Chapter 50 (Ending)

296 10 2
                                    

Rio's Point of View

"Rio, gising na mahal ko. Naandito na tayo sa ating kastilyo!" wika ni Mario.

Agad ko namang idinilat ang aking mga mata. Tumambad sa akin ang isang napakalaki at napakagandang palasyo. Akala ko ba walled city pero bakit iba ang nasa harap ko.

Inalalayan ako ni Mario sa pagbaba nang biglang sumakay muli si Mario sa sasakyan at umalis. Nag-alisan din ang ibang sasakyan. Sinubukan ko silang habulin pero hindi ko magawa. Naiwan akong nag-iisa.

Bumukas ang pintuan ng kastilyo at may lalaking sumalubong sa akin. Nakita ko si Claire sa loob kasama si Reagan. Kaya lumapit na rin ako. Sa aking paglapit, natanaw ko rin si Coach Akie at si Riah. Agad akong tumakbo para lapitan sila. At nang makalagpas sa pintuan, sinalubong ako nila papa at mama. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Parang sasabog ang aking dibdib.

"Rio, anak, ipinagmamalaki ka namin ng Papa mo. Saludong-saludo kami sa iyo. Tuwang-tuwa sa kung paano ka lumaki bilang isang matapang at mapagmahal na tao. Huwag na huwag mong sisihin ang sarili mo. Hindi isang kahinaan ang pagkakaroon ng pusong umaapaw sa pag-ibig. Hindi kahinaan ang magmahal. Ito ang magbibigay sa iyo ng lakas para mapagtagumpayan ang hamon ng buhay. Ito ang iyong magiging sandigan, mapa, at armas. Marami ka pang laban na haharapin pero hanggat nandyan ang pag-ibig sa iyong puso, hanggat hindi mo hinahayaang manaig ang galit at paghihiganti, malalampasan mo ang lahat ng iyan. Magiging mahirap pero dahil sa pag-ibig, dahil sa mga kaibigan mo, kakayanin mo. Tandaan mo, marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili. Isa ka sa mga napili, anak," pahayag ni Mama.

"Anak, nais ko lang malaman mo na ginagabayan ka namin at ng Panginoon. Masaktan ka man hindi ibig sabihin non na pinabayaan ka na namin. Sadyang bahagi lamang ito ng iyong pag-iral sa mundo. Bahagi ito ng pagiging tao. Ang mahalaga natututo at tumitibay ka sa bawat sakit na pinaparanas sa iyo ng mundo. Paalam, magkikita-kita rin tayong muli," wika ni Papa.

Napalingon ako sa likod dahil narinig ko ang boses ni Mario na tinatawag ako. Nawala na sila Mama at Papa, hanggang sa tumama sa mata ko ang nakakasilaw na liwanag.

"Nananaginip ka ata. Naandito na tayo sa walled city. Halos bente kwatro oras tayong bumyahe, sinadya nila Doc Gio na patulugin tayo para makabawi ng lakas," wika ni Mario.

Pagkalabas namin ng sasakyan, napansin ko ang nakakasilaw na ilaw na paikot-ikot. Iginala ko ang aking mata. Para lamang ako nasa isang lungsod. Buhay na buhay ang nagliliwanag na gabi. Iba't ibang kulay at nagtataasang mga gusali. Kapansin-pansin ang mataas na pader sa malayo. Totoo nga nasa walled city na nga kami. Pero napansin ko wala ang mga tao. Hanggang sa tinawag kami ni Dr. Hidalgo at pinapasok sa isang gusali, dinala kami sa silid upang makapaglinis at makapagpalit ng damit. Nang maging presentable, dinala kami sa isang pasilyo na may nakalatag na red carpet. Pinasunod kami ni Dr. Hidalgo, pagpasok namin ay mayroon isang pagtitipon. Ang lawak ng lugar. Ang daming lamesa. Ang dami ring tao. Nakakabingi ang kanilang palakpakan. May lumapit na lalaki sa akin at nakipagkamay. Namumukhaan ko sya.

"Rio, ako nga pala si Secretary Alfred David, sa wakas nagkita na rin tayo," wika nya.

Ngumiti lamang ako. Nakita ko naman ang ibang camper na pinaupo na. Hinanap ko sila Mario at Magi. Gusto ko sana sila puntahan pero dinala ako ni Sec. Alfred malapit sa entablado. Katabi ko si Dr. Hidalgo.

"Ikinagagalak kong ipakilala sa inyo, ang resulta ng ating pag-aaral. Ang natatangi sa lahat ng pinili. Ang pinakahihintay nating lunas ay dumating na! Bigyan natin ng palakpakan si Rain Iris Oliver!" wika ni Sec. Alfred, nahalata ko ang pagkabigla sa mukha ni Dr. Hidalgo. Miski sya nagulat sa binigkas ni Sec. Alfred.

Dumagundong ang nakabibinging palakpakan, may mga naghagis pa ng bulaklak. Ang iba nama'y parang naiiyak sa tuwa. Lumapit si Sec. Alfred at sinundo ako.

"Baka maaari kang magbigay ng maikling mensahe?" pakiusap nya.

Hindi ko alam ang gagawin ko. Bigla akong kinabahan. Hinanap ng mata ko si Mario at nakita ko syang nakatingin sa akin at pinapalakas ang loob ko. Yumuko ako sandali at itinaas ang noo tsaka nagsalita.

"Sa totoo lang, hindi ko alam ang sasabihin ko. Pero kung mayroon man akong nais iparating sa inyo siguro puro isang katanungan: Bakit ngayon lang namin kayo naramdaman? Ganoon pa man, naandito kami sa harapan nyo bilang isang patunay na habang komportable kayo, naroon kami sa malayo at nagbubuwis ng buhay. Pero

Kinaya namin. Naririto ako kasama ang aking mga kaibigan na nananatiling nakatayo sa kabila ng hirap na pinagdaanan. Marami nga ang tinawag, at marahil kasama kayo sa mga iyon, ngunit kaunti lang kaming mga pinili. At ito, ang pinagkaiba namin sa inyo."

Tumalikod ako at iniwan ang entablado. Naging tahimik ng ilang saglit pero nang magsalita si Sec. Alfred muling nagpalakpakan ang mga tao. Dumiretso na ako kina Mario.

"Ang galing mo, Mahal ko! Proud na proud ako sa iyo!" wika nya.

"Ang galing mo sis, kilalang-kilala ka na nila!" puri ni Magi.

"Guys, sa totoo lang hindi ko nagugustuhan ang nangyayari," sagot ko.

Tumahimik sila at nagsimula na kami sa pagkain. Nakatingin ang mga mata nila sa akin. Ako naman, hinanap ko si Doc Gio. Gusto kong tanungin kung nasaan sila Xander. Hindi naman ako nabigo dahil nakita ko sya sa isang sulok. Nagpaalam ako saglit at tinungo si Doc.

"Doc, bakit naandirito ka?" tanong ko.

"May hinihintay lang," sagot nya.

"Sila Xander ba? Nasaan na sila?" tanong ko.

"Rio, may aaminin ako sa iyo. Hindi na sila makakapunta dito. Wala na sila," sagot ni Doc Gio.

"Anong sinasabi mo? Di ba naandito ang mga nadakip na camper? Imposible naman na hindi sila nakasama," wika ko.

"Napatay sila nila Chief Theo. Ayan ang sabi sa akin nila Lt. Malon. Rio, ayaw ko rin maniwala pero kung buhay pa sila sana naandito sila ngayon," wika ni Doc.

"Bakit nakita mo na ba ang bangkay nila? Hindi ako maniniwala hanggat hindi nakikita ng mga mata ko!"

Umalis ako at lumabas. May nakita akong malapit na parke at doon ako nagtungo. Naupo ako at hindi napigilang umiyak. Bakit kailangan paulit-ulit akong saktan? Bakit kailangan kong maramdaman ang mga ito?

Patuloy lamang ako sa pagluha nang naramdaman kong may yumakap sa akin, si Mario.

"Mahal, patawad kung hindi ko agad nasabi. Hindi rin ako naniwala noong una. At hanggang ngayon iniisip ko na andyan lamang sila. Nagsasaya sa tabi-tabi. Pero mahal, kailangan natin tanggapin. At magandang isipin na huwag natin isawalang-bahala ang kanilang pagsasakripisyo. Mahal, paulit-ulit ka mang saktan ng mundo. Lagi lang ako naandirito sa tabi mo para ibigay ang isang mahigpit na yakap," pahayag ni Mario.

"Mahal, maraming salamat. May kakaiba sa bawat salitang binibitawan mo. Kahit papaano napapagaan ang pakiramdam ko. Salamat!" wika ko na pinipilit na tanggapin ang kinahinatnan ng mga kaibigan ko. Sa ngayon, parang ayaw ko munang isipin ang totoo, ayaw ko munang isipin na wala na sila.

"Salamat din. Naalala ko ang sinabi sa atin, marami ang tinawag ngunit kaunti ang pinili. Walang duda na ikaw ang napili. Pero alam mo kung saan pa ko bumilib? Pinili ka pero tinanggap mo ang hamon. Hindi mo iniwasan. Kung iba ang pinili malamang tumakbo na sila pero ikaw hindi. Kaya salamat! At salamat din sa pagpili sa akin!" pahayag ni Mario.

"Araw-araw kitang pipiliin, mahal ko gaya ng araw-araw mong pagpili sa akin!" sagot ko.

Nakayakap sa akin si Mario nang may narinig kaming boses. Hinanap ko kung saan ito nanggaling nang ilabas ni Mario ang isang satellite phone.

Nawala na ang boses. Nagulat kami nang bigla namang sumulpot sila Magi at Elio.

"Kayo ha, nagmo-moment kayo dito. Sama naman kami. Miss namin kayong kasama!" wika ni Magi.

Hinayaan naming tumabi sa amin sila Magi at Elio. Sakto biglang nagkaroon ng fireworks. Magkakasama naming pinanood ang naggagandahang pailaw sa langit. Sa sandaling panahon, kinalimutan muna namin ang problema at hinayaang maramdaman ang kapahingahan sa bawat isa.

Maya-maya muling tumunog ang satellite phone na nakita namin ni Mario.

"Mario! This is Doctor Kelly. This is Doctor Kelly. This is confidential. You are not safe there. Be vigilant. You are not safe there. Be vi..." 

Camp Virgin (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon