Prinsesa Beatrice
"Binibining Beatrice." tawag sa akin ng sundalo. Wala akong naalala na kailangang gawin kaya't nagtataka ako sa kaniyang paglapit.
"Anong maipaglilingkod ko sa iyo?" tanong ko na siya namang sinagot agad. Mabuti na lamang wala akong gagawing importante ngayon kaya't maari kong magawa ang anumang kahilingan niya.
"Inaanyayahan kayo ng hari na dumalo sa pagpupulong." may kailangan ba akong malaman? Wala sa aking pagkakatanda na kailangan kong makasama sa pagpupulong. Tanging ang mga prinsipe at mahahalagang tao lamang ang maaaring makidalo sa pagtitipon.
"Sige. Maraming salamat sa iyo." naghanda na ako mula sa pagtitipon. Dumaan muna ako sa silid ni Prinsipe Charles upang sabay na kaming dumalo. Hindi nawawala ang mabilis na pagtibok ng aking puso dahil na rin sa makakasalamuha kong muli ang namumuno sa curia regis o mas kilalang tawagin sa ingles na Royal Court.
Ito'y isang pagtitipong nagaganap kung saan nagsasama-sama ang lahat ng mahahalagang tao ng kaharian kabilang na ang mahal na hari para sa isang pagpupulong. Dito pagdidiskusyunan ang lahat ng nangyayari sa buong kaharian lalong lalo na sa iba't ibang sektor na hinahawak ng hari. Gayundin ang pagtalakay kung ano nga ba ang mga hinaing at dagdag pangangailangan pa ng mga mamamayan at higit sa lahat ang pagdedesisyon ng mahal na hari ukol sa mga pribadong bagay.
Tatlo ang tagapamahala ng buong Curia Regis. Isa dito si Punong Ministro Frederick kung saan siya ang kanang kamay ng hari. Sa kaniya unang humihingi ang payo si Haring Edward IX patungkol sa isang desisyon na maaaring makaapekto sa buong kaharian.
Sumunod sa kaniya si Ministro Miguel, siya naman ang madalas na hindi sang ayon sa mga desisyon na ginagawa ng punong ministro ngunit binibigyan pa rin siya ng konsiderasyon ng mahal na hari sa kadahilanang may punto naman madalas ang mga hinaing nito.
Madalas magtalo ang dalawang ministro patungkol sa mga bagay bagay kaya't mayroon silang tagapaghati sa gitna na kinikilalang si Maestro Marco kung saan siya ang nagbibigay ng huling desisyon sa hari ukol sa mga pribadong bagay.
"Prinsesa Beatrice. Tayo nang mauna sa pagpupulong. Si ama ay nagbibihis pa kaya't sinabihan niya ako na mauna na kasama ka." sinalubong ako ni Prinsipe Charles ng makitang papunta ako sa kaniyang silid. Agad akong tumango at sumabay sa kaniyang paglalakad patungo sa curia regis.
"May alam ka ba kung bakit ako pinatawag ng hari sa pagpupulong?" saad ko sa kaniya upang maibsan ang katahimikan sa aming paglalakad.
"Mayroon. Narinig ko si ama kanina nang papunta ako sa kaniyang silid ngunit nararapat lamang na siya ang magsabi noon sa iyo. Huwag kang mag alala hindi naman iyon makakasama sa iyo. Nakakasiguro ako." kasabay ng kaniyang pagtatapos ay ang karaniwan nitong maaliwalas na ngiti kaya't hindi ko maiwasang tumaas ang dalawang sulok ng aking mga labi.
"Siguraduhin mo lamang prinsipe kung hindi baka sa ating pagsasanay kita bawian." saad ko sa kaniya na nagpalabas ng ngisi nito.
"At siguraduhin mo lang prinsesa na makakaya mo na akong talunin sa ating laban." napailing ako at tumigil bago siya pinaunang papasukin sa loob ng silid. Hindi nauukol dito ang pagiging maginoo dahil di hamak na mas mataas ang prinsipe sa prinsesa kaya't kailangang mauna siya sa pagpasok. Alam kong labag siya sa mga kilos ko ngunit tumungo na lamang ako upang hindi na siya makaangal pa.
BINABASA MO ANG
Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔
Historical Fiction[ COMPLETED ] Noong unang panahon, sa Hilagang Kaharian naganap ang isang madugo at malawakang digmaan kung saan nagbunga ito ng pagbagsak ng kaharian. Wala ni isa man sa mga mamamayan ang nabuhay habang ang mga dugong bughaw na namamahala sa mga...