Chapter 11.1

2.9K 81 1
                                    

TININGNAN ni Raine ang sariling repleksyon sa salamin at inayos pa ang buhok. Kasalukuyan siyang nasa loob ng paboritong hair salon para magpa-hair spa.

"Okay na po ba 'yan, Ma'am?" magalang na tanong ng hair dresser na nag-ayos sa kanya.

Tumango naman siya at inabutan ng tip ang hair dresser. Pagkatapos niyon ay tumayo na siya at lumakad patungo sa bodyguard na nakatayo lamang hindi kalayuan sa kanila. Hindi man lang talaga umupo ang lalaki kahit na marami namang upuang naroroon. Talagang napaka-propesyonal nito sa trabaho.

Napatigil sa paghakbang si Raine nang makita ang babaeng pasalubong sa kanya. Iyon ang babaeng sumugod sa kanya noon sa isang bar – ang asawa ng aktor na si Fred na sa pagkakatanda niya ay Sunnie ang pangalan. Mukhang nagulat din ang Sunnie na iyon sa hindi inaasahang pagkikita nila.

Umismid ang babae at pinasadahan ng tingin ang kabuuan niya. Hindi tulad ng babae na nakasuot ng hapit na dress, nakasuot lamang si Raine ngayon ng Guess shirt at pants. Wala ring ayos ang mukha niya kundi simpleng lipstick lamang, samantalang ang babae ay halos ibuhos na yata ang lahat ng make-up sa mukha.

Kung alam lang niya na makakasalubong ang Sunnie na ito ay baka mas nag-ayos siya. Kaya lang ay palaging sumasagi sa kanyang isipan ang papuri ni Riley noon na mas maayos siya kapag wala masyadong make-up. Hindi maintindihan ni Raine pero pakiramdam niya ay nais niya nang i-please ng i-please ang bodyguard na iyon. She had gone totally insane, right.

Napatigil si Raine sa pag-iisip nang marinig na nagsalita si Sunnie. "Napakaliit nga naman talaga ng mundo," wika nito. "Hindi ko akalaing makakabangga ko dito ang naging kabit ng asawa ko."

Nagpanting ang kanyang mga tainga dahil sa sinabi nito. Puno ng talim ang mga matang tiningnan niya ang babae. "Hindi mo ba naintindihan ang sinabi ko noon at maging ang sinabi ng asawa mo na wala kaming relasyon. Ni hindi ko nga alam ang pangalan niyang asawa mo kung hindi ko pa nakita sa balita."

"Alam kong sinungaling ang asawa ko," mahina pero mariing wika ni Sunnie. "At sinungaling din ang mga babaeng katulad mo. Napakarami mo na sigurong nahita kay Fred, tama?"

Mariing ikinuyom ni Raine ang mga kamay. Gustong-gusto niya nang makapanakit ng mga oras na iyon subalit hindi niya hayaang mapag-usapan na naman ng mga tao. "Mas marami ang pera ng pamilya ko kaysa sa asawa mo," panunuya niya bago pinasadahan naman ng tingin ang kabuuan ng babaeng nasa harap. "Now I know kung bakit niloloko ka ng asawa mo. You look just like a plain gold-digger."

Kitang-kita ang pagdaan ng matinding galit sa mukha ni Sunnie. Subalit ang hindi napaghandaan ni Raine ay nang itaas ng babae ang hawak na handbag at isampal iyon sa mukha niya.

Tila umikot ang paningin niya ng ilang sandali pero nakita ni Raine ang mabilis na paglapit ng bodyguard sa kinatatayuan nila, ramdam na ramdam din niya ang pamumula ng mukha. No, hindi siya magpapatalo ng ganito sa kahit na kaninong babae.

Tiningnan niya ng masama ang Sunnie na iyon at mabilis na hinanggit ang buhok nito. Nagsabunutan silang dalawa sa lugar na iyon hanggang sa tuluyan nang mapaupo sa sahig. Nararamdaman din ni Raine ang mga kamay ni Riley na pumipigil sa kanila. Pero dahil sa matinding galit ay hindi niya iyon pinansin, maging ang mga taong naroroon na siguradong nakiki-usyoso.

"Tigilan n'yo na 'to!" sigaw ni Riley bago siya hinigit palayo kay Sunnie.

Nakita pa ni Raine ang pagtulak ng bodyguard palayo sa babae nang tangkang susugurin pa siya. Pabagsak na napaupo sa sahig ang Sunnie na iyon at hindi makapaniwalang tumingin sa kanila, umuusok pa rin sa galit ang mukha.

Agad naman siyang inakbayan ni Riley at inalalayan palabas ng salon na iyon. Dinig na dinig pa nila ang malakas na pagmumura ni Sunnie.

Nang makapasok sa loob ng sasakyan ay agad na iyong pinaandar ng lalaki. Hindi pa rin nawawala ang panginginig ng katawan ni Raine dahil sa galit at kahihiyang nararamdaman. "Damn her, damn her," paulit-ulit na usal niya, mahigpit pa rin ang pagkakakuyom ng mga kamay na nasa kandungan.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon