Chapter 7.3

2.8K 74 0
                                    

NAKITA ni Raine ang pagsulyap ni Riley sa kaliwang kamay niya na may benda. Itinaas niya pa ang kamay na iyon sa harapan ng lalaki. "Tingnan mo ang ginawa mo," paninisi niya. "Nasaktan ako kagabi nang itapon mo sa pool. Napakasama mo talaga."

Bumahid ang pag-aalala sa mukha ng lalaki. Inabot nito ang kamay niya. "Masakit pa rin ba?" tanong nito.

Mabilis na hinigit ni Raine ang kamay at lumabi. "Medyo," pagsisinungaling niya. Ang totoo ay gawa-gawa niya lang ang benda na iyon para maipahiya ang lalaki. Hindi naman talaga siya nasaktan.

"Pasensiya na kayo sa ginawa ko, Ms. Garcia," yumuko pa ito para humingi ng tawad. "Gusto ko lang naman na matigil ka na sa ginagawa mong pagtakas."

Inirapan niya ito. Gusto niyang mapangiti dahil sa paghingi nito ng tawad. "Hindi tuloy ako makakapag-drive ngayon ng ayos dahil dito," patuloy na pagsisi ni Raine. "Pupunta pa naman ako sa isang dinner sa bahay ni April. Hindi naman maaaring hindi ako pumunta."

"Ako na lamang ang magda-drive para sa'yo," pag-ako ng lalaki.

Gulat na napatingin si Raine sa bodyguard. Ibubuka niya sana ang bibig para tutulan iyon pero naunahan siya nito.

"Mahihirapan kang magmaneho kung masakit ang kamay mo, hindi ba?" tanong ni Riley, sumulyap pa sa may benda niyang kamay.

Hindi alam ni Raine ang isasagot. Hindi niya gustong malaman ng lalaki na nagsisinungaling siya kaya wala nang nagawa kundi ang pumayag.

Humakbang sila patungo sa garahe na kinaroroonan ng isa sa mga sasakyan ng pamilya na black Ford. Sinabi niya sa lalaki na hindi niya nais na may ibang nagda-drive ng Porsche niya.

Napatigil si Raine sa paghakbang nang mapatapat sa sasakyan. The thought of sitting on the passenger's side made her heartbeat slowed. Tumingin siya sa lalaki nang buksan nito ang passenger's door.

Humugot muna ng malalim na hininga si Raine bago pumasok sa loob. Right, dapat ay simulan niya nang alisin ang takot na ito sa puso. Hindi naman siya ipapahamak ng bodyguard niya, hindi ba? Po-protektahan siya nito, iyon ang paulit-ulit nitong ipinapaalala sa kanya noon.

Habang nasa biyahe ay walang salitang namumutawi sa mga labi ni Raine. Ramdam na ramdam niya rin ang tumatagaktak na pawis sa mukha habang ang mga kamay ay nakakapit lamang sa seatbelt. Ipinikit niya ang mga mata para hindi makita ang unahan.

Matinding liwanag na bumubulag sa kanya...

Malakas na impact ng metal sa metal...

Ang katawan ng kapatid na—

"Ms. Garcia," pukaw kay Raine ng isang baritonong tinig.

Iminulat niya ang mga mata at tiningnan ang lalaking katabi. Hindi niya napansin na nakatigil na pala ang sasakyan sa gilid ng daan habang nakatingin sa kanya si Riley na puno ng pag-aalala ang mga mata.

"Masama ba ang pakiramdam mo?" nag-aalalang tanong ng lalaki. "Kung gusto mong bumalik na sa—"

"Hindi," mabilis na sagot ni Raine bago ini-iling ang ulo. Humugot muna siya ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. "A-Ayos lang ako. N-Nanibago lang siguro ako sa sasakyan."

Base sa mukha ni Riley ay halatang hindi ito naniniwala sa rason niya. Nagulat pa si Raine nang makita ang pag-abot ng lalaki sa kaliwang kamay niya at marahang pinisil iyon.

Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa loob ng sasakyan. Nakatitig lamang si Raine sa mga mata ni Riley. Hindi niya maunawaan kung bakit tila biglang nawala ang takot at pangambang nararamdaman dahil sa kamay ng lalaking nakahawak sa kanya.

"Mukhang hindi naman talaga masakit ang kamay mo, Ms. Garcia," basag ni Riley sa katahimikan.

Noon lang napansin ni Raine na nakahawak pala ang lalaki sa kamay niyang may benda. Naiinis niyang inilayo ang kamay dito. "M-Masakit ito kanina," sabi niya pa. "M-Mukhang nawala na ngayon."

Kunwa'y pinagmasdan ni Raine ang sariling kamay. "Oh, mukhang magaling na nga ito," dagdag niya bago tinanggal ang bendang naroroon.

Muling pinaandar ni Riley ang sasakyan. "Hindi ka talaga marunong magsinungaling," usal pa nito sa mahinang tinig.

"I heard it," Raine snapped. Hinampas niya ang braso ng lalaki na nagkibit-balikat lamang pagkatapos ay humalukipkip na lang siya at tumingin sa labas ng bintana. Hindi siya makapaniwalang natalo na naman siya ng lalaking ito.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon