Chapter 7.2

2.8K 71 0
                                    

MAINGAT ang mga hakbang ni Raine patungo sa isang pinto ng bahay na patungo sa pool area. Inayos niya ang cap na nasa ulo para mas lalong maitago ang mukha. Nakasuot lamang siya ng pink shirt, dark blue jeans at Pony sneakers. May dala rin siyang maliit na backpack na kinalalagyan ng dress at sandals na balak niyang isuot mamaya sa pupuntahang club.

Pasado ala-una na ng madaling araw at sigurado siya na tulog na ang mga tao sa bahay na iyon. Plano niyang tumakas ng ilang oras dahil nakatanggap siya ng mensahe sa isang kaibigan na may maganda daw event sa club na pupuntahan. Ngayon nga ay nasa labas na ang kaibigang iyon at hinihintay na lamang siyang makalabas. Hindi niya magagamit ang sariling sasakyan dahil na kay Riley ang susi niyon.

Nakalampas na si Raine ng pool area nang makita niya ang isang bulto ng katawan na nasa harapan. Her heart leapt to her throat when she realized that it was her bodyguard. Nakasuot ito ng simpleng white shirt at sleeping trousers, nasa mukha ang pinipigil na galit dahil sa tangkang pagtakas niya na naman.

Tumayo ng tuwid si Raine at iniiwas ang tingin kay Riley. Hindi niya magawang paniwalaan na nahuli na naman siya nito. Natutulog ba talaga ang lalaking ito? Bakit ba hindi niya magawang matakasan ito?

"N-Naglalakad-lakad lang ako," pagdadahilan niya sa mahinang tinig.

Pinasadahan nito ng tingin ang kabuuan niya. "Sa ganyang ayos?" tanong nito. "Tatakas ka na naman, tama?"

"Hindi," ini-iling niya pa ang ulo. "P-Paano naman ako tatakas? Nasa'yo ang susi ng kotse ko, di ba?"

"Huwag ka nang magsinungaling," ani pa ng lalaki. "Tinawagan ako ng guard sa labas kanina, may naghihintay daw na sasakyan doon para sa'yo. Pinasabi ko na hindi ka makakasama."

Pinanlakihan niya ito ng mga mata. "Bakit mo ginawa iyon?" muli na namang napuno ng inis ang puso niya. "Napakasama mo talaga!" pagkasabi niyon ay mabilis na siyang tumakbo para makatakas sa lalaki.

Subalit agad din naman siyang nahuli ni Riley at balewalang binuhat na parang isang sakong bigas sa balikat nito.

Napasigaw si Raine at pinagpupukpok ang likod ng lalaki. "Pakawalan mo ako!" she wriggled on his shoulders, pero dahil malakas ang lalaki ay hindi man lang niya nagawang maigalaw ng ayos ang katawan. "Pagbigyan mo na naman ako kahit na ilang oras lang," pagmamakaawa niya na. "Hindi naman masasama ang mga kaibigan kong iyon."

"Madaling-araw na, Ms. Garcia," ani Riley habang naglalakad pabalik sa pool area. "Dapat ay nagpapahinga ka na at hindi tumatakas ng ganito."

Muling pinilit ni Raine na magpumiglas, hindi rin tinatantanan ng mga kamay niya ang pagpukpok sa lalaki. "Tumakas ako dahil ayaw kitang kasama. Ibaba mo ako! Ibaba mo ako!" nagpatuloy lamang siya sa pagpupumiglas at pagsigaw.

"Huwag kang sumigaw ng sumigaw dahil marami na ang natutulog," utos pa ng lalaki.

"Hindi ako titigil kung hindi mo ako ibaba," sagot niya.

Tumigil sa paghakbang si Riley. "Sige, kung 'yan ang gusto mo."

Ganoon na lang ang pagkagulat ni Raine nang bigla siyang itapon ng lalaki sa swimming pool na naroroon. She gasped once her head was out of the water. Nanlilisik ang mga matang tiningnan niya ang bodyguard na nakatayo lamang at walang pakialam sa ginawa.

"You bastard!" malakas na sigaw ni Raine. "How could you—" she shivered because of the cold water. Mabilis siyang lumangoy patungo sa hagdan ng pool. Medyo nahirapan pa siyang umahon dahil sa bigat ng backpack na nasa likod. "Damn you," mahinang mura niya pa.

Napatingin siya sa pintong malapit sa pool area at nakita ang nag-aalalang mukha ni Manang Mylene. Mukhang nagising ito dahil sa ingay na ginagawa nila. Mabilis na lumapit ang yaya sa isa sa mga benches na naroroon para kunin ang isang roba.

Nang makalapit sa kanya si Manang Mylene ay agad nitong kinuha ang backpack para ipasuot sa kanya ang roba. Patuloy pa rin sa panginginig dahil sa lamig si Raine. Hindi pa rin magawang paniwalaan na nagawa siyang itapon ng walang modong bodyguard na iyon.

"Pagbabayaran mo ang lahat ng ito!" sigaw niya pa sa lalaki. Akmang susugurin ito ni Raine pero napigilan na siya ng yaya. "Akala mo kung sino kang, estatuwa ka! Huwag na huwag kang magpapa—" she sneezed.

Hindi na nagawang makapagsalita ni Raine nang ayain na siya ni Manang Mylene na pumasok sa loob at magpalit ng damit. Habang paakyat sa sariling kuwarto ay hiniling niya sa yaya na pagalitan ang bodyguard na iyon. Tumango na lang ito habang tinatapik-tapik ang kanyang likod.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon