Chapter 10.1

3K 63 0
                                    

TANGO lamang at ngiti ang isinasagot ni Raine sa lahat ng mga bumabati sa kanya sa loob ng isang company event ng Garcia Organization. Kanina pa siyang bagot na bagot sa lugar na ito. Pasado alas-otso na ng gabi subalit napakarami pa ring tao ang naroroon.

Napilitan lang naman si Raine na dumalo sa formal event na iyon dahil sa utos ng ama na kararating lamang galing sa New York ilang araw ang nakalipas. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangang isama pa siya sa event na ito gayong wala naman siyang gagawin doon kundi ang tumayo habang abala ang mga magulang sa pakikipag-usap sa kung kani-kanino na malalaking personalidad sa corporate world.

Ipinatong niya sa nadaanang table ang wine glass na hawak bago nilapitan ang bodyguard na si Riley. Kanina pa lang din itong nakatayo doon. "Kumain ka na ba?" tanong niya sa lalaki.

Tumingin ito sa kanya. "Hindi kami maaaring sumabay sa pagkain ng mga tao sa ganitong event," sagot nito. "Mamaya na lang ako maghahapunan pag-uwi."

Lumabi si Raine. "Dapat kumain ka ng kahit na ano, kahit iyong mga finger foods lang," pangungulit niya pa. Hindi siya makapaniwala na nagpapalipas ito ng gutom dahil sa trabaho nito.

Simula nang araw makabalik sila dito sa Manila galing Batangas ay nagbago na rin ang pakikitungo ni Raine sa bodyguard. Hindi niya na ito pinahihirapan katulad noon. Naisip niya na hindi naman pala ganoon kasama na may sumusunod at nagbabantay sa kanya. Unti-unti na siguro siyang nasasanay.

Gumuhit ang isang ngiti sa mga labi ni Riley. "Ayos lang ako," tugon nito.

Hindi na naman napigilan ni Raine ang pagtalon ng sariling puso dahil sa ngiti ng lalaki. Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga masanay-sanay ang puso niya sa ngiting iyon.

Sabay pa silang napatingin sa tabi nang makita ang paglapit doon ng isang babae.

"Riley?" tila hindi makapaniwalang banggit ng babae sa pangalan ng bodyguard.

Kumunot ang noo ni Raine. Paano nito nakilala si Riley? Pinagmasdan niya ang babaeng iyon. Nakasuot ito ng isang light brown dress na hanggang tuhod ang haba. Maganda ito at matangkad na parang isang modelo.

Lumapit pa ng husto ang babae kay Riley at pabirong hinampas ang dibdib ng lalaki. "Hindi ako makapaniwala na makikita kita dito. Bigla ka na lang naglaho nang sabihin ko sa'yo na gusto kita," malungkot pa itong napalabi. "Bakit hindi mo man lang ako binibisita sa pad ko? Narito ka lang pala sa Manila."

Inilipat ni Raine ang tingin sa bodyguard. May relasyon ba ito sa babaeng ito? Hindi ba at sinabi nitong wala itong girlfriend o asawa noong nasa biyahe sila papuntang Batangas?

Tumikhim si Riley. "Hindi ako bumibisita dahil hindi kita gusto," malamig na tugon nito. "Sinabi ko na sa'yo 'yon noon."

Hindi napigilan ni Raine ang mamangha sa sagot na iyon ng binata. Gusto niyang matawa sa kinatatayuan ng mga oras na iyon, lalo na sa nakikitang pagkapahiya sa mukha ng babaeng naroroon.

Ipinaikot ng babae ang mga mata. "You're still as cold as ever," inirapan pa nito si Riley bago nagmamartsang lumakad palayo sa kanila.

Mariing kinagat ni Raine ang pang-ibabang labi para pigilan ang sariling mapatawa o mapangiti man lang. Nang tingnan siya ni Riley ay nakakunot na ang noo ng lalaki.

Umiling na lang siya at ikinawit ang mga kamay sa braso nito. "I wanna go home," sabi niya na lang. Hindi niya gustong magtagal pa sa lugar na ito at hayaang may ilan pang babae na makapansin sa bodyguard. Hindi alam ni Raine kung bakit nagiging possessive na siya ngayon sa lalaki. Hindi niya na rin muna nais alamin.

Mas lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Riley. "Ayos lang ba na umuwi ka na. Hindi ka ba muna magpapaalam sa mga magulang mo?"

Ini-iling niya ang ulo. "Hindi na kailangan. Hindi rin naman nila ako papansinin. Sapat na siguro ang makitang dumalo ang natitirang anak nina Raymart at Lucy Garcia sa event na ito ng kompanya."

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon