Prinsesa Beatrice
"Sa paanong paraan mo nalaman ang bagay na iyon?" sa kadahilanang masakit para sa akin ang nangyari noong pagkaguho ng aming kaharian ay pinanatili ni Haring Edward IX ang lahat ng nakakaalam na itago na lamang ito at huwag pag-usapan. Masaya akong nirerespeto ng hari ang aking pribadong buhay lalo na't hindi maganda ang kinalabasan nito.
"Sabihin na lamang na'tin na maaaring ikamatay ng isang ibon ang pagiging inosente niya laban sa ahas." tumaas ang kilay ko sa ibinigay niyang halimbawa. Hindi ito isang pamilya na wikain kaya't alam kong gawa gawa lamang ito ng binata upang ako'y bantaan sa kaniyang pakay.
"Bakit hindi ka magpakilala sa akin ginoo?" saad ko at naglakas-loob na bumaba sa aking kabayo at maglakad sa gitnang bahagi kung saan sa apat na hakbang ng aking mga paa'y maabot ko na ang kinatatayuan niya. Nakita ko ang kaniyang pagngisi kasabay ng pagbaba nito sa sakay niyang kabayo.
Dahan dahan siyang lumapit sa akin bago lumuhod sa aking harapan. Sinipat ko siya ng tingin dahil hindi ko mapagkakatiwalaan ang binatang ito. Baka maya maya'y nasa paligid lamang ang apat niyang kasama. Tumunghay siya ng tingin sa akin bago kinuha ang aking palad at hinalikan ang likod nito. Tila ako'y isang binibini na kaniyang sinasamba sa kaniyang pagtingin ngunit alam kong ang pagpatay sa akin ang siyang umiikot sa kaniyang isip. Nakapaskil ang nakakainis na ngisi nito na lalong nagpatunay na hindi maaaring bigyang tiwala ang binatang ito.
"Hindi ko gusto ang isang katulad mong mayabang at mataas ang tingin sa sarili kaya't diretsuhin mo na ako ginoo, bakit kailangan mong patayin ang espiyang nangngangalang Jose?" binitawan niya ang aking kamay bago tumalikod sa akin. Magandang pagkakataon na ito upang pabagsakin siya ngunit hinding-hindi ko ibababa ang aking dignidad sa pakikipaglaban. Nararapat lamang na maging patas ang laban, hindi ko maaatim na manalo kung patalikod akong umatake sa binatang ito.
"Patatahimikin ng leon ang tupa kung ito'y makakasagabal sa kaniyang plano. Labag ba iyon sa patakaran ng iyong kaharian o labag iyon sa patakaran ng pagkatao mo?" hindi ko mapigilang mamuo ang galit sa aking puso. Ikinuyom ko ang aking kamao upang mapigilan ang aking nagliliyab na damdamin. Labag man yun sa patakaran ko o ng kaharian ay hindi nila basta basta maaaring kitilin ang buhay ng isang tao.
"Walang kinalaman si Jose rito. May pamilya siyang naghihintay sa kaniya kaya't hindi makatarungan ang pagkitil ninyo ng buhay." humarap siya sa akin at tiningnan ako ng diretso sa aking mga mata. Para akong nahipnotismo sa kulay ng kaniyang mga mata. Itim ang pinakagitna nito habang kulay abo naman ang nasa paligid ng kaniyang mga mata. Hindi ko inaasahang ganito kaganda ang pares ng kaniyang mga mata. Ngunit, kung anong ikinaganda ng kulay nito'y siyang ikinawalang buhay ng nasa loob nito.
"Hindi ba niya nasabi sayo ang kasunduan na ginawa namin? Sa oras na hindi niya itinikom ang bunganga niya'y hindi kami mag aalinlangan na patayin siya at ang pamilya niya." saad niya bago unti-unting lumapit sa akin. Hawak niya ang sandatang katulad na katulad ng inilarawan sa amin ni Jose. Isang kakaibang sandata kung saan magkasama ang espada at pana na sa kaniya ko lamang unang nakita.
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...