Chapter 44

144 6 3
                                    

Rio's Point of View

Nagulat ako nang bumungad si Mario nang bumukas ang pinto.

"Anong ginagawa mo dito? Magaling ka na ba?" tanong ko.

Hindi sya sumagot, lumapit sya sa akin at hinagkan ako nang sobrang higpit.

"Teka, di naman" ako makahinga," sambit ko.

"Sorry. Masaya lang akong makita ka!" wika nya at muli akong niyakap.

"Hindi mo pa nasasagot ang tanong ko. Ayos ka na ba?" muli kong tanong.

"Oo, ayos na ayos na. Pinagaling mo ko. Inalis mo ang virus sa katawan ko!"

Natigil si Mario nang mapansin si Claire sa tabi.

"Sya pala si Claire, kapatid ni Josh. Nakilala namin sya nong mapadpad kami sa lugar nila nang papunta dito," kwento ko.

"Hi, Claire! Kumusta ka?" bati ni Mario.

"Ayos naman po. Nag-aalala lang ako kasi baka may gawing masama si Kuya Josh," sagot nya.

"Wag kang mag-alala hindi natin hahayaan na may gawing masama si Josh. Hindi rin namin gugustuhin na mapahamak sya. Kapatid na ang turing ko kay Josh dahil inampon sya ng papa ko. Kaya pwede mo na rin akong ituring na kuya!" wika ni Mario.

Niyakap ni Mario si Claire na natigil sa pagkabalisa. May kapangyarihan talaga ang ngiti ni Mario, nakakahawa na, nakakawala pa ng lungkot at takot. Nag-ayang lumabas si Mario at sinama namin si Claire pero nais nitong puntahan si Lisa kaya naman idinaan na lang namin sya sa kwarto ni Lisa. Naiwan si Claire at si Lisa sa kwarto samantalang dumiretso naman kami ni Mario sa isang kwarto. Hindi pa lubusang nakaka-recover si Mario, at nang antukin sya tinabihan ko sya sa ppagtulog.

Ginising ako ni Mario at niyaya akong sumama sa kanya. Sinundan ko lamang sya. Pasikat na ang araw, nasa garden kami sa roof deck sa isang building. Ang ganda ng hardin. Buhay na buhay ang mga halaman at mga bulaklak. Tumungo kami sa likod kung saan matatanaw ang dagat sa malayo. May kakaibang pakiramdam ang ibinibigay ng tanawin. Nagbibigay ito ng kapanatagan at pag-asa na sa kabila ng mga nangyayari hindi naman nawawala ang ganda ng mundo. Naupo kami sa isang duyan na mahaba. Matagal din naming dinama ang kalikasan, ang hangin, ang paghinga ganoon din ang pintig ng aming puso. Hinawakan ni Mario ang aking kamay pero nanatili syang tahimik at nakatingin sa malayo.

"Ang ganda dito. Paano mo nalaman ang lugar na ito?" tanong ko.

"Dinala na kasi kami dati dito ni Dr. Hidalgo kasama si kuya," sagot nya.

"Salamat!" pahabol nya.

"Salamat saan?" tanong ko.

"Salamat dahil sa iyo muli akong nakabalik dito. Salamat dahil sa iyo mas nagkaroon ako ng rason para mabuhay. Binigyan mo ko ng panibagong buhay Rio, at dahil sa dugo mo mabibigyan mo rin ng pangalawang buhay ang maraming infected," pahayag nya.

“Patawad kung pinagdudahan kita. Naisip ko na ang hirap ng pinagdaanan mo dahil sa virus. At kung gaano mo ito nilalaban para hindi ka matulad sa iba. Kung may nagawa ka man ayun ay dahil tao ka na lalong pinahina ng virus at may ibang nagsamantala sa kahinaan mong ito. Sana mapatawad mo ko,” wika ko.

“Pinatawad na kita. At tapos na iyon. Magaling na ko. Pinagaling mo ko,” sagot nya.

"Hindi naman ito magiging posible kung hindi tayo..." Bigla akong natigil dahil naisip ko ang nangyari kung paano nadiskubre ang cure sa sistema ko. "Kundi dahil sa iyo!" dugtong ko.

"Alam ko kung bakit ka napahinto. Sabihin natin na naging daan ang pagmamahalan natin para mahanap ang lunas. Wala namang mali sa ginawa natin dahil pag-ibig ang nagtulak sa atin para gawin iyon. Hindi libog, hindi awa, at hindi para lang sa katuwaan. At tama kang hindi lang dahil sa iyo, at syempre hindi lang dahil sa akin. Ang totoo, dahil sa ating dalawa. At buong buhay ko itong ipagmamalaki," wika nya.

"Salamat dahil minahal mo ko!" wika ko.

"Mas salamat dahil minahal mo ko kahit naglihim ako sa iyo nang maraming beses!" katwiran nya.

"Salamat dahil hindi ka sumuko!" sagot ko.

"Pareho tayong hindi sumuko. Sa pagmamahal wala namang dapat kompetisyon kung sino ang mas nagbibigay sa hindi, at kung sino ang mas nagmamahal. Ang mahalaga mahal natin ang isa’t isa at ginagawa ang lahat para lamang maipadama ito. Ang pagmamahalan natin ang mag-aayos ng mundo," paliwanag ni Mario.

"Oo na. Mahal kita, Mario!" sambit ko.

"Mahal na mahal kita, Rio!" sagot nya.

"Akala ko ba walang kompetensya?" biro ko.

"That’s how I express my love for you. It should not be an issue unless nasasakal ka na," katwiran nya.

"Hinding-hindi ako masasakal dahil alam kong hindi mo gugustuhin at hahayaan na masaktan ako," sagot ko.

Hinagkan namin ang isa’t isa at tsaka nagtitigan. Inilapat ni Mario ang kanyang labi sa labi ko. Nahinto ito nang makarinig kami ng alarm.

"Ano iyon?" tanong ko.

"Baka kailangan na nating bumaba," sagot ni Mario.

"Tara, baka bumalik na sila Josh," wika ko.

Naglakad kami pabalik sa hagdan nang makasalubong namin si Doc Gio.

"Doc Gio, narinig mo ba ang alarm? Anong nangyayari? tanong ko.

"Hindi ko alam. Sumama muna kayo!" utos nya.

Bumalik kami sa roof deck at lumapit sa hangganan nito. Doon nakita namin ang paparating na grupo nila Josh. Maraming tangke at mga amphibian na sasakyan.

"Hindi nyo ba nakita ’to?" tanong ni Doc Gio.

"Andoon kami sa likod, hindi dito kaya hindi namin sila nakita," sagot ni Mario.

"Kaya tumunog ang alarm dahil dyan. Inabisuhan ko kasi ang nagbabantay na mag-alarm kapag nakita nang papalapit sila Josh," paliwanag ni Doc.

"So what’s the plan? Kailangan nyo ba ang tulong namin?" tanong ni Mario.

"Anong tulong? Hindi ka pa magaling. Lilikas tayo papunta sa walled city. Andito ako para sunduin kayo at makaalis na bago pa nila tayo tuluyang maabutan," paliwanag uli nya.

"Tama. Hindi natin sila kakayanin. Mabuti pa bumaba na tayo. Nasaan sila Magi?" wika ko.

"Inililikas na ang mga camper pasakay sa Bus. Hinihintay na nila tayo, ilang minuto na lang naandito na sila Josh," sagot ni Doc Gio.

"Sige pero kailangan muna nating daanan sila Claire at Lisa. Mauna ka na Doc Gio, susunod na lang kami ni Mario," wika ko.

"Hindi. Sasama na ko sa inyo. Ayaw kong mawala pa kayo sa paningin ko," sagot ni Doc.

Nagmadali kami sa pagbaba at nang makalabas ng gusali, muli kaming nakarinig ng alarm na sinundan ng mga pagsabog.

Camp Virgin (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon