Chapter 15.3

2.8K 70 0
                                    

KINAMAYAN ni Raine ang ilan sa mga guests na lumapit sa kanya matapos ang fashion show ng kanilang kompanya. Halos lahat ay bumati at nagparating ng magagandang komento patungkol sa kanyang mga designs na napasama sa show. Pinasalamatan niya naman ang lahat ng mga ito.

Hindi pa rin mawala-wala ang ngiti sa kanyang mga labi hanggang sa makalapit sa kinatatayuan ng bodyguard na si Riley. Kitang-kita sa mga mata ng lalaki ang kasiyahan habang nakatingin sa kanya.

"Congratulations," sambit nito.

Mas lalong nadagdagan ang kasiyahang nararamdaman ni Raine dahil sa nahihimigang pagmamalaki sa tinig ng lalaki. Inabot niya ang isang kamay nito. "Let's go outside," pag-aya niya.

"Hindi ba at may after-party pa kayo ng mga kasamahan mo?" nagtatakang tanong ni Riley.

"Nagpaalam na ako sa kanila kanina na hindi ako sasama sa party," tugon niya. "Gusto ko sanang maglakad-lakad na lang sa labas."

Tumango-tango naman si Riley at sumunod na lang sa kanya nang hilahin niya ito palabas ng lugar na pinagdausan ng show.

Malalim na ang gabi at kakaunti na rin ang mga tao sa daan. Tahimik lang silang naglakad-lakad, hindi pa rin binibitawan ni Raine ang kamay ng lalaki. She looked at Riley when he suddenly intertwined his fingers to hers. Napangiti siya sa hindi malamang rason.

Higit pa niyang idinikit ang katawan sa lalaki. She shivered at the feel of his warmth.

"Nilalamig ka na ba?" nag-aalalang tanong ni Riley. Marahan nitong binitawan ang kamay niya para hubarin ang suot nitong black coat at ipasuot sa kanya. Pagkatapos niyon ay muli nitong pinagsiklop ang kanilang mga kamay.

Sobrang lakas pa rin ng pintig ng puso ni Raine. Hindi siya madalas makaramdam ng ganitong klase ng kapayapaan sa puso. Pakiramdam niya ay nais niya na lamang hawakan ang kamay ng lalaking ito habang-buhay. Unti-unti na siyang nakakaramdam ng takot sa kakaibang damdamin na itong pinupukaw ng lalaki subalit hindi niya itatanggi na gusto niya ito.

"Hindi pa rin ako makapaniwala na nagustuhan ng mga guests ang designs ko," basag ni Raine sa ilang sandaling katahimikan. "Newbie palang ako sa fashion show na 'yon kaya sobra-sobra ang kaba ko."

"Pero naging maayos naman ang lahat," ani Riley. "At napakaganda rin ng mga designs mo kahit na puro pambabae ang mga 'yon."

Napatawa na si Raine. "One day, I'll design some men's wear. At gusto kong ikaw ang unang magsusuot niyon."

Tumingin sa kanya ang lalaki. "Gusto mong mag-model din ako sa isang fashion show."

"Well," kumikislap ang mga matang sinalubong niya ang tingin nito. "You look more of a model than a bodyguard. Bakit hindi mo i-try?"

Napailing si Riley, nasa mukha ang disgusto. "Mas gusto ko ang trabahong 'to."

Malawak na napangiti si Raine. Gusto niya rin naman na manatili ang lalaki sa trabaho nito at manatili sa tabi niya. Dati-rati ay nais niyang paalisin ang lalaki sa buhay subalit tila biglang nag-iba na ang inog ng mundo.

Tumigil na silang dalawa sa paglalakad at naupo sa isang bench na malapit. Hindi pa rin magawang bitawan ni Raine ang kamay ng lalaki.

Tumikhim si Riley. "Uuwi nga pala ako ng Cagayan ngayong darating na weekend. Noong isang buwan ko pa nahingi ang break na ito sa Papa mo, ngayon ko lang nasabi sa'yo."

Gulat na napatingin si Raine sa lalaki. "B-Break? Ngayong weekend? B-Bakit?" Hindi niya nagawang pigilan ang lungkot na bumalot sa puso sa kaalamang aalis ang lalaki at iiwanan siya. At ngayon lang nito sinabi kung kailan ilang araw na lang ay Sabado na.

Bumuntong-hininga si Riley. "Kaarawan ng ama ko sa darating na Sabado," tugon nito. "Hiniling ni Itay na umuwi man lang ako sandali dahil nais niyang mag-celebrate kasama ang lahat ng anak."

Iniyuko ni Raine ang ulo. There was a pang of disappointment in her heart at that moment, lalo na nang maalala ang sinabi ng lalaki na noong isang buwan pa iyon plano. Bakit hindi man lang ipinaalam kaagad iyon ng binata sa kanya?

"Kailan ka babalik?" tanong niya sa mahinang tinig.

"Lunes siguro ng umaga ay nandito na ako," sagot nito. "Kailangan kong makabalik agad dahil may trabaho ka."

Hindi pa rin nawawala ang inis na nararamdaman ni Raine. Hindi niya alam kung ano ang gagawin sa weekend kung sakaling wala ito. "Paano kung pumunta ako sa clubs at bars sa mga araw na wala ka?" naisipan niyang ipanakot dito.

Mahinang tumawa si Riley. "Sa loob lang naman ng dalawang araw 'yon. Hindi mo ba nami-miss ang pagpunta sa clubs? Dapat masaya ka na dahil hindi mo ako kasama doon."

Marahas na binawi ni Raine ang kamay sa pagkakahawak nito bago naiinis na tumayo. She glared at him. "Gagawa ako ng gulo sa mga araw na 'yon," pagbabanta niya pa bago nag-walk-out sa binata. Hindi niya na rin pinansin ang pagtawag nito.

Punong-puno pa rin ng pagkainis ang kanyang puso hanggang sa makarating sa kinapaparadahan ng sariling sasakyan. Gusto niyang pagalitan ang sarili dahil sa inaakto. She was being unreasonable. Hindi ba dapat nga ay maging masaya siya dahil sa pag-alis ng lalaki? Hindi ba at gustong-gusto niya noon na magkaroon ng pagkakataon na lumabas ng walang kasamang bodyguard? Subalit bakit nagmumukmok siya ngayon sa kaalamang iiwanan siya ng lalaki sa mga araw na iyon?

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon