Chapter 25.3

2.7K 65 4
                                    

TILA bumalik ang alaala ng pagkabata ni Raine nang makapasok sila ng Mama Lucy sa loob ng malaking bahay na iyon sa Sydney, Australia. Nauna silang bumiyahe dito ng kanyang ina dahil may kailangan pa raw munang asikasuhin ang ama sa Pilipinas bago sumunod.

Napatingin siya sa mga katulong na sumalubong sa kanila para kunin ang kanilang mga bagahe. Ibinaling niya ang tingin kay Mama Lucy nang magsalita ito.

"Kung gusto mo ay libutin mo muna ang buong bahay," anito. "Kakausapin ko lang ang mga katulong para sa ihahandang hapunan mamaya pagdating ng iyong Papa."

Tumango na lamang si Raine at sumunod sa ina. Masaya siya na muling makatungtong sa lugar na ito kung saan marami rin silang alaala ng namayapang kapatid. Inubos niya ang buong maghapon sa pagpapahangin sa pool area doon kung saan malimit silang maglaro ni Kuya Steve.

Kinapa niya ang bulsa ng pantalon para sana kunin ang sariling cell phone subalit naalalang nasa loob nga pala iyon ng bagaheng dala. Maya-maya na lang siguro siya magpapadala ng mensahe kay Riley na nakarating na sila dito.

Pasado alas-siete na ng gabi nang may lumapit na isang katulong kay Raine at sinabing naroroon na raw ang kanyang Papa. Mabilis siyang tumungo sa dining area kung saan sila maghahapunan.

Magalang siyang bumati sa mga magulang at naupo sa isa sa mga silyang naroroon. Hindi ganoon kalaki ang dining table doon kaya mas naging malapit sila sa pagkakaupo.

"Kumusta ang biyahe n'yo, Papa?" masiglang tanong ni Raine. Kung nais niyang magkaroon ng maayos na relasyon sa mga ito ay dapat niya nang kumilos.

"Maayos naman," maikling tugon ni Papa Raymart.

Napasulyap si Raine sa isang lalaki na nakatayo hindi kalayuan sa kanila. Nakasuot ito ng itim na men's suit at mukhang isang purong Australiano.

"Siya nga pala si Josh," pagpapakilala ni Papa Raymart sa lalaking nakatayo. "Siya ang magiging bodyguard mo sa pamamasyal dito."

Natigilan siya sa sinabi ng ama. "H-Hindi po ba tayo mamasyal na magkakasama?" nag-aalangang tanong niya.

"Marami pa kaming kailangang asikasuhing trabaho," tugon ng ama, hindi man lang tumitingin sa kanya. "Mag-enjoy ka sa lugar na ito hanggang gusto mo, 'wag ka lang muli lilikha ng gulo."

Hindi alam ni Raine kung bakit tila nawalan siya ng gana sa pagkain dahil sa mga narinig. Akala niya ba ay nagpunta sila sa lugar na ito para mamasyal at magkaroon man lang ng family time?

Hanggang sa matapos sa hapunan ang mga magulang ay wala nang salitaan ang naganap sa pagitan nila. Hindi rin nagawang makakain nang ayos ni Raine dahil sa nararamdamang panlulumo. Muli nyang iginala ang paningin sa hapag-kainan na siya na lamang ang nakaupo. Parehong-pareho lamang din ito ng eksena sa kanila sa Pilipinas. Ano pa bang dahilan at nagpunta sila dito kung wala rin naman 'atang magbabago?

Tumayo na si Raine at nagdesisyong magpahinga na lamang sa sariling kuwarto doon. Pagkapasok sa loob ng silid ay agad niyang hinagilap ang bagahe upang kunin doon ang cell phone. Nais niyang tawagan si Riley. Nais niya itong makausap upang mawala ang lahat ng lungkot na kanyang nararamdaman.

Subalit nahalughog na 'atang lahat ni Raine ang laman ng bagahe ay hindi pa rin makita ang cell phone. Sigurado siya na dito niya iyon inilagay nang nasa airport pa lamang sila.

Nagpatuloy lang siya sa paghahanap sa mga gamit at napasinghap nang mapansin ang isa pang bagay na nawawala doon. Her passport! Saan napunta ang mga gamit niyang iyon?

Inisip ni Raine kung paano mawawala ang importanteng mga gamit ng ganoon na lang. Pagkatapos ay naalala niya ang mga katulong na pinag-abutan ng bagaheng ito kanina.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon