Chapter 25.1

2.8K 56 1
                                    

NAPANGITI si Raine nang mapagbuksan ng pinto ng kuwarto si Riley nang gabing iyon. Agad niya itong niyakap sa baywang.

"Raine," marahan nitong kinalas ang pagkakayakap niya. "Kumain ka muna ng hapunan. Pinapatanong ni Manang Mylene kung gusto mo raw sumabay sa Papa at Mama mo."

Lumukot ang mukha ni Raine. "Hindi ba puwedeng magpadala na lang ako ng pagkain dito?"

Bumuntong-hininga si Riley. "Babain mo naman minsan ang mga magulang mo," hiling nito.

Wala namang nagawa si Raine kundi ang sumunod sa lalaki. Nagugutom na rin naman siya.

"Hindi ka pa kakain?" tanong niya sa nobyo nang makababa sila ng hagdan.

"Mamaya na lang ako," tugon ni Riley bago ngumiti.

Tumango na lang si Raine at tumuloy na sa kusina. Binati niya ang mga magulang na naroroon bago umupo sa isa sa mga upuan.

Habang pinagsisilbihan ng katulong sa pagkain ay nakamasid lamang si Raine sa mga magulang na tahimik lang na kumakain.

Ilang linggo na rin niyang napapansin ang madalas na pag-aaway ng ama't ina. Pakiramdam niya ay parang laging balisa rin ang mga ito kahit nasa loob ng bahay. Hindi man gustong makialam ni Raine ay naku-curious din naman siya.

Napatigil siya sa tangkang pagsubo nang marinig ang pagsasalita ni Papa Raymart.

"Puwede mo banng bakantehin ang araw mo sa darating na Sabado, Raine?" tanong ng ama.

Nagtataka napaangat ng tingin si Raine dito. "B-Bakit?"

Tumikhim muna si Papa Raymart bago nagpatuloy. "Plano namin ng Mama Lucy mo na magpa-book ng tatlong araw na trip sa Australia. Nais niya raw na mamasyal doon," tumingin pa ito kay Mama Lucy.

Labis na natigilan si Raine sa winika ng ama. They were planning to have a three-day trip in Australia, at nais ng mga ito na isama siya?

Hindi niya nagawang sumagot kaagad. Nakanganga lamang siya doon na parang natuklaw ng ahas. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na inaya siya ng mga magulang na mamasyal sa isang lugar.

"Sa Sabado ko na nais umalis," pagpapatuloy ng ama. "Umaasa kami na papayag ka," bahagya nang nabahiran ng awtorisasyon ang tinig nito.

Subalit hindi na iyon napansin ni Raine. Para siyang isang masunuring bata na tumango. Ito na ang pinakahihintay niyang pagkakataon para iayos ang relasyon sa mga magulang, hindi niya nais na palampasin pa ito.

Tumango na lang si Papa Raymart bago muling ibinalik ang atensyon sa pagkain. Nang ibaling ni Raine ang tingin kay Mama Lucy ay nakitang nakayuko lamang ito.

Ibinalik niya na rin ang pansin sa pagkaing nasa harap. Kahit wala nang salitaan na namagitan sa kanila hanggang sa matapos ang hapunan ay napakagaan naman ang pakiramdam ni Raine. This was it. Unti-unti nang ibinibigay ng Diyos ang lahat ng kahilingan niya.

Subalit bigla siyang natigilan nang maisip na tatlong araw na mananatili sa Australia at hindi kasama si Riley. Nakaramdam kaagad si Raine ng pangungulila sa kaisipang iyon.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon