol sa aking plano.
"Ngunit, buhay ng espiya ang magiging kapalit kung ito'y hindi magtatagumpay. Matitiyak mo bang magiging tagumpay ang planong ito?" saad ng aking hari. May punto ang hari sapagkat ito rin ang aking ipinagkakabahala.
"Walang perpektong plano, aking hari. Maaaring ang maliit na problemang ito ang maging sanhi ng ating ikababagsak ngunit hangga't may nakikita akong dahilan at pag-asang ipagpatuloy ang planong aking nais, ay aking gagawin." saad ko na siyang ikinatango ng hari. Tanging paggalaw lamang ng kamay ng orasan ang aming naririnig. Kasabay nito ang mabilis na pagtibok ng aking puso marahil na rin sa tahimik na kapaligiran.
"Kung mabibigyan mo ako ng sapat na dahilan upang ipagpatuloy ang iyong plano'y ipagkakaloob ko sa iyo ang pamumuno nito." at parang sinampal ako ng hari sa kaniyang nais ipagawa sa akin. Saka ko naalala ang insidenteng nangyari kahapon.
Napayuko ako sa pag-alalang may kinalaman sa nangyari noon ang bawat pangyayari na nagaganap sa kasalukuyan. Nagbuntong hiniga ako bago muling ibinalik ang tingin sa mata ng hari.
"Kung hindi ninyo mamasamin Haring Edward, may kutob akong may kinalaman ang nasa likod ng kapangahasang ito sa pagbagsak ng aking kaharian." rinig ko ang bulungan ng mga obispo at ng ibang mga prinsipe ngunit ipinagpatuloy ko lamang ang aking pagsasalita.
"Kung inyong mararapatin, nais ko sanang maging parte ng kasong ito upang malaman kung sino ba ang may sala sa pagkawala ng aking mga magulang at kapatid." saad ko na nagpatahimik sa loob ng buong curia regis.
Matatag ang tingin ko sa hari na siyang simbolo ng aking pagiging determinado sa aking desisyon. Matagal ko ng gustong malaman kung sino ang taong kumuha ng buong kasiyahan ko kaya't hinding hindi ko palalagpasin ang pagkakataon na ito.
"Ipinagkatiwala ka sa akin ni Haring Himalaya kaya't nagdadalawang isip ako kung maibibigay ko ba sa iyo ang pahintulot na makipagdigmaan, Beatrice. Tutal ikaw din naman ang aking napupusuan na ipakasal sa aking anak na si Prinsipe Charles at ang iyong kasagutan na lamang ang aking hinihintay kaya't hindi ko maatim kung may mangyayaring masama sa iyo." saad nito ngunit buo na ang aking puso sa paghihiganti sa aming kaharian.
"Pakakasalan ko ang prinsipe kung ako'y mabibigyan ninyo ng pahintulot na makisama sa planong ito." napatahimik ang buong curia regis sa aking nais. Narinig ko pa ang pagsigaw ni Prinsipe Charles ng aking ngalan ngunit agad din siyang pinatahimik ng hari.
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Ficción histórica[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...