Chapter 25.2

2.7K 59 0
                                    

INIHILIG ni Raine ang ulo sa balikat ni Riley habang nakaupo sila sa isa sa mga benches na nasa loob ng greenhouse. Malalim na ang gabi subalit naririto pa rin sila at nagpapahangin. Ang tanging liwanag lamang doon ay nagmumula sa mga poste ng ilaw na nasa paligid.

Inabot ni Riley ang isa niyang kamay para pagsiklupin ang kanilang mga palad. "Ano na ang gusto mong sabihin?" basag nito sa katahimikan.

Humugot muna ng malalim na hininga si Raine bago sinimulang i-kuwento sa nobyo ang napag-usapan nila ng ama kanina sa hapunan. Tumingin siya sa lalaki nang matapos.

"Australia," tumango-tango si Riley.

"May bahay kami sa Australia," imporma pa niya. Sinabi niya sa lalaki ang eksaktong address ng natatandaan niyang bahay nila sa Sydney, Australia. "Bata pa ako noong huli akong makatungtong doon. Noong buhay pa si Kuya at nagbakasyon kaming pamilya. Sa pagkakaalam ko rin ay malaki ang branch ng Garcia Organization doon at nais sanang ipahawak kay Kuya Steve noon."

Nakatitig lamang sa kanya ang lalaki habang nakikinig.

Ipinatong ni Raine ang baba sa balikat nito. Ilang dangkal na lamang ang layo ng mukha nila sa isa't isa. "Ayos lang ba sa'yo na sumama ako sa kanila para mamasyal?" tanong niya.

Ngumiti si Riley at kinintalan ng mabilis na halik ang tungki ng kanyang ilong. "Tatlong araw lang naman 'yon, 'di ba?" his warm breath fanning on her face.

Tumango siya.

"Walang problema sa akin 'yon," sagot ni Riley. "Ito na ang pagkakataong hinihintay mo para maayos ang relasyon mo sa kanila. Dapat ay gumawa ka ng maraming moments ninyo sa lugar na 'yon at ipakita mo kung gaano ka kabuting anak. Siguradong pagbalik n'yo dito ay magkasundo na kayong lahat."

Napangiti si Raine sa sinabi ng nobyo. Hinihiling niya na sana ay ganoon nga ang mangyari. Sana ay pagbigyan naman siya ng mga magulang na maipakita kung gaano niya kagustong maging isang mabuting anak sa mga ito.

"Three days," she uttered. Isinubsob niya ang mukha sa leeg ng nobyo. Apat na araw na lang ay Sabado na. Nais niyang magbaon ng mabangong amoy ni Riley hanggang sa makakaya. "I want to make love to you until Saturday," biro niya pa.

Malakas na napatawa si Riley. "Baka hindi ka na makalakad kapag ginawa natin 'yon ng walang tigil hanggang Sabado," binitawan nito ang kanyang kamay para yakapin siya ng mahigpit. "But I'll surely miss you."

Napaungol si Raine at ginantihan ang yakap ng lalaki. Tuluyan na siyang naupo sa kandungan nito. "I'll miss you too... so much," pag-amin niya. "Basta 'wag kang titingin sa ibang babae sa loob ng mga araw na wala ako, ha?" paalala niya pa.

"Hindi ko gagawin 'yon," seryosong tugon ni Riley. "At ganoon ka rin dapat. Maraming guwapong lalaki sa Australia, 'wag kang titingin sa kanila."

Sunod-sunod ang ginawang pagtango ni Raine. "Wala nang mas guguwapo pa sa bodyguard ko."

Tumawa na lamang si Riley. Mahabang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila. Nakatitig lamang silang dalawa sa mga mata ng isa't isa, tila nag-uusap sa pamamagitan niyon ang kanilang mga puso. Hindi alam ni Raine pero pakiramdam niya ay parang ayaw niya nang umalis.

Para bang napakahaba ng tatlong araw na iyon at hindi niya alam kung makakatagal siya sa pangungulila sa nobyo. Subalit hindi naman maaaring palampasin niya ang pagkakataon na magkaroon ng maayos na relasyon sa mga magulang. Three days. Kailangan niya lang magtiis sa loob ng tatlong araw. Kapalit niyon ay ang kaayusan ng buhay na matagal nang pinapangarap.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon