Chapter 13.2

2.9K 70 1
                                    

"SIGURADO ka ba na magaling na 'yang kamay mo?" nag-aalalang tanong ni Raine kay Riley pagkababa nila ng hagdan. Ilang linggo na ang lumipas pagkatapos ng aksidenteng nangyari sa kanila. Nakapagsimula na rin siya sa pagtatrabaho sa SSJ Fashion at unti-unti na naman siyang nasasanay sa panibagong yugto ng buhay.

Iginalaw-galaw ni Riley ang kanang kamay bago tumango. "Maayos na 'to, 'wag ka ng mag-alala."

Ngumiti naman na si Raine. "Mabuti naman kung ganoon."

"May gusto ka bang puntahan ngayon?" tanong pa ng lalaki bago pinasadahan ng tingin ang suot niya.

She was wearing pink dress and flat shoes. Sabado ng araw na iyon. Wala siyang pasok sa trabaho kaya plano niyang bumisita sa coffee shop nila sa Ortigas para mag-relax. "Yup," tugon ni Raine. "Gusto kong pumunta sa coffee shop namin. Kaya mo na bang mag-drive?"

"Oo naman," ngumiti pa si Riley.

Napalingon sila sa front door ng bahay nang makita ang pagpasok ng kanyang ama. Nang makita sila ni Papa Raymart ay agad itong lumapit. Madilim ang mukha ng kanyang ama kaya alam na ni Raine na hindi maganda ang kalalabasan ng kanilang pag-uusap.

"Ano ang ibig sabihin ng balitang nakarating sa akin, Raine?" galit na tanong ni Papa Raymart.

Bumahid ang pagtataka sa mukha ni Raine. Balita? Ang natatandaan niya lang namang gulo na naganap nitong nakaraang mga linggo ay ang away sa pagitan nila ni Sunnie sa isang hair salon. Wala namang lumabas na balita patungkol doon kaya akala niya ay hindi na malalaman ng mga magulang.

Nagpatuloy si Papa Raymart. "Nagtatrabaho ka ngayon sa ilalim ng isang kompanya?" may pang-uuyam pa sa tinig nito. "Hindi mo ba alam kung ano ang naging epekto ng ginawa mo?"

Natigilan si Raine sa sinabi ng ama. Hindi niya inaasahan na ang patungkol sa pagtatrabaho niya sa SSJ Fashion ang uungkatin nito.

"Usap-usapan ka ngayon, alam mo ba 'yon?" bahagya ng tumaas ang boses ni Papa Raymart, kitang-kita ang galit sa mga mata. "Usap-usapan kami ng iyong ina. Sinasabi nila na walang kuwenta kami dahil hindi ka mabigyan ng mas magandang trabaho kaya kinailangan mo pang pumasok at pumailalim sa isang kompanya. Kompanya nang ano? Fashion?" napailing pa ito.

Iniyuko ni Raine ang ulo. Sigurado siya na punong-puno na ng sakit ang kanyang mukha.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng ama. "Hindi mo pa ba ako naiintindihan noong sinabi ko sa'yo na tigilan mo na ang hilig mo sa bagay na 'yan? Wala ka rin namang mapapala diyan. Kung ang oras na inaaksaya mo sa trabahong 'yan ay inilalagak mo sa pag-aaral ng patungkol sa Garcia Organization, mas may mapapala pa kami sa'yo. Ganito ka na lang ba talaga, Raine? Palagi mo na lang kaming susuwayin na mga magulang mong bumubuhay sa'yo?"

Kinagat ni Raine ang pang-ibabang labi para pigilan ang nagbabantang mga luha. Hindi niya sinagot ang ama at nanatili lamang na nakayuko.

"Tigilan mo na ang kasusuway mong ito sa mga utos ko, Raine," patuloy na pagalit ng ama. "Magpakita ka naman ng kahit kaunting respeto para sa imahe namin ng iyong ina," pagkasabi niyon ay tumalikod na ito para iwanan sila.

Mariing ikinuyom ni Raine ang mga kamay. Nangininig na siya dahil sa galit at sakit na nararamdaman. Nang maramdaman ang pagtulo ng kanina pang pinipigilang mga luha ay mabilis na siyang nagtatakbo patungo sa wine cellar ng hindi kalayuan. Wala na siyang lakas para umakyat pa sa sariling kuwarto. Dito niya na lamang muna ibubuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman.

Malakas siyang napaiyak na parang isang batang inagawan ng laruan. She was so hurt. Bakit ba wala na 'ata siyang ginawang tama sa harap ng ama? Bakit parang lahat ng kilos niya ay may sasabihin ito? Bakit ba wala itong pakialam sa kanyang mga nararamdaman? Napakasama niya ba talagang anak?

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon