Chapter 24.1

2.7K 56 0
                                    

INAYOS ni Raine ang walking shorts at light pink shirt na suot. Tanghali na naman siyang nagising nang araw na iyon dahil wala naman silang pasok sa trabaho.

Pinagmasdan niya ang sariling repleksyon sa salamin. Hindi niya magawang paniwalaan na lipstick lamang ang make-up na ginagamit niya. Napakalaki na talaga nang ipinagbago niya simula nang makilala si Riley. Dati-rati ay hindi siya mapakali tuwing hindi nakakapunta sa isang club o bar. Ngayon ay ilang buwan na siyang hindi tumutungtong doon.

Well, wala na namang halaga kay Raine ang mga nakahiligan noon. Ginagawa niya naman iyon noon para maghanap ng kasiyahan subalit hindi natagpuan. Tanging si Riley lamang pala ang makakapagbigay ng sobra-sobrang kasiyahan na iyon.

Napangiti siya at naisipan nang lumabas para hanapin ang nobyo. She missed him already. Ilang araw niya ring hindi nakakatabi sa pagtulog ang lalaki dahil malimit na pinapatawag ng ama ang lahat ng guwardya at bodyguards sa bahay para kausapin at pagbantayin pa raw ng mas maayos. Nagtataka na tuloy si Raine kung may kinakatakutan ba ito.

Nang hindi magawang makita si Riley sa buong bahay ay nagpasya si Raine na tumungo sa bungalow house na tinutuluyan nito. Napatigil siya nang makapasok sa bungalow house at makita ang nobyo kausap ang isang hindi inaasahang bisita.

Nakaupo si Riley sa couch na naroroon katabi ang kaibigan nito na nakilala niya sa Cagayan – si Dinah. Anong ginagawa ng babae dito?

Napatingin sa kanya ang dalawa nang humakbang siya palapit. "Raine," bati ni Riley. "Naalala mo pa ba si Dinah?"

Paanong hindi ito maaalala ni Raine? Iyon ang babaeng may gusto sa nobyo. "A-Anong ginagawa niya dito?" tanong niya.

"Sinamahan niya sa pagluwas ang kapatid niyang nag-a-apply ng trabaho hindi kalayuan dito," sagot ni Riley. "Dahil nakatambay lang naman daw siya sa labas ng kompanya pinag-a-apply'an ni Enrico ay naisipan niyang dumaan dito."

"Paano niya natukoy ang lugar na 'to?" patuloy na pag-i-interoga ni Raine.

"Tinawagan niya ako kanina," tugon muli ng lalaki.

Hindi napigilan ni Raine ang tingnan ng masama ang nobyo. Nakikipagtawagan ito sa ibang babae kapag tulog siya? Kahit sa maliit na bagay na iyon ay hindi niya napigilan ang makaramdam ng paninibugho.

Bahagyang kumunot ang noo ni Riley pero nagpatuloy ito. "Nagpapasama rin siya sa akin na humanap ng apartment na maaaring tirhan ng kapatid niya. Ipapakita ko sana iyong dating apartment na tinirhan ko."

Mas lalong tumindi ang pagseselos na nararamdaman ni Raine. Lalabas ito kasama ang babaeng 'yon at iiwan siya dito?

Sa halip na pagsalitaan ng masama ang nobyo ay tinalikuran na lang ni Raine ang mga ito at nagdadabog na lumabas ng bungalow house na iyon. Inis na inis siya sa lalaki. Bakit ba kasi nagpunta pa dito ang Dinah na iyon? Hindi ba talaga nito titigilan si Riley kahit na alam namang kaibigan lang ang tingin dito ng lalaki? At bakit sasamahan ni Riley ang babaeng 'yon? Bodyguard niya ito, hindi siya dapat nito iwanan kahit na sino pa ang dumating.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon