Chapter 16.2

2.9K 78 1
                                    

"RILEY, anak," pagsalubong sa kanila ng isang lalaking sa tingin ni Raine ay nasa early fifties na nito nang makapasok sila sa loob ng bahay ng bodyguard.

"Tay," bati ni Riley sa ama at agad itong niyakap.

Sumulyap kay Raine ang ama ni Riley na sa pagkakatanda niya ay Ed ang pangalan. "Hindi mo naman sinabi, 'nak, na may kasama kang isang magandang binibini."

Ngumiti siya. "Maligayang kaarawan po," pagbati niya sa matanda. Kahit may edad na ang ama ni Riley ay hindi naman maitatanggi na magandang lalaki ito noong kabataan, kuhang-kuha ni Riley ang itsura nito sa ama.

"Naku, maraming salamat, ineng," masayang wika ni Tatay Ed.

"Tay," singit naman ni Riley. "Siya nga po pala si Raine Garcia, siya ang pinagsisilbihan ko ngayon bilang bodyguard. Isinama ko po siya dahil wala daw siyang gagawin ngayong weekend."

Bumahid ang pagkagulat sa mukha ng ama ni Riley. "Naku, kayo po pala ang amo ng anak kong ito. Pasensiya na po kayo sa munting bahay namin," iginiya siya nito sa isa sa mga kawayang upuan doon. "Maupo po muna kayo, Ma'am. Kumain na ba kayo, Riley?" baling nito sa anak. "Ikuha mo muna ng pagkain itong amo mo."

Tumango naman si Riley at sandali siyang iniwan para sundin ang ama.

Iginala ni Raine ang paningin sa buong bahay. Maliit nga lang ito at gawa sa kahoy. Wala rin gaanong furnitures maliban sa mga basic na pangangailangan lamang. Hindi rin tulad ng kanyang inaasahan ay kakaunti lang din ang mga bisitang naroroon na panay ang sulyap sa kanya.

"Carlos, Arnel," narinig niyang tawag ni Tatay Ed sa dalawang lalaki na hindi kalayuan sa kanila at may pinagkakaabalahan sa mga barahang hawak. Mabilis na lumapit ang mga lalaki sa kanila. "Bumati kayo sa amo ng inyong Kuya Riley. Ineng, ito nga pala sina Carlos at Arnel, mga kapatid ni Riley."

Tinanguan lang ni Raine ang dalawang lalaki nang batiin siya ng mga ito. Sa pagkakatanda niya ay high school students pa lang ang dalawa. Hindi maikakaila na mga kapatid nga ito ni Riley dahil sa pagkakahawig.

"Ang ganda naman po ng amo ni Kuya, 'Tay," ani Carlos.

Napangiti naman si Raine bago muling tumingin kay Tatay Ed. "Pasensiya na po kayo kung wala akong dalang kahit na ano ngayon para sa kaarawan n'yo," aniya. "Hindi na po kasi ako pinayagan ni Riley na makabili ng regalo."

"Naku," iwinagayway pa ni Tatay Ed ang mga kamay. "Walang problema 'yon, ineng. Hindi naman ako mahilig sa mga regalo."

Tumango na lang siya bago ibinaling ang tingin sa dinaanan ni Riley kanina. Nakikita niya na ang lalaki na may hawak na isang plato ng pagkain pero nakatigil ito dahil sa kausap na isang babae na sa tingin ni Raine ay malapit lamang ang edad sa kanya.

Bahagya pa siyang nagtaka nang makita ang pagtatawanan ng mga ito. Ibinalik niya ang tingin sa ama ng bodyguard. "S-Sino po 'yong kausap ni Riley?" curious na tanong niya.

Tumingin si Tatay Ed sa tinitingnan niya kanina. "Ah, si Dinah? Kaibigan siya ni Riley, dito rin siya nakatira sa lugar namin. Simula pa pagkabata ay magkaibigan na ang dalawang 'yan."

"May gusto si Ate Dinah kay Kuya Riley," narinig pa ni Raine na singit ni Arnel. Napatingin siya sa nakababatang kapatid ni Riley. "Sinabi sa akin ni Kuya na nagtapat daw sa kanya minsan si Ate Dinah."

Kinagat ni Raine ang pang-ibabang labi para pigilan ang paninibughong nararamdaman. Muli niyang ibinalik ang tingin kina Riley at sa Dinah na iyon. Maganda si Dinah, morena ito at matangkad. Nakasuot lamang ito ng simpleng T-shirt at jeans, wala ring kaayos-ayos ang mukha. Base sa nakikitang pag-uusap ng dalawang iyon ay mukhang close na close nga ang mga ito.

"Pero hindi naman siya gusto ni Kuya," singit naman ng isang boses, si Carlos iyon.

Inilipat ni Raine ang tingin dito.

"Kasi kung gusto siya ni Kuya, dapat matagal na silang may relasyon," dugtong ni Carlos.

"Malay mo itinatago lang nila," pilit naman ni Arnel.

"Carlos, Arnel," pagpapatigil sa mga ito ni Tatay Ed. "Ano ba naman 'yang pinag-uusapan n'yo sa harap ng bisita? Bumalik na nga kayo doon sa inyong ginagawa at doon na mag-away."

Sumunod naman ang mga kapatid ni Riley at iniwanan na sila. Muling ibinalik ni Tatay Ed ang tingin sa kanya para humingi ng pasensiya. Nginitian na lamang ito ni Raine. Hindi pa rin nawawala ang inis na lumulukob sa kanyang damdamin dahil sa mga narinig.

Ilang sandali lang ay nagpaalam na rin sa kanya si Tatay Ed para naman daw intindihin ang mga bagong dating. Nang mag-isa na lamang si Raine ay inabala niya ang sarili sa hawak na cell phone.

Napatingin siya sa tabi nang maramdaman na may lumapit sa kanya. Tumingala siya at nakitang si Riley iyon, inaabot nito ang plato na may lamang mga pagkain.

Inirapan lang ito ni Raine. "Hindi ako gutom," sabi niya.

"Wala kang kinain sa biyahe kanina, kumain ka muna," wika ni Riley. "May problema ba?"

"Wala," mabilis subalit puno ng inis na tugon niya. Tumayo na siya, hindi pa rin tinitingnan ang lalaki. "Gusto kong maglakad-lakad sa labas. Huwag mo akong susundan," pagkasabi niyon ay nag-walk-out na siya sa lalaki.

"Raine!" narinig pa niyang tawag ni Riley sa kanyang pangalan.

Hindi ito pinansin ni Raine at nagpatuloy lang sa paglabas. Hindi niya alam kung saan pupunta, basta maglalakad lang siya. Gusto niyang alisin ang pagkainis na nararamdaman. Bakit ba siya nagkakaganito dahil lamang sa mga narinig? Nagseselos na ba talaga siya?

Napatigil siya sa paghakbang nang maramdaman ang paghigit sa kanyang braso. Nalingunan niya si Riley na nasa mukha na ang pagkainis. "Saan mo ba balak pumunta? Hindi ka puwedeng maglakad-lakad dito ng mag-isa," pagalit nito.

Naiinis niyang binawi ang brasong hawak ng lalaki. "Hindi ba sinabi kong 'wag mo akong susundan?" Bakit ba hindi ka na lang magpunta doon sa babaeng 'yon? Gusto niya pa sanang idugtong subalit agad na nakapagpigil.

Kumunot ang noo ni Riley. "Bakit ba lukot na lukot na naman 'yang mukha mo? Ano bang nangyari?"

Bumuntong-hininga si Raine para kalmahin ang sarili. Hindi niya gustong ipaalam sa lalaki ang dahilan ng kanyang inis. Baka pagtawanan lang siya nito. "Wala nga sabi," tugon niya. "P-Pagod lang siguro ako."

"Gusto mo bang magpahinga muna sa loob?"

Umiling siya. "Dito na lang muna ako. Magpapahangin lang."

"Kung ganoon, puwede kang maupo doon sa damuhan sa ilalim ng puno ng mangga," ani Riley. "Doon ako malimit tumambay noon kapag pagod."

Tiningnan ni Raine ang tinutukoy ng lalaki na puno. Hindi naman iyon kalayuan sa kinatatayuan nila.

"Akin na 'yang backpack na dala mo para mailagay ko sa kuwarto," pagpapatuloy pa ng lalaki. "Hintayin mo ako doon, kukunin ko lang ang pagkain natin."

Ibinalik ni Raine ang tingin sa lalaki at sinunod naman ito. Pagkaabot niya dito ng backpack ay sandali itong nagpaalam. Humakbang na siya patungo sa punong tinutukoy ni Riley at marahang naupo sa damuhan.

Tumitig lang siya sa harapan at hindi na napigilan ang mapangiti na mag-isa. Riley wanted to stay with her. Hindi talaga siya nais pabayaang mag-isa ng bodyguard kahit saang lugar pa siya magpunta. At sapat na ang kaisipang iyon para mabawasan ang inis na kanyang nadarama.

[Completed] Sweet Coffee Princesses 2: Raine, The Bodyguard's Bratty PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon