Chapter 28.3

2.9K 70 5
                                    

A WHOLE week had passed since Riley left Australia and it was pure agony for Raine. Sa loob ng panahong iyon ay nag-iisip siya ng mga paraang maaaring gawin upang matapos na ang paghihirap na ito subalit halos lahat ay imposible maliban sa isang bagay.

Hinahaplos ni Raine ang bracelet na nasa kamay nang makarinig ng pagkatok mula sa pinto ng kuwarto. Nang bumukas iyon ay pumasok ang isa sa mga katulong para itanong kung nais niya na ba raw mananghalian.

"Mamaya na," tugon niya. Akmang lalabas na uli ang katulong nang muling tawagin ni Raine. "Nandito ba sina Papa at Mama?" tanong pa niya.

"Kanina pa pong umaga nakaalis si Sir Raymart," sagot ng katulong. "Si Ma'am Lucy naman po ay nasa kuwarto nila."

Tumango na lamang si Raine at nagpasalamat. Nang muling mapag-isa ay ilang sandali siyang nahulog sa malalim na pag-iisip. Ang tanging magagawa niya na lang ngayon ay kausapin ang mga magulang, humingi ng kapatawaran kung kailangan at magmakaawa na hayaan na lamang siyang bumalik sa Pilipinas para makasama si Riley. Kung hindi niya gagawin ito ngayon ay mawawalan na talaga siya ng pag-asa.

Hinakot niya ang lahat ng lakas ng loob para tumayo at tumungo sa kuwarto ng mga magulang. Kumatok muna si Raine ng ilang beses bago binuksan ang pinto ng silid. Agad niyang nakita si Mama Lucy na nakaupo sa gilid ng kama habang may binabasa sa hawak na folder.

Mukhang nagulat pa ang ina sa hindi inaasahang pagkakita sa kanya. Lumakad siya palapit dito, puno ng pag-aalangan at kaba ang puso.

Ibinaba ni Mama Lucy ang hawak na folder sa kama. "May kailangan ka ba sa akin?" tanong nito.

Humugot muna ng malalim na hininga si Raine bago sumagot, hinihiling na sana ay pakinggan siya ng ina. "M-May gusto sana akong... h-hilingin sa inyo, Mama," lakas-loob na wika niya. Ni minsan ay hindi siya humiling ng kahit na ano sa mga magulang maski na simpleng laruan noong bata pa, ngayon lamang.

Tumingin sa kanya ang ina, may pagtatanong na sa mga mata.

Kinagat ni Raine ang pang-ibabang labi para pigilan ang nagbabantang mga luha at makapagpatuloy. "H-Hirap na hirap na ako, 'Ma. Hanggang kailan n'yo pa ba ako balak pahirapan ng ganito?" hindi niya na napigilan ang mapahikbi. "H-Hindi ko kayo maintindihan. Ganoon na ba talaga ang galit n'yo sa akin kaya pinahihirapan n'yo ako ng ganito?"

Iniiwas ni Mama Lucy ang tingin sa kanya, may pagkabalisa nang bumahid sa mukha nito.

Pinunasan ni Raine ang mga luhang naglandas sa mukha. "A-Alam n'yo ba kung ano ang mga bagay na hindi ko naranasan simula nang mawala si Kuya?" Wala na siyang pakialam sa sasabihin nito, nais niyang malaman ng magulang ang lahat ng nararamdaman. "Iyon ay ang kasiyahan, pagmamahal at atensyon na siya lang ang nakapagbigay noong bata pa ako. Napakasakit sa akin ng pagkawala n'ya dahil nawala rin ang lahat ng 'yon.

"Nagrebelde ako sa inyo, oo," dugtong niya. "At humihingi ako ng kapatawaran sa lahat ng pagkakamali ko noon. G-Gusto ko lang naman ng atensyon... pero... pero nalaman ko na wala rin akong mapapala sa mga ginagawa kong 'yon. Kung hindi n'yo talaga ako magagawang mahalin bilang isang anak ay wala na akong magagawa. Tatanggapin ko 'yon. P-Pero... ang hindi ko matatanggap ay ang alisin n'yo ang taong nakakapagbigay sa akin ng kasiyahan at pagmamahal na matagal ko nang inaasam."

Naupo si Raine sa gilid ng kama at inabot ang kamay ng ina para hawakan iyon ng buong higpit. "N-Nagmamakaawa ako sa inyo, g-gusto ko lang naman pong makasama si Riley. A-Ayos lang kung itakwil n'yo ako," napahagulhol na siya. "Siya lang ang taong nais kong makasama habang-buhay. Please, 'Ma, please... ayoko nang patuloy na masaktan ng ganito."

Hindi pa rin tumitingin sa kanya si Mama Lucy, subalit nararamdaman ni Raine ang panginginig ng katawan nito. "Hindi ako ang nagdesisyon na pumunta tayo dito, Raine," sa wakas ay wika na ng ina. "Pinilit kong pigilan si Raymart pero wala pa ring nangyari."

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon