Chapter 6.2

3.1K 77 4
                                    

NAIINIS na bumalikwas ng bangon si Raine sa kama at marahas na ipinilig ang ulo. Dumaan na ang buong magdamag subalit hindi pa rin niya magawang makalimutan ang imahe ni Riley na nakita sa pool area kahapon. Bakit ba patuloy na bumabalik sa isipan niya ang magandang katawan na iyon ng lalaking nababakat sa basa nitong damit? Kailan pa siya nagpantasya sa katawan ng isang lalaki?

Ginulo niya ang sariling buhok at napatingin sa pinto nang makarinig ng pagkatok. Damn, baka ang bodyguard niya na naman iyon. Bakit ba kailangang sumingit kaagad nito habang nag-iisip pa siya?

Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. "Calm down, Raine," paalala niya sa sarili. "Kailangan mo pang pahirapan ang lalaking iyon. Kailangan ay sumuko na siya para maging malaya ka na uli." Tama, ganoon nga ang dapat niyang gawin. Kapag wala na ito ay siguradong hindi na rin nito magugulo ang kanyang isipan.

Nang masiguradong kalmado na ay bumaba na siya ng kama para tumungo sa pinto. Nagtaka pa si Raine nang ang mapagbuksan ay si Manang Mylene. Pasimple siyang sumulyap sa magkabilang gilid para hanapin si Riley pero wala doon ang lalaki.

"M-May kailangan ka ba, 'Ya?" tanong niya sa yaya. "Wala yata dito ang bodyguard ko."

"Oh, nasa labas ang bodyguard mo," tugon ni Manang Mylene. "Katatapos niya lang kumain ng agahan. Akala siguro ay natutulog ka pa kaya naglalakad-lakad muna doon."

Tumango-tango na lang si Raine.

"Bumaba ka na rin at kumain ng almusal," pagpapatuloy ng yaya. "Kanina pa nakaalis ang Papa at Mama mo papunta sa isang business trip nila sa New York."

Napatingin si Raine kay Manang Mylene dahil sa sinabi nito. Hindi niya alam na umalis na naman pala ng bansa ang mga magulang. Ano pa bang aasahan niya? Ni minsan naman ay hindi nagsabi ang mga ito ng patungkol sa mga plano.

"Ganoon po ba?" wika niya bago muling tumango.

"Kukunin ko na rin ang mga labahin mo para maisabay ko na sa paglalaba mamayang hapon," ani pa ni Manang Mylene.

Natigilan si Raine sa sinabi ng yaya. Maya-maya ay napangiti siya nang may maisip. Alam niya na kung ano pa ang maaaring gawing pagpapahirap sa bodyguard. "Oh, ako na po ang bahala sa mga labahin kong damit," aniya. "Kaunti lang naman 'yon at mayroon nang gagawa noon para sa akin."

Gumuhit ang pagtataka sa mukha ni Manang Mylene. "Sigurado ka ba diyan, hija?"

Tumango siya at ngumiti. "Sige na po, bababa na lang ako maya-maya para mag-almusal," iyon lang at muli niya nang isinara ang pinto ng kuwarto.

Hindi pa rin mawala-wala ang ngiti sa mga labi ni Raine hanggang sa makarating siya sa banyo kung saan naroroon ang kanyang laundry basket. Hindi naman ganoon karami ang mga damit na naroroon pero sapat na iyon para pahirapan si Riley. Siguradong sasabog na ang pasensiya ng lalaki kapag ito ang pinaglaba niya ng mga damit na iyon.

Binuhat ni Raine ang laundry basket at lumabas na ng kuwarto para hanapin kung nasaan ang bodyguard na si Riley. May ilang katulong pa ang nakasalubong niya at bumati, nasa mga mukha ng mga ito ang pagtataka dahil sa buhat-buhat niyang laundry basket.

"Riley," tawag niya sa lalaki nang matanaw ito na naglalakad-lakad sa lawn na naroroon. Nakasuot lamang ang lalaki ng itim na T-shirt at simpleng pantalon. Agad na iniiwas ni Raine ang tingin sa katawan ng lalaki at pinigilan ang isipan na mag-isip na naman ng kung anu-ano.

Lumapit sa kanya si Riley, nasa mukha rin ang pagtataka dahil sa dala niyang basket ng mga labahin. "Dadalhin ko ba iyan sa laundry room?" tanong nito.

Tumango si Raine at iniabot sa lalaki ang laundry basket. "Gusto ko ring labhan mo 'yan," utos niya. Pinigilan niya ang sariling humagalpak ng tawa dahil sa nakitang pagkagulat sa mukha ng lalaki.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon