Prinsesa Beatrice
Limang araw matapos ang huli naming pag-uusap ni Kalid ay narito pa rin kami sa Timog-Kanluran. Hindi pa kami maaaring lumisan sapagkat tuloy pa rin ang pakikipagdigmaan ng mga mamamayan sa Himalayanan.
Kung tatanungin niyo ako kung bakit hindi ko magawang pumunta sa gitnang bayan ay dahil sa dalawang lalaking nakabantay sa aking tabi.
"Maghihinaw lamang ako ng paa." Sinubukan kong maglakad ng mabilis kaysa sa kanila papuntang ilog ngunit agad rin akong nawalan ng pag-asa nang lagpasan ako ni Kalil at naunang lumusong sa ilog.
"Hayaan mong ako na ang maghugas ng iyong mga paa, binibini." Nakanganga akong hindi makapaniwala sa kaniyang tinuran.
Nagbuntong-hininga ako bago naupo sa isang malaking bato. Inilublob ko ang aking mga paa sa tubig bago naramdaman ang mga kamay ni Kalil doon.
" May hindi ba kayo pagkakaintindihan ni Kalid?" Napataas ang aking dalawang kilay sa kaniyang tanong. Naramdaman ko ang pag-upo ni Kudos sa aking tabi habang hinihintay ang aking kasagutan.
"Wala naman," Nagkatinginan ang dalawa sa aking maging sagot "Bakit niyo naitanong?"
"Nagbago bigla ang awra ni Kalid matapos niyong bumalik noong gabing nag-usap kayo. Kilala siya bilang isang emperador ngunit hindi ito madalas nakikisama sa isang digmaan kung hindi naman ito isang malawakang pagsakop." Napakunot ang noo ko sa kaniyang winika. Ano ang aking kinalaman doon?
Nasa malalim pa akong pag-iisip nang magsalita si Kudos sa aking tabi, "Kaya naman laking gulat namin nang sabihin niyang makikisama siya sa paglusob sa gitnang kaharian ng Timog-Kanluran matapos niyong mag-usap kaya ikaw ang tinatanong namin."
Kaya naman pala nawawala ito tuwing gabi o di kaya naman ay hindi umuuwi sa kubo ng mahigit ilang araw. Simula noon ay hindi na muli kami nagkausap. Dumadating ito sandali matapos ay aalis rin kaagad o di kaya naman ay nagkakatitigan kami saglit ngunit isa sa amin ay siguradong iwawaksi ang tingin.
Wala akong alam sa dahilan nito ngunit sigurado akong may pagka-ilang na namamagitan sa aming dalawa matapos niyang sabihin ang misyon nito sa akin.
"Ano ba ang mayroon? Bakit kailangan niyong sugurin ang Timog-Kanluran?" Ito ang matagal ko ng gustong itanong. Halos kaming apat lamang nina Seya ang naiiwan sa kubo. Hindi ko alam kung saan tumutungo ang aking kapatid na si Prinsipe Narsis ngunit tuwing naglalakas loob akong magtanong ay iniiba nito ang usapan.
"May kasunduan noon pa man ang Timog-Kanluran at Himlayanan. Dahil nga isa sa pinakamahirap na kaharian ang Timog-Kanluran, nagmakaawa ang mga ito na protektahan sila laban sa mga kaharian na maaaring sumalakay kapalit ng limampung ginto kada taon," Hindi ako makapaniwala sa sinaad nito.
Limampung ginto kada taon? Akala ko ba'y mahirap ang mga ito? Saan naman sila kukuha ng ganoong pambayad?
Tila nakita ni Kalil ang aking reaksyon kaya naman agad din niyang ipinaliwanag sa akin ang kasagutan. "Kailangan nilang magnakaw sa ibang kaharian upang may maipangbayad."
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...