Rio's Point of View
Nagising ako sa isang bus na nakasarado ang bintana kaya hindi ko makita ang nasa labas. Napansin kong may mga kasama rin ako pero hindi masyadong makita ang mga mukha dahil medyo madilim. Maya-maya naramdaman kong huminto ang bus, bumukas ang ilaw at may boses na nagsalita.
"Gumising ang lahat. Gumising ang lahat."
Nagising nga ang iba kaya nagpatuloy ang nagsasalita.
"Ligtas na kayo sa anomang panganib. Pagkababa ninyo ng bus na ito kayo ay ihahatid sa isang gymnasium kung saan pormal kayong sasalubungin ng mga namamahala ng Camp. Doon ay ipapaalam din sa inyo ang buhay na naghihintay sa Camp at ang mga bagay na dapat nyo pang malaman. Ngayon pa lamang sasabihin ko na sa inyong hindi kayo maaaring tumanggi lalo na't utang na loob nyo sa amin ang inyong kaligtasan. Bubukas ang pinto pagkatapos ng limang segundo. Paalam."
Pagkawala ng boses may countdown timer at pagkatapos ay bumukas nga ang pinto.
Agad kaming sinalubong ng mga lalaking may takip ang ilong at bibig gaya ng lalaking nagligtas sa akin. Pinakiramdaman ko ang aking paa na nawala na ang kirot. Lumakad na ko papalabas at sinubukang hanapin ang lalaking nagligtas sa akin para magpasalamat ngunit nabigo ako.
Habang naglalakad pinagmasdan ko ang paligid. Maraming gusali pero hindi ganoon katataas gaya ng mga gusali sa lungsod. Marami ring puno at tanaw na tanaw ang bundok sa may bandang silangan. Biglang may humawak sa balikat ko na aking kinagulat. Isang lalaki. Inilayo ko ang kamay, sabay iniikot at nilagay sa likod nito.
"Gawin mo pa ulit sa akin yun, tutuluyan ko nang baliin ang mga braso mo," pagbabanta ko sa lalaki.
Nakuha ko ang atensyon ng mga lalaking nakamaskara kaya agad kaming inawat.
"Pakawalan mo na sya. Hindi kayo magkakaaway dito sa camp. Lahat kayo'y magkakakampi. Lahat tayo," sabi ng lalaking nakamaskara na pamilyar ang boses.
Pinakawalan ko ang lalaki at pinagmasdan ang paglayo nito na masama ang tingin sa akin. Nagsalita ako ng malakas, "Ayaw ko kasing bigla-bigla akong hinahawakan, kaya sa susunod na may humawak sa akin alam nyo na ang mangyayari sa inyo!" sagot ko na nagbabanta sa mga lalaking nakapaligid.
Biglang may bumulong, "Bakit hindi mo naman ginawa sa akin iyan nung hinawakan ko ang kamay mo?"
Pamilyar sa akin ang boses kaya hinanap ko sa likod kung sino ang nagsalita. Nakita ko ang lalaking nakamaskarang umawat kanina. Pasimple ko siyang tinabihan at inamoy.
"Mauna ka sa paglalakad," sabi ng lalaking nakamaskara pero hindi ko sya sinunod.
"Tama ako. Ikaw, ikaw yung nagligtas sa akin. Si Papa lang ang lalaking pinagkakatiwalaan ko at no'ng iligtas mo ko, naisip kong kailangang matutuhan ko na ring magtiwala sa iba dahil wala na si papa. At sa'yo ko unang binigay ang pagtitiwala na yun," paliwanag ko sa kanya pero wala man lang syang sinabi.
BINABASA MO ANG
Camp Virgin (Completed)
Science FictionMarami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili para sa dakilang misyon; ang siguraduhing may susunod na lahi.