Chapter 18.3

3K 72 0
                                    

"PLANO kong matulog dito ngayon kina Megan," wika ni Raine sa bodyguard na si Riley pagkapasok nila sa loob ng condominium place ng kaibigang si Megan Villarama. "We're going to have some girl talk dahil matagal din kaming hindi nakakapag-usap."

Tumango si Riley. "Sige, dito na lang ako sa may couch. Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka."

Ngumiti si Raine at iniabot sa lalaki ang nakitang remote ng TV. "Manood ka rin para malibang ka," pagkasabi niyon ay lumakad na siya patungo sa kuwarto ng kaibigan. Kanina pang naroroon si Megan at hinihintay lamang siya.

"Akala ko hindi mo na iiwanan ang bodyguard mong 'yon," wika ni Megan nang maisara niya ang pinto. "You stick to him like glue, you know?"

Nagkibit-balikat lang si Raine bago pabagsak na dumapa sa ibabaw ng malaki at malambot na kama. "Wala na ba dito si Emman?" tukoy niya sa lalaking kinupkop ng kaibigan na mula sa Batanes.

Bumuntong-hininga si Megan. "Kumuha na siya ng sarili niyang apartment malapit sa coffee shop natin sa Ortigas," tugon nito. "Mukhang kaya niya na namang magsarili kaya hinayaan ko na."

Nagdududa niyang tiningnan ang kaibigan. Nagta-trabaho na sa branch ng coffee shop nila sa Ortigas ang Emman na iyon kaya siguro doon kumuha ng apartment. Itong condominium place ni Megan ay naka-locate dito sa Makati. "Bakit parang hindi mo 'ata gusto na humiwalay na sa'yo ang alaga mong 'yon?" panloloko niya pa.

Hindi makapaniwalang bumaling sa kanya si Megan. "Bakit ko naman hindi magugustuhan? I'm free again," anito.

Tumango-tango si Raine pero hindi pa rin kumbinsido. Iginala niya na lamang ang paningin sa malawak at napakagandang kuwarto. It was indeed a bedroom for princesses. "So magkasama kayong natutulog dito ng lalaking 'yon noon?" tanong pa niya. Sa pagkakaalam niya kasi ay iisa lamang ang kuwarto sa unit na ito ng kaibigan.

"H-Hindi, ah," mabilis pero nauutal na tugon ni Megan. "S-Sa couch siya natutulog noon."

Naupo si Raine sa kama at iiling-iling na pinagmasdan ang kaibigan na namumula ang mukha. "Tumawag na ba uli sa'yo si April?" pag-iiba niya na lamang sa usapan.

"Noong isang linggo," tugon ni Megan bago nahiga sa kama.

Tumango siya muli. Ang kaibigan nilang si April Rivera ay ilang buwan na ring nananatili sa bansang Japan dahil doon nito ipinagpatuloy ang pag-aaral ng culinary, at dahil na rin sa isa pang personal na rason.

"Mukhang natagpuan mo na ang prince charming mo, ah?" narinig niyang wika ni Megan makalipas ang ilang sandali.

Nagtatakang napatingin si Raine sa kaibigan.

Ngumiti si Megan. "That man outside," tukoy nito kay Riley. "Mukhang in-love ka sa lalaking 'yon."

Bumahid ang pagkagulat sa mukha niya dahil sa sinabi ng kaibigan. "A-Ano bang pinagsasasabi mo, Megan?" nauutal na tanong niya.

"Come on, Raine. Huwag ka nang mag-deny," wika pa ng kaibigan. "Akala mo ba hindi ko napansin ang klase ng pagtitig mo sa lalaking 'yon kanina sa dinner? At saka iba ang kasiyahang nakikita ko tuwing kausap mo ang Riley na 'yon."

Iniiwas ni Raine ang tingin sa kaibigan. "I... I like him," nahihiyang pag-amin niya. "P-Pero hindi ko alam kung... kung mahal ko na ba siya. Ang alam ko lang ay masaya ako tuwing kasama siya at hindi ko na gustong mahiwalay sa kanya."

"Then you do love him," natatawang wika ni Megan. "Wow, I can't believe na nahulog na sa isang lalaki ang brat kong kaibigan."

Bumuntong-hininga siya. "Pero hanggang doon na lang 'yon. I don't think na magagawa niya akong makita bilang isang babaeng maaaring maka-relasyon. Kliyente lang ako para sa kanya."

"Bakit hindi ka magtapat ng nararamdaman sa kanya?" tanong pa ng kaibigan.

Napaismid si Raine. "Hindi ganoon kadali 'yon, Megan."

"At bakit hindi? You're known for being frank in everything you feel."

Nakatitig lamang siya sa kawalan sa loob ng ilang sandali. "Oo, pero ilang beses na rin akong nakaranas ng rejection sa mga taong pinahahalagahan ko," tinutukoy niya ang mga magulang na ilang beses nang itinapon ang pagmamahal niya bilang anak noon. "Natatakot ako na mawalan na naman at mag-isa."

Hindi naman nagawang makasagot ni Megan. Marahil ay nararamdaman nito ang kalungkutang bumabalot sa kanya.

Tiningnan ni Raine ang kaibigan at pinilit na ngumiti. "I'll try to hide this feeling as much as I can," sabi niya. "Baka sakaling magbago pa naman ito sa pagdaan ng mga araw," sumulyap siya sa pinto. "Oh, sigurado bang hindi tayo naririnig sa labas?" Bigla siyang nakaramdam ng pag-aalala na baka marinig ni Riley ang kanilang pinag-uusapan.

Ngumiti si Megan. "Don't worry, soundproofed ang kuwartong 'to," bumangon ito at lumapit sa isang built-in closet na naroroon. "Dahil iisa lamang ang kuwarto ko dito kaya pasabi sa bodyguard mo na sa couch na muna siya matulog. Dalhin mo na lang itong comforter at ilang unan sa kanya. Pasensiya na kamo," inabot nito sa kanya ang mga kinuhang comforter at dalawang unan.

Tumango na lamang si Raine at lumabas na para ibigay ang mga iyon kay Riley. Pagkarating sa living area ay nakita niyang abala pa rin sa panonood ang lalaki.

Napatingin si Riley sa kanya nang makalapit siya. Ibinigay niya dito ang mga dala. "Pasensiya ka na raw kung dito ka muna matutulog sa couch," aniya. "Isa lang kasi ang kuwarto dito sa unit ni Megan. Ayos lang ba 'yon sa'yo?"

Tumango ang lalaki. "Walang problema," anito.

"Kung nagugutom o nauuhaw ka, kumuha ka lang sa fridge," sabi pa ni Raine. "Good night," iyon lang at dali-dali na siyang muling pumasok sa kuwarto ni Megan. Ngayong inamin niya na sa sarili ang nararamdaman ay mas lalong tumindi ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso tuwing kaharap ang lalaki. Hindi niya alam kung ano ang gagawin maliban sa hayaan na lamang ang mga damdaming iyon na dumaloy sa buong pagkatao.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon