Prinsesa Beatrice
Dalawang linggo na ang nakakalipas simula ng magsimula ang aming pagsasanay. Maganda ang kanilang ipinapakitang resulta kaya naman labis ang saya ng amang hari ng malaman ang magandang balitang ito.
Pinauwi muna ang mga binibini sa kanilang tahanan upang makasama ang kanilang mga pamilya lalong-lalo na si Keyla. Nalalapit na ang pag-iisang dibdib ng kaniyang nakakatandang kapatid kaya't nalalabi na lamang ang oras niya kasama ito.
"Magandang umaga, aking prinsesa." saad ng taong biglang sumulpot sa aking likuran. Nakita ko ang magandang ngiti ni Prinsipe Charles na siyang ikinapagtataka ko.
"Magandang umaga rin sa iyo ngunit may nalilimutan ba akong pangyayari na dapat nating ipagdiwang?" tanong ko. Hindi napigilan ni Prinsipe Charles ang kaniyang ngiti na siyang nagpakunot ng noo ko.
"Wala naman... ngunit may panahon ka ba upang samahan ako sa aking paroroonan?" saad nito. Sa aking pagkakatanda ay wala namang pinagagawa ang mahal na hari sa akin kaya't sumang-ayon na ako sa kaniyang paanyaya.
Ala-una ng hapon sa gilid ng tarangkahan kami nagpasiyang magkitang muli ni Prinsipe Charles. Sinaad nitong nais niyang mag-ikot ikot sa gitnang bahagi ng kaharian kung saan ay may magaganap na maliit na kasiyahan sa lugar.
Isang simpleng bistida lamang ang aking suot. Kulay lila ito na bumabagay sa kulay ng aking kutis. Hindi kagaya ng madalas na itsura ko sa kaharian, ngayon ay nakalugay ang aking buhok at may nakabitin na perlas sa aking tainga. Naglagay din ako ng kaunting pampapula ng aking pisngi at labi upang maging presentable at ang pinakahuli ay ang amapola na pumuyod na aking napulot habang namamalagi pa ang espiya sa kaharian.
Hindi ko pa rin alam kung anong dapat gawin sa lalaking aking nakilala gayundin ang kanilang relasyon sa nangyari sa aming kaharian noon ngunit nawala ang aking atensyon sa pag-iisip ng sumulpot ang isang bulaklak sa aking harapan. Nilingon ko kaagad ang may hawak nito kaya't napangiti ako ng makita si Prinsipe Charles na may matamis na ngiti. Tinanggap ko naman ito mula sa kaniyang mga kamay.
"Kay ganda ng iyong ayos ngayon, Prinsesa Beatrice. Mabuti na lamang at bumagay ang aking dalang kulay rosas sa iyong damit." wika nito habang ako'y pinagmasdan simula ulo hanggang paa.
"Ngunit mas babagay ata ang aking dalang bulaklak sa iyong mukha na sa tingin ko'y pinaghandaan mo?" Nanunukso ang boses nito ngunit agad naman itong humingi ng paumanhin bago lumuhod sa aking harap at hinalikan ang likod ng aking palad.
Nagpasiya kaming maglakad-lakad habang ang lahat ng tao'y abala sa pagbili ng kanilang mga kagustuhan. May mga maliliit na bahay kung saan mayroong nagbebenta ng mga pagkain, ang iba naman ay kasama ang kanilang buong pamilya upang magpalagay ng tinta sa kanilang mga mukha. Mayroon ding mga hindi taga-Timog Silangang mamamayan na pumupunta upang makipag-barter sa aming mamamayan.
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...