Josh Point of View
Bwiset na Rio na iyan, nalusutan na naman ako. Akala ko ayos na. Akala ko magagamit ko na sya laban kina Mario at kina Doctor Hidalgo pero lumalabas na ako ang nagiging dehado. Kailangan kong puntahan agad si Jeneva, marami akong gustong itanong sa kanya lalo na't nalaman kong nabuhay pa pala ang ama ko at may kapatid pa ko. Oo nga pala, kailangan ko munang puntahan ang lugar na sinasabi ni Reagan para sunduin ang kapatid ko.
"May dadaanan muna tayo. Tutungo tayo sa Barangay Ambon-Ambon para kumuha ng taong makakasama natin sa muling pagsugod," wika ko sa mga tauhan ko.
Maya-maya may narinig akong helicopter na dumaraan. Nanggaling sa research facility, malamang sakay nito sila Rio. Mukhang mauunahan pa nila kami. Siguradong mauuna sila, kung minamalas ka nga naman.
"Bilisan nyo ang pagmamaneho, kailangang may mapala tayo roon," utos ko.
Kahit magmadali kami pagdating namin doon tiyak nakaalis na rin sila Rio at sigurado ako na ang kapatid ko ang binalikan nila doon. Kung di ko magagamit ang kapatid ko para kunin ang loob ng mga tauhan ni Reagan, gagamitin ko ang koneksyon ko sa kanya tutal ako naman ang panganay na anak.
Makalipas ang ilang minuto, nakarinig muli ako ng helicopter. Pabalik na sila Rio sa research facility, malapit na rin kami.
Pagkarating sa Barangay Ambon-Ambon agad nagkumpulan ang mga tao na tila handang dumepensa. Bumaba ako sa sasakyan at hinarap ang mga tao.
"Hayaan nyong ipakilala ko ang aking sarili. Ako si Josh dela Fuente, ang panganay na anak ni Reagan dela Fuente na sa kasawiang palad ay pinatay ng mga kumuha sa kapatid ko."
"Hawig nya nga si pinuno. Para silang pinagbiyak na bunga," wika ng isa.
Nagbulong-bulungan ang mga tao pero may isang nagsalita, "Anong sinasabi mo na patay na ang aming pinuno? Ano ang iyong patunay?"
Tinaas ko ang bandana ni Reagan at sinagot ang nagtanong, "Ito ang tanging nakuha ko sa katawan ni Reagan, may bahid ng dugo mula sa dibdib nya na tinamaan ng bala. Nalulungkot ako na kung kailan kami pinagtagpo agad naman syang nasawi. Kailangan kong ipaghiganti ang aking ama, maniningil tayo!"
Nagsimula nang tumangis ang ilang matandang babae, kapansin-pansin naman ang galit sa mukha ng mga kalalakihan.
"Hustisya para kay Pinuno!" sigaw ng isa na sinundan ng mga tao hanggang sa naging isa na ang kanilang tinig.
"Anong gagawin nila sa kapatid mong si Claire? Pati kay Lisa na mula sa babae sa altar?"
"Malamang pag-eeksperimentuhan. Gaya ng ginawa sa ilang mga kabataan!" sagot ko.
"Kung gayon nasa panganib din si Claire, kailangan natin syang mabawi," wika ng isang babae.
"Ano bang maitutulong namin?" tanong din ng isa.
"Nais ko sanang sumama kayo sa aming hukbo na lulusob sa mga kaaway. Sasama ba kayo?" pahayag ko.
Muling nagbulong-bulungan ang mga tao at muling may nagsalita, "Para kay Pinuno, para kay Claire, sasama kami sa pagkamit ng hustisya!"
"Hustisya para kay Pinuno!" muling sigaw ng mga tao.
"Kung gayon, maghanda na kayo sa ating pag-alis. Kailangan muna nating magtungo sa aming kuta para kumuha ng mga armas at dagdag na tao para sa ikatatagumpay ng ating pagsugod. Maiwan ang mga babae, tanging ang mga lalaki lamang ang sasama. Kayong mga babae, ihanda nyo ang mga pagkain na aming dadalhin," utos ko.
"Paano ang mga babae sa altar?" tanong ng isa.
"Anong mga babae?" tanong ko.
"Iyong mga babaeng nagpapagaling sa amin sa epekto ng virus. Kailangan natin sila para lalong lumakas," sagot ng matandang lalaki.
Napaisip ako, mabuti isama na rin ang mga iyon. "Kung gayon, isama sila!"
Nang makapaghanda ay agad kaming umalis at naglakbay patungo sa aming kuta. Dinala rin nila ang kanilang mga sasakyan at langis. Sa aming paglalakbay nasaksihan ko ang dulot ng mga sinasabi nilang babae na ginagawa nilang parausan ganoondin ang mga halaman na ginagamit nila panlaban sa virus. Namangha ako lalo na sa mga babaeng di pala tinatablan ng virus. Nagkainteres tuloy akong pag-aralan ang mga babaeng ito baka sila na ang sagot sa hinahanap kong cure. Kung sila nga, hindi ko na kakailanganin ang mga campers at sila Dr. Hidalgo.
Mabilis kaming nakarating sa aming kuta at hinarap ako dito ni Jeneva.
"Alam mo bang buhay pa ang ama ko? Bakit di mo sinabing may kapatid ako?" tanong ko.
"Hindi mo naman na kasi kailangang malaman. At ayaw nyang ipaalam. Nagkita ba kayo? Kumusta sila?" sagot ni Jeneva.
"Anong hindi kailangan? Ako pa rin magdedesisyon ng kung anong nakakabuti sa sarili ko. Namatay na si Reagan. Sa harap ko mismo. Wala man lang akong nagawa. Kung alam ko lang, sana naligtas ko pa sya. Yung kapatid ko, andon kina Rio. Hindi ito mangyayari kung hindi kayo naglihim," panunumbat ko.
"Buhay si Claire? Buhay ang kapatid mo?" gulat na wika ni Jeneva.
"Hindi mo alam? Andoon hawak na nila Rio. Kailangan ko ng tao, susugod kami. Malakas ang pakiramdam ko na may bago nang natuklasan si Dr. Hidalgo," dagdag ko.
"Baka di pumayag si Chief. Pero gagawa tayo ng paraan," sagot nya.
"Nagmamadali ako. Alam ko na kapag ginusto mo walang makakapigil sa iyo. Sabihin mo na kailangan namin ng tao para tulungan si Mario sa pagkuha ng syrup at ng mga camper. Kung may malasakit ka sa isa mong anak, gawin mo to. Bago pa mahuli at itakwil ka nya," pahayag ko.
"Oo na. Babalik agad ako," tugon ni Jeneva.
Habang naghihintay, inayos na namin ang mga armas na dadalhin at karagdagang sasakyan. Pinaghanda ko na rin sila Ryken at Des ganoondin si Jean. Kailangan naming manalo sa laban. Kailangan namin makontrol ang paghahanap sa cure, kailangan kong magtagumpay. Ako ang magbabangon sa bansang ito, ako ang kanilang titingalain, at ituturing na bayani.
Maya-maya bumalik na si Jeneva na may dalang magandang balita. Hindi talaga makahindi si Chief sa anak nyang si Mario. Ito ang magiging dahilan ng pagbagsak nya at ito ang aking tatrabauhin pagkatapos kong mapatumba sila Hidalgo, at sila Mario.
BINABASA MO ANG
Camp Virgin (Completed)
Science FictionMarami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili para sa dakilang misyon; ang siguraduhing may susunod na lahi.