RIO's Point of Viewl
Hinatid ako ni Josh gamit ang sasakyan ng militar. Nagpababa ako ng ilang metro mula sa Camp para hindi ako makita. Nagsimula na kong maglakad mag-isa habang iniisip ang mga sinabi ni Josh. Mukhang hindi naman sya nagsisinungaling dahil ramdam ko ang kagustuhan nyang malaman ang katotohanan. Paano kung hindi naman pala talaga nakakahawa ang virus? Paano kung gumagawa lang ng kwento ang Camp dahil may iba silang plano? Kailangan kong makipagtulungan kay Josh dahil mukhang mas marami syang nalalaman na magagamit ko para mas mailigtas ang aking mga kaibigan.
Hindi pa sumisikat ang araw, wala ring gaanong Camp Martial na nagroronda. Naghanap ako ng puno na muling maaakyat para makatalon sa pader. Mukhang mas mahirap makapasok kaysa lumabas, malayo kasi ang puno sa pader dahil na rin sa hukay na daluyan ng tubig. Wala ring mahahabang sanga na maaaring pagkapitan. Bumalik ako sa harap ng gate at nag-isip ng plano pero nagulat ako nang bumukas ito. Hinintay ko kung may taong lalabas pero wala, naghintay pa ko ng ilang minuto pero wala naman akong narinig na yabag o kaluskos. Inisip ko na baka nagloko ang gate at naramdamang nasa labas ako kaya bumukas nang kusa. Nagmadali akong pumasok at iginala ang paningin pero wala ngang mga tao. Nagpatuloy ako sa paglalakad nang may kamay na tumakip sa aking bibig at bumulong, "Huwag kang sisigaw, si Gio 'to."
Hinawakan ko ang kamay nya at sinubukang iikot ito ngunit nabasa nya ata ang galaw ko kaya imbis na braso nya ang iikot ko, braso ko ang napilipit.
"Hindi ka talaga marunong magtiwala!" sambit nya matapos ko syang tingnan.
"Malay ko ba kung may iba kang gawin. Gusto ko lang makasiguro," sagot ko.
"Anong ginawa mo sa labas? Saan ka pumunta?" tanong nya.
"Wala ka na doon. Susunduin ko na ang mga kaibigan ko at sabay-sabay kaming aalis dito," sagot ko.
"Gusto mo ba talagang mapahamak ang mga kaibigan mo? Anong klaseng kaibigan ka? Saan kayo pupunta? Saan kayo kukuha ng pagkain?" panenermon ni Doc Gio.
"Marami kaming pwedeng puntahan, makaiwas lang kami sa mga sinungaling na gaya nyo," matapang kong sagot.
"Ayan, dahil sa galit mo hindi mo na pinag-iisipan ang mga desisyon mo. Lagi kang nagpapadala sa emosyon. Kailan ka ba matututo, Rio? Hihintayin mo pa bang may mahal ka sa buhay na mamatay na naman sa harapan mo?" katwiran nya.
"Matagal ko nang sinisisi ang sarili ko hindi mo na kailangang ipamukha pa. Pero kung tutuusin hindi naman mangyayari ang lahat ng 'to kung hindi dahil sa inyo!" depensa ko.
"Anong dahil sa amin? Kami ba ang nagpakalat ng virus? Kami ba ang gumawa non? Kami nga tong naghahanap ng lunas para mailigtas ang mundo at hindi mabura ang lahi ng tao," sagot nya.
"Sabihin mo iniisip nyo lang ang sarili nyo at ang kaligtasan nyo. Ginagamit nyo lang kami!" wika ko.
"Sino bang hindi naggagamitan? Kailangan namin kayo at kailangan nyo rin kami. Kung hindi naggamitan ang mga tao, siguro wala na tayo sa mundo. Siguro hindi magtatagal ang mga tao sa mundo kung sarili lang nila ang aasahan nila," paliwanag nya.
Sandali akong natahimik, may punto ang huli nyang sinabi. Hindi na ko sumagot pa at nagpatuloy na ko sa paglalakad.
Muling nagsalita si Doc Gio, "Wala kang dapat ipangamba. Ako na ang nagsasabi sa'yo, hindi ko hahayaan na mapahamak ka. Hindi pa ba sapat ang ilang beses kong pagligtas sa iyo?"
"Niligtas mo lang ako dahil kailangan nyo ko," sagot ko.
"Niligtas kita kasi tao ka. Niligtas kita kasi nakasalalay sa mga tulad mo ang kinabukasan ng sangkatauhan," paglilinaw nya.
BINABASA MO ANG
Camp Virgin (Completed)
Science FictionMarami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili para sa dakilang misyon; ang siguraduhing may susunod na lahi.