Chapter 4.2

3.2K 91 0
                                    

BUMUNTONG-HININGA si Raine habang pinagmamasdan ang mural na hindi matapos-tapos. Ibinalik niya na lamang sa mesang naroroon ang palette at brush bago umupo sa ibabaw ng kama. Isang linggo na rin siyang hindi nakakalabas ng bahay na ito. Lumalabas lang siya ng kuwarto kapag nagugutom na at kakaing mag-isa dahil hindi niya gustong makaharap ang mga magulang.

Inabot niya ang isang libro na nasa ibabaw ng unan at binuklat iyon sa page kung saan huli siyang tumigil. Napatigil siya sa pagbabasa nang makita ang pagbukas ng pinto ng kuwarto.

Agad na umusbong ang inis sa puso niya nang makita ang pagpasok ng bodyguard na si Riley.

"Anong ginagawa mo dito?" mataray na tanong niya at inilapag ang libro sa kama.

Iginala ng lalaki ang paningin sa buong kuwarto. Nakasuot ito ng black suit na tulad noon ay wala ring necktie. Iyon siguro ang uniporme nito sa pagba-bodyguard o iyon lang ang suit na pag-aari.

"Sinisiguro ko lang na narito ka," tugon nito sa seryosong tinig. Maging ang mukha nito ay seryoso pa rin, ang pagkakatindig ay parang isang propesyonal na bodyguard talaga. Subalit para kay Raine ay isa itong estatuwa – her statue bodyguard.

Tiningnan niya ito ng masama. "Sa tingin mo ba ay makakatakas ako? Kahit libutin mo pa ang buong kuwarto ay wala akong puwedeng takasan, maliban na lang kung tumalon ako sa bintana," pagtataray niya pa.

Sumulyap si Riley sa nag-iisang bintana na naroroon. "Posible rin 'yon," anito.

Naiinis na tumayo si Raine at humalukipkip. "Jerk," she muttered. Sobra-sobra na talaga ang pagkainis niya sa lalaking ito. Hindi niya alam kung hanggang kailan pa siya makakatagal sa presensiya nito.

Kumunot ang noo niya nang mapansin ang pagsulyap ni Riley sa isang parte ng dingding kung saan niya ginagawa ang kanyang mga mural. "Huwag mong tingnan 'yan," pagbabawal niya dito.

Agad namang inilipat ng lalaki ang tingin sa kanya. Hindi ito nagsalita at nanatiling nakatayo lamang doon.

Humakbang si Raine palapit sa lalaki at inilahad ang isang kamay sa harapan nito. "Give me back my car key," utos niya.

"Hindi ko pa maaaring gawin 'yon," tugon ni Riley bago nagpaalam sa kanya.

Naiinis lamang na pinagmasdan ni Raine ang pagtalikod ng bodyguard at paglabas ng kuwarto. Nagdadabog pa siyang bumalik sa kama para ituloy ang pagbabasa. Hanggang kailan pa ba mananatiling ganito ang sitwasyon niya?

Ilang oras din na inabala lang ni Raine ang sarili sa pagbabasa hanggang sa tuluyan na siyang makatapos ng isang libro. Tumayo siya at ibinalik sa book shelf na naroroon ang libro. Matagal na rin simula nang huli siyang makapagbasa.

Tiningnan niya ang suot na relo at nakitang mag-a-alas-singko pa lang ng hapon. Siguro naman ay hindi pa umuuwi mula sa trabaho ang mga magulang kaya maaari pa siyang lumabas para makapagpahangin. Pupunta muna siya sa greenhouse ng bahay nila para mamitas ng ilang bulaklak.

Pagkalabas ni Raine ng pinto ng kuwarto ay agad na namang nag-init ang ulo niya pagkakita sa bodyguard na nakatayo lamang doon. Inirapan niya lamang ito bago nagtuloy sa hagdan pababa.

Hanggang sa makalabas siya ng bahay ay nakabuntot pa rin sa kanya ang lalaki. Nilingon niya si Riley at pinanlisikan ng mga mata. "Pupunta lang ako sa greenhouse, malapit doon sa pool. Baka naman puwedeng huwag ka ng sumunod?" hiling niya sa nang-aasar na tono.

"Kailangan kitang bantayan para masigurong hindi ka tatakas," tugon nito, tila hindi napapansin ang pagkainis niya.

Naiinis na napabuga ng hininga si Raine bago nagdadabog na nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa makarating sa loob ng greenhouse. Malaki ang greenhouse na iyon na punong-puno ng naggagandahang mga halaman. Alagang-alaga iyon ng mga gardeners nila, may makikita pang ilang mga butterflies na nagliliparan.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon