Chapter 3

1.7K 96 73
                                    

“Nanay, tatay, mano po” ang magalang na bati ni Antonio sa kanyang mga magulang na nakaupo sa kawayan na upuan. Magkatabi ang kanyang mga magulang at abala ang mga ito sa panunuod sa telebisyon.
“Hay naku! Naiinis na ako sa babaeng yan, napakasama talaga!” ang inis na sambit ng kanyang nanay patungkol sa telenobela na pinapanuod nito.
Hindi napigilan ni Antonio ang mapangiti sa kanyang nanay, masyado kasi itong nadadala sa pinapanuod nito. Napakababaw pa naman ng luha at galak nito, minsan lumuluha ito at inakala niya ay, kung ano na ang nangyari, iyun pala ay dahil sa inaapi ang bida sa pinapanuod nito na telenobela. Minsan naman ay napakalakas ng halakhak nito, kapag nadadala sa saya ng pinapanuod.
“Oh, anak, kumain ka na, nariyan ang ulam sa may lamesa, ipaghahain na lang kita ng kanin” ang sabi ng nanay niya sa kanya.
Mabilis siyang umiling, “hindi na po nanay, kumain na po ako, inimbitahan ako ni Claire na maghapunan sa kanila” ang sagot niya.
Nakita niya ang agam-agam sa mga mata ng ina ng malaman nito na, galing siya sa bahay ng nobya. Hindi nila hinahadlangan ang murang relasyon nila ni Claire, pero, nangangamba sila dahil na rin sa malaking agwat sa katayuan nila ni Claire.
“Ganun ba? Eh ipagtitimpla na lamang kita ng kape” ang sagot ng kanyang nanay at muli siyang umiling.
“Huwag na po nanay ako na po, tabihan nyo na lamang si tatay at manuod kayong dalawa” ang nakangiting sabi niya sa kanyang nanay na ngumiti ng malapad sa kanya. Itinabi niya ang hinubad na sapatos sa gilid ng pintuan. At sa ilang hakbang lamang ay nagtungo siya sa maliit na silid na tinutulugan nilang dalawang magkapatid.
Sandali lamang niyang inilapag ang dala niyang bag sa kutson na nasa sahig at saka niya hinubad ang suot na hoodie. At ipinatong iyun sa ibabaw ng backpack.
Lumabas siyang muli ng silid, na tanging kurtina lamang ang nagsisilbing pinto nito. Napansin niya na wala pa ang kanyang bunsong kapatid na si Arthur.
Naglakad siya patungo sa kusina para magtimpla ng kape. Kumuha siya ng mug sa plastic na lalagyan ng mga plato. Kinuha niya ang mga plastic na garapon na naglalaman ng mga kape at asukal. Nagsalin siya ng tig-isang kutsarita sa kanyang mug, ayaw din naman niya kasi ng masyadong matamis na timpla sa kape. Kaya nga, tinatanggihan din niya ang kape ng tinitimpla para sa kanya ni Claire. Kahit kasi ilang beses na niyang sinasabi na huwag lagyan ng maraming asukal at cream, ay nilalagyan pa rin nito, minsan ay may whipped cream pa sa ibabaw nito. Ayaw man ay pinipilit na lang niyang inumin iyun, para di masaktan ang damdamin ng nobya.
Sinalinan niya ng mainit na tubig na mula sa thermos ang kanyang mug. Saka niya hinalo ang mainit at madilim na likido. Bitbit ang kanyang mug ay naupo siya sa may plastic na upuan sa harapan ng kanilang plastic na lamesang kainan. Pinagmasdan niya ang kanyang nanay at tatay na masayang nanunuod. At isang mahinang tawa ang lumabas sa kanyang mga labi. Alam niya na kahit na magkatabi ang kanyang nanay at tatay na nanunuod sa harapan ng telebisyon, ay ang nanay lamang niya ang nanunuod at hindi ang kanyang ama.
Hindi dahil sa hindi nito gusto ang palabas na nasa maliit na box type na colored TV nila. Dahil sa, kahit ano pang ipalabas na balita, telenobela, o pelikula man ay hindi na iyun mapapanuod ng kanyang tatay. Dahil sa bulag na ito.
Nabulag ito, sa huling construction site na pinasukan nito. Nagkaroon ng aksidente at napuruhan ang paningin ng kanyang tatay, kaya tuluyan itong nabulag at hindi na nakapagtrabaho. At simula nun ay siya na ang tumayong padre de pamilya, kaya tuluyan na siyang nagpasya na hindi na talaga tumuloy pa sa pag-aaral at magbigay daan para sa kanyang kapatid.
Hindi niya minasama kahit kailan ang pag-ako ng responsebilidad para sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya at sa pag-aaral ng kanyang kapatid. Masaya siya sa tuwing nakikita niyang naibibigay niya ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Hinawakan ng kanyang daliri ang tenga ng mug, para iangat ito sa mesa palapit sa kanyang bibig at humigop siya ng kanyang kape at gumuhit ang mainit na likido mula sa kanyang lalamunan pababa sa kanyang sikmura.
Kaya nga, napakabigat ngayon ng kanyang isipin, pero, alam niya na lilipas din ito, hindi niya kailangan na tuluyan na lamunin ng alalahanin ang kanyang isipan, kailangan ay mas magpakatatag siya, lalo na sa panahon na iyun.
Muli niyang pinagmasdan ang kanyang mga magulang, ang mahinang pag-uusap ng dalawa, at mahinang tawanan. Hindi niya muli napigilan ang mapangiti. Sa tagal ng pagsasama ng kanyang mga magulang, ay kailanman ay hindi niya nakitang nag-away ang dalawa, ni magtaasan ng boses ay hindi niya naringgan ang mga labi ng kanyang nanay at tatay. Kaya naman, gusto niya ay, kung mag-aasawa man siya, gustong-gusto niya na ang pagsasama nila ay katulad ng sa kanyang mga magulang. Yung magkasama sa hirap? at napangiti siya ng malungkot, puro hirap lang yata, ang sabi ng kanyang isipan.
Gusto niya na ang magiging pagsasama nila ay tatagal sa hirap at ginhawa, at yung walang pagtatalo at iintindihin nila ang isa’t isa.
At kung bakit bigla na lang pumasok sa kanyang isipan ang mukha ng babaeng nasa likod ng manibela nang sasakyan na muntik ng sumagasa sa kanya. At agad-agad ay nakaramdam siya ng inis, para bang isinalang siya sa kalan at bigla na lamang kumulo ang kanyang dugo. At bakit hindi? Napaka iresponsable nito! Hindi dapat ito nagmamaneho kung pa tanga-tanga ito. Dapat, kapag nasa pedestrian lane ay nagmemenor ang takbo ng sasakyan, dahil nga sa pedestrian lane iyun at may mga tumatawid na mga tao.
Hindi ba tao ang tingin nito sa kanya habang tumatawid siya? Ang bwisit na tanong ng isipan niya. Ay, hindi naman siguro, sadyang balasubas lang sa pagmamaneho o sadyang tanga lang talaga ito.
At muli niyang naalala ang mukha nito, ang gulat na mga mata nito sa likod ng malalaking bilog na salamin. Ang matangos nitong ilong at ang bahagyang nakabuka na mga labi nito.
Oo nga at, alam niyang may kagandahang lalaki siya, alam niya na napapatingin o napapalingon ang mga babaeng nakakakita sa kanya. Pero, ang ekspresyon ng mukha nito kanina ay gulat. Tila ba, natulala ito nang makita ang mukha niya ng tumayo siya sa tabi ng pintuan ng drayber.
Hindi na niya akalain na, may matutulala sa hitsura niya, ang sabi ng kanyang isipan. Huh, sorry na lang, hindi siya mahilig sa tanga, ang mariin na sabi niya sa sarili habang humuhigop ng kape.
Biglang natuon ang kanyang mata sa pinto nang bigla iyung bumukas at pumasok sa loob ang kapatid niyang si Arthur. Tiningnan niya ang oras, halos lagpas alas diyes na ng gabi. Napansin niya ang folder na dala nito. Lumapit ito sa kanyang nanay at tatay para magmano.
At saka naman ito naupo sa silya sa kanyang harapan at ipinatong nito ang dalang folder sa ibabaw ng lamesa.
“Kuya” ang bati nito sa kanya.
Tumango siya bago nagsalita, “saan ka galing?” ang matipid na tanong niya, bago niya muling hinigop ang kanyang kape.
“Ah, kuya sa computer shop lang, may mga itinayp lang ako saka nagpaprint na rin” ang sagot ng nakababata niyang kapatid.
Tumangu-tango siya, “kamusta ang school?” ang tanong niya.
“Mabuti naman kuya, mataas yung grades ko nitong mid term, kaya, tuloy pa rin ang scholarship ko, hindi ako mawawala sa listahan” ang sagot nito sa kanya.
Tumangu-tango si Antonio sa kapatid at ngumiti siya rito, natutuwa siya para sa kapatid, dahil sa, gumawa rin ito ng paraan para makatulong sa kanya at mapagaan ang mga gastusin nito sa pag-aaral. Nag-apply kasi ito ng scholarship at nakapasa kaya naman, hindi na siya nagbabayad ng tuition nito, kundi ang baon at pamasahe na lamang nito at mga projects ang pinagkakagastusan niya, kasama na rin ang mga gamit na kailangan nito sa pag-aaral. Kahit mabigat pa rin ang gastusin, ay at least ay nabawasan ang bayarin nila.
At kahit pa nagsabi na ito na kukuha ng part time job ay hindi niya ito pinahintulutan. Gusto niyang naka focus lang ang kapatid sa pag-aaral nito at pagkagraduate nito ng civil engineering, ay saka na ito magtrabaho, ang giit niya sa kapatid.
“Kuya malapit na ang end ng sem, pwede ba na, sumama ako sa mga kaibigan ko?” ang pagpapaalam ni Arthur sa kanya. Kita niya sa mga mata ng batang kapatid na umaasa ito.
“Saan?” ang tanong niya, sabay tungga ng huling laman ng kape sa kanyang mug.
“Nagkakayayaan kasi na magpunta sa club yung mga kaibigan ko” ang nag-aalangan na sagot ni Arthur sa kanya.
Tumikom ang kanyang bibig sabay lunok sa mapait at malamig nang kape sa kanyang bibig. Tiningnan niya ang kanyang kapatid, batid niya na mayayaman ang mga kaibigan ni Arthur sa unibersidad na pinapasukan nito. Mayayaman man ay mababait naman ang mga ito sa kanyang kapatid, kaso, ayaw naman niya na matututo ang kapatid niya na magpunta sa mga ganun na lugar. Alam niya na hindi sa mga pipitsugin na club ang tinutukoy ng kanyang kapatid at ayaw niyang, makatikim ng pagmamaliit si Arthur, dahil dama niya kung gaano iyun kasakit. At naalala nga niya ang mga, salitang lumabas sa bibig ng mas batang kapatid ni Claire na si Neil.
Napabuntong-hininga muna siya bago siya nagsalita, “Arthur”-
“Kuya, hindi ko naman daw kailangan na magdala ng pera, siguro pocket money ko, pero, hindi na ako hihingi, may nakatabi pa akong pera galing sa mga baon ko” ang pangungumbinsi nito sa kanya.
Tiningnan niya ang kapatid, mababakas sa mukha nito ang kasabikan. Binata na ito, at alam niya na, gusto nitong magsaliksik sa buhay. Sabik itong sumubok ng mga bagong karanasan, pero, ayaw din niyang mapahamak ang kapatid, pero sa kabila naman nito ay gusto rin naman niya na maranasan ng kapatid ang, normal na buhay ng isang teenager na hindi niya naranasan.
“Kailan ba iyan?” ang tanong niya at nakita niya sa mukha ni Arthur na nabuhayan ito ng loob. Dahil dati ay agad niyang tinatanggihan ang sinasabi nito.
Nagliwanag ang batang mukha ng kapatid niya, na nagpapakita rin ng pagiging magandang lalaki nito.
“Pagkatapos na po ng sem kuya, bago magbakasyon” ang mabilis at puno ng kasiglahan na sagot nito sa kanya.
“Sige pag-iisipan ko” ang sagot niya, pero kahit pa walang kasiguraduhan ang kanyang kasagutan ay masaya pa rin ang mukha ni Arthur.
“Salamat kuya, ah, isa pa po pala” ang dugtong pa nito, “kuya sa bakasyon, magtatrabaho pala ako”
Kumunot ang kanyang noo sa sinabi ng kapatid, at tiningnan niya ito.
“Anong trabaho?” ang tanong niya.
“Sa tindahan nina Chard, yung, malaking hardware store nila, magtitindero o pwede rin tagahakot ng mga deliveries ng sako ng mga semento” ang sagot nito sa kanya.
Tiningnan niya ang likas na payat na katawan ng kapatid, alam niyang hindi pa tuluyan na naghuhulma ang pangangatawan nito, hindi katulad ng katawan niya noong kasing edad niya ito.
“Baka hindi mo kayanin ang maghakot ng mga sako ng semento Arthur” ang giit niya sa kapatid.
“May gamit naman kuya, yung parang trolley kaya, di ako mahihirapan, alam ko naman na hindi ko singlaki ang katawan mo” ang nanghihinayang na sagot nito sa kanya.
“Para lang makaipon ako kuya, kasi, kailangan ko makabili ng mga bagong gamit sa pagdodrowing” ang paliwanag nito sa kanya.
Napabuntong-hininga siya at napakamot ang kamay sa noo, “basta isang buwan ka lang na magtatrabaho” ang giit niya sa kapatid.
Mabilis ang pagtango nito sa kanya, “opo kuya”-
“At” ang dugtong pa niya, “kapag hindi mo kaya ang trabaho lalo pa at mabigat ang paghahakot, huwag mo pilitin” ang giit niya sa kapatid. Alam niya kung gaano kahirap ang ganun na trabaho dahil sa naranasan na niya ito.
“Oo kuya pangako, sige kuya maglilinis na ako at matutulog” ang pagpapaalam nito sa kanya, saka siya nito iniwan sa lamesa. Nagpaalam na rin ito sa kanilang mga magulang.
Muling bumalik ang isipan niya sa mga mahihirap na trabaho na kanyang pinasukan. Oo, pwede siyang kumuha ng mas magaan na trabaho, marami na rin kasi noon na lumapit sa kanya na mga agent, talent scout, at inaalok siya na mag model o mag-artista pero, tinanggihan niya iyun.
Katangahan man o kabaliwan ang pagtanggi niya sa isang malaking oportunidad, ay mas matatag ang kanyang, matigas na paniniwala na kailanman ay di niya gagamitin ang kanyang mukha at katawan sa isang trabaho.
Ang pride niya ay hindi nga makakain, ang sabi ng iba sa kanya, pero, ayaw niyang maging utang na loob sa ama na nang-iwan sa kanyang nanay, na dahil sa lahi nito ay naging magandang lalaki siya.
Kung pwede nga lang na mamili ang anak habang nasa sinapupunan pa ito ng kanyang ina, ay mas pinili pa niya na maging kamukha ng kanyang simpleng nanay.
Hindi, ang mariin na tanggi ng isipan niya.
Magbabanat na lamang siya ng buto at kalamnan, kaysa sa gamitin ang mukha ng lalaking kanyang kinamumuhian, ang matigas na desisyon ni Antonio.
****

“Sorry I’m late” ang matipid na sabi ni Nikita sa mga kasamahan. Kumpleto na ang lahat, para sa photo shoot na para naman sa mga plus size woman.
Pero dahil nga sa hindi siya agad dinalaw ng antok, at madaling araw na siya nakatulog, hindi niya agad narinig ang tunog ng kanyang alarm. Kaya naman ng maalimpungatan siya, ay para siyang nagkaroon ng pakpak sa mga paa, dahil sa sobrang pagmamadali.
Nagsisimula naman na ang pag-aayos ng mga kinuha nilang model, at dahil sa inihabilin na niya ang mga isusuot ng models sa kanyang assistant at sa kinuha niyang stylist kaya naman, pagdating niya sa isang apartment ay nakapaghanda na mga models at inaayusan na rin ang mga ito.
“May coffee ba?” ang tanong niya sa kanyang assistant na mabilis na tumango at inabot ang isang take out coffee sa kanya na kanyang ibinilin ng malapit na siya sa location.
“Thanks” ang matipid niyang sagot sabay higop ng kape na muntik pa niyang maibuga dahil sa hindi niya natantiya ang init nito.
She’s not really acting like her normal self, simula ng makita niya ang mukha ng lalaking iyun.
Naalala niya ang nangyari, kagabi nang muntik niya itong masagasaan, at galit siyang iniwan nito at nagmamadali na naglakad papalayo sa kanya, habang siya ay nakalusot ang ulo sa bintana ng sasakyan at panay ang tawag niya sa atensyon nito.
Pero walang lingon-likod itong naglakad papalayo sa kanya at hindi na niya ito nagawa pang habulin. She drove around, at nagbakasakali siyang makita niya itong muli, ngunit, hindi na niya ito nakita pa.
Nanghihinayang siyang nag drive pauwi habang laman ng kanyang isipan ang kulay asul na mga mata nito.
Those eyes, iyun ang nagpatigil sa kanyang hininga ng makita niya ang mukha nito. Ang mga mata nito, na batid niya na magiging haunting pagdating sa likod ng camera.
Pero, parang panaginip lang niya ang lalaking iyun, parang gawa lamang ng kanyang imahinasyon, dahil sa nawala rin itong parang bula. Parang aparisyon na nagdaan lamang sa kanyang kamalayan.
“Are you okey?” ang tanong sa kanya ng kaibigan na si Franco nang lapitan siya nito.
“Yeah, kamusta nakapag simula na ba ng shoot?” ang tanong niya.
“Oo, mga, naka fifty shots na kami and that’s for four models pa lang” ang sagot nito sa kanya.
Tumangu-tango siya, kailangan niyang ilagay muna ang kanyang atensyon sa shoot na ito, bago niya iisipin muli kung paano niya mahahanap ang kanyang Adonis.
“Okey, let’s go on with it” ang sabi niya sa kaibigan na photographer, at dala ang kanyang kape ay naglakad siya patungo sa kanyang pwesto at doon ay naupo siya sa harapan ng isang screen, at pilit niyang itinuon ang atensyon sa mga modelong nakarehistro sa screen ng computer.
*****
Pagkatapos ng ilan pang shoot ay nagpaalam sandali si Nikita na baba para bumili ng kape. She tried to focus her full attention sa nangyayaring shoot, pero, nanatiling lutang ang isip niya at lumilipad sa kung saan. At ang hinahanap nito ay ang mukha ng lalaking, muntik na niyang masagasaan kagabi.
And out of frustration, she excused herself for a moment at nagpaalam na bibili muna siya ng kape. Malamang ay kulang lang siya ng caffeine sa katawan.
She needed a breather, at baka sakali na mawala sa isipan niya kahit panandalian man lang ang mukha ng lalaking iyun na tumatak ng husto sa kanyang isipan. Kahit sandali lang, she wanted to clear her head, not only for her to focused on the ongoing photo shoot, but also, para makapag plano siya ng susunod niyang gagawin. Dahil sa kailangan niyang mahanap ang lalaking iyun.
Dinampot niya ang mga inoder na lemonade sa counter at ang isang  paper bag na naglalaman ng tinapay. She decided to drink lemonade instead of coffee dahil alam niyang, pagbalik niya sa kanyang opisina ay puro kape na naman ang ilalaman niya sa kanyang sikmura. At dahil sa okupado ang dalawa niyang kamay ay inipit niya sa kanyang kilikili ang dala niyang cluthbag at saka siya naglakad patungo sa pintuan ng coffee shop. She pulled open the door at humakbang na siya palabas ng coffee shop. She sipped the cold slightly sweetened drink, while walking, at hindi na rin niya pinalagyan ng takip ang baso na pinalagyan ng kanyang lemonade. Ayaw rin niya na gumamit ng straws.
Halos ilang hakbang na lang siya sa apartment building kung saan ginaganap ang photo shoot nang maalala niya na kailangan pala niyang dumaan sa drugstore para bumili ng mints at ubos na ang laman ng kanyang dispenser. Nalagpasan na niya ang drugstore kaya kailangan niyang maglakad pabalik.
Mabilis niyang ipinihit ang kanyang katawan patalikod para bumalik ng, bumangga siya sa dibdib ng isang lalaki at natapon ang laman ng kanyang baso sa malapad na dibdib nito.

















Custom-Tailored ( Romantic - Suspense) [ Completed] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon